Kapansin-pansin ang malaking ngiti sa labi ni Eric Quizon nang muli siyang humarap sa miyembro ng media nang magbigay siya ng panibagong medical bulletin kaugnayan ng kalagayan ng kanyang amang si Comedy King Dolphy kanina lamang, June 29.
Ang ngiting ito ay dahil sa magandang balitang mailalabas na mula sa Intensive Care Unit ng Makati Medical Center ang legendary comedian.
Ayon kay Eric, maaaring lumipat na sa regular room ang kanyang ama sa Lunes o Martes ng susunod na linggo.
“Like I said, it's all good news from now and of course the family's ecstatic about the development,” dagdag ni Eric.
Matatandaan na nitong mga nakaraang araw ay lubos na nag-alala ang pamilya ng Comedy King dahil sa inihayag ng mga doktor na siya ay nasa “very critical” na kundisyon.
Ito ay dahil sa kanyang sakit na Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD).
CLICK HERE to read related article.
Sa tulong ng walang tigil na blood transfusion, dialysis, at kamailan nga ay ang tracheostomy, unti-unting bumubuti ang kalagayan ng legendary actor.
CLICK HERE to read related article.
Sa ngayon, wala na umanong internal bleeding na nakikita ang mga doktor kay Mang Dolphy.
Sabi ni Eric, “For the last two days, there was no blood tranfusions, so at least nag-i-improve ‘yon.”
Bumuti na rin daw ang kidney at tiyan ng kanyang ama.
“Hopefully itong weekend na 'to ipapahinga muna siya sa dialysis kasi it seems like yesterday, hindi siya nag-dialysis, nagkaroon ng malaking improvement, e.
“So of course, ‘yong dialysis nakakatulong 'yan, pero 'yong gagawin nila ngayon, itong weekend na 'to, off muna siya sa dialysis.
“Titingnan natin kung ano 'yung magiging improvement ng kidney niya.
“It's all positive from now, may output na.”
A MIRACLE. Sa pakikipag-usap ni Eric sa media, naikuwento rin niya na nakakasagot na sa kanila ang kanilang ama sa pamamagitan ng mga gesture.
Kuwento ng actor-director, “Yesterday, like si Zsa Zsa [Padilla], sabi niya, ‘Lovey, kiss?’ ‘Yong daddy ko talaga, ngumuso siya at nag-kiss sila. Nag-smile.
“Kanina pala, dumila siya. Parang naglolokohan sila, bilang [dumila] daw ‘yong dad ko. Parang expression niya ‘yon, e, parang belat.”
Bukod sa magandang balita, nagpasalamat din si Eric sa mga taong patuloy na nagdarasal para sa ikabubuti ng kanilang ama.
At dahil sa magagandang balitang ito, ayon kay Eric, “We’d like to believe it’s a miracle.”