May kumukontra sa inilabas na listahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na Top 500 Individual Taxpayers For Year 2011, kung saan nakasaad na si Kris Aquino ang top taxpayer ng 2011.
(CLICK HERE to read related story.)
Isa ang business tycoon na si Andrew Tan sa mga negosyanteng umaalma.
Si Tan ay ang founder ng Megaworld Corp. real-estate empire, at isa mga pinangalanan sa Forbes Magazine bilang Pilipinong bilyonaryo.
Kagaya raw ng ibang negosyante, wala si Tan sa listahan na inilabas ng BIR, sa kabila na nagbayad umano siya ng milyon-milyong halaga ng buwis.
Ayon sa report na inilabas ng Philippine Daily Inquirer ngayong araw, Abril 18—na pinamagatang “Tycoons not in BIR list coming forward—lumalabas sa datos mula sa office ni Tan na mas malaki pa ang halagang binayaran niya, na umabot sa higit sa P60.1 milyon, kumpara sa nangunguna sa Top 500 list.
Ang tinaguriang Queen of All Media na si Kris Aquino ay nagbayad diumano ng buwis na nagkakahalaga lamang ng P49.8 milyon.
Pagpapatuloy ng ulat, si Tan ang pangatlong negosyante na umalma sa Inquirer kung bakit hindi sila kabilang sa BIR list na top taxpayers of the country.
Sa impormasyong ibinigay ng Megaworld sa national daily broadsheet, nakalagay rito ang kinita at ang buwis na binayaran ni Tan noong 2011.
Ayon sa datos, kumita si Tan ng P518.1 million in cash dividends mula sa kanyang stock holdings, subalit nagbayad siya ng withholding tax na 10 percent na umabot sa P51.8 million.
Bago si Tan, nauna nang iniulat ng Inquirer.net na ang magkapatid na namumuno sa Lopez Group of Companies ang nagbayad din ng milyong halaga ng buwis, subalit hindi kasama sa Top 500 taxpayers list ng BIR.
Ayon sa ulat, noong 2011 ay nagbayad ang Chairman Emeritus ng Lopez Group of Companies na si Oscar M. Lopez ng P37 million in taxes sa BIR, habang ang kapatid naman nitong si Manuel— ang chairman at chief executive officer ng Lopez group— ay nagbayad ng P11 million.
BIR COMMISSIONER EXPLAINS. Sa report naman ng ABS-CBN News, inilabas nito ang pahayag ni BIR Commissioner Kim Henares sa programang News Now ng ANC.
Ipinaliwanag ni Henares sa ANC program na ito noong Miyerkules, April 17, ang hindi pagkakasama sa listahan ni Tan at ng iba pang mga negosyante.
Isa raw sa posibleng dahilan ng hindi pagkakasama ng pangalan ng ilang mga negosyante ay dahil ang kanilang “income taxes have already been already withheld.”
Dagdag pa ni Henares, "If you are being paid a salary and there's only one company paying the salary and it is withheld and the withholding is correct, then you don't have to file an ITR. You might be earning more than the top person on the list but because it is withheld properly and you did not file an ITR, so you're not there."
Isa pa raw posibleng dahilan ay maaaring sa dividends galing ang kanilang earnings na isailalim pa sa final tax, pero hindi pa ito magre-reflect sa income tax return.
Paliwanag ni Henares, "If you say Henry Sy is on the list and some people may say his amount [of tax] is small. Well, in terms of the income tax he pays, it might be small but he might have other income that's big, like dividend, so there's a 10 percent final tax on that."
Tinawagan ng PEP.ph ang Corporate Communications Division ng BIR kaninang alas-singko ng hapon upang kunin ang kanilang panig hinggil sa isyung ito.
Sinabihan kami na tawagan na lamang ang Taxpayer Information and Education Division nila at kausapin ang Division Chief na si Raymarie T. dela Cruz.
Subalit nang tawagan namin ang numero, walang sumasagot sa linya ng telepono.
Muling tinawagan ng PEP ang Corporate Communications Division ng BIR. Sinabihan kaming maaaring hindi na namin naabutan ang Division Chief dahil sarado na ang kanilang tanggapan ng 5 p.m., at sinabihan din kaming tumawag na lamang muli kinabukasan.
Mananatili namang bukas ang PEP sa panig ng BIR hinggil sa ulat na ito.