Hindi maiwasang malungkot ng isa sa regular members ng Shoutout na si Benjamin de Guzman dahil sa malaking pagbabago na magaganap sa teen-oriented show ng ABS-CBN.
Bawat isa kasi sa cast member ay dadaan sa audition para mapasama sa production numbers ng kani-kanilang grupo.
Ang pagbabagong ito ang dahilan kung bakit idinagdag sa title ng programa ang Level Up.
POSSIBLE CANCELLATION. Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Benjamin, inamin niyang kinabahan siya sa naging announcement ng management na kapag hindi nila ginalingan ang kani-kanilang performances sa apat na linggo ay mawawala na sa ere ang Shoutout Level Up.
Nagsimulang umere ang daily program na ito noong November 29, 2010.
"Actually, lahat po kami nalungkot sa naging announcement," sabi ni Benjamin.
"Kasi bago pa lang yung show, tapos pag hindi kami nag-improve, o hindi namin ginalingan yung mga production numbers na ginagawa namin, baka mawala yung show.
"Siguro wake-up call din sa aming lahat yung nangyari para mas paghusayan pa namin at ipakita kung ano yung puwede pa naming ipakita at i-contribute sa show.
"Malaki talaga yung naging pagbabago. Kasi dati, ia-assign lang kami kung ano yung magiging production namin every Thursday at Friday. Pero ngayon, we need to go to the audition para mapasama sa production numbers.
"Ang nakakakaba pa kasi, konti lang yung kukunin sa aming lahat. Kung sino lang yung makakapasa sa panlasa ng coaches namin from acting, singing, at dancing. Kaya kailangan talaga galingan para makasama ka.
"Hindi mo alam kung okey ba yung naging resulta nung naging audition mo o hindi, kaya hindi mo alam kung makukuha ka ba o hindi.
"Kaya nga nag-usap-usap kaming lahat na kailangang-kailangang galingan namin para magpatuloy pa yung show namin at bumilang ng taon at hindi mamaalam sa ere."
LEVEL UP. Ayon kay Benjamin, may positibo namang dala ang naging pagbabago sa Shoutout dahil lahat sila ay mag-e-effort na maipakita kung anong talent ang meron bawat isa sa kanila.
"Kasi lahat kami magiging palaban at talagang paghahandaan yung production number na mapupunta sa amin. Kasi nga, out of many, nakasama ka.
"Siguro gusto lang talaga ng ABS-CBN management na makita na habang tumatagal yung show, may nakikitang improvement sa bawat isa sa amin.
"'Tsaka magandang exposure na rin sa mga mapipili kasi konti lang yung makukuha at sila-sila lang yung magpe-perform sa kani-kanilang nakatokang araw. Kaya kung sino lang ang napili, sila lang yung mapapanood na kumakanta o sumasayaw.
"Biruin mo, pag nakuha ka, proud ka kasi sa dami n'yo, isa ka sa napili. Kaya hindi mo na mapapansin yung hirap at pagod na pinagdaanan mo bago at pagkatapos ng audition.
"Kaya nga ako, gagawin ko talaga yung assignment na ibibigay sa amin ng mga coaches namin. Para pagdating ng audition, handang-handa ako para may tsansang mapili ka at makasama sa production number. Kasi kung pinaghandaan mo at inaral mo, walang dahilan para hindi ka makuha."
Agree din daw ang young actor-commercial model na binigyan sila ng coaches sa acting, singing, at dancing dahil mas matututo raw sila at para ma-perfect nila yung kani-kanilang production numbers.
"Kumbaga, parang nasa workshop na rin kami. Alam ko kasing marami pa akong matututunan sa mga coaches namin mapa-acting, singing, at dancing. Sila kasi yung mas may malaking kaalaman dito.
"At para pag isinalang na kami sa production number na ibinigay sa amin, alam naming ready na kami kasi na-guide at naturuan na nila kami nang tama."
Kabilang si Benjamin sa orihinal na Thursday group—ang "Friends-Thurs." Pero sa pagre-reformat ng Shoutout ay ginawa na lang na tatlong grupo ang mga nasa cast, at nakasama si Benjamin sa "Team Up."
Aminado si Benjamin na nalungkot siya sa paghihiwa-hiwalay nila ng kanyang mga kagrupo sa original Thursday Group. Nahiwalay sa kanilang grupo sina Tricia Santos, Nel Gomez, Jaco Benin, Linn Oeymo, at Hannah Flores.
"Lahat naman kami nakaramdam talaga ng lungkot kasi bonded na kami. Kumbaga, huli na namin yung bawat ugali namin at nag-e-enjoy na kaming magkakasama.
"Kaya nga nung mag-announce na magkakaron ng changes sa groupings at magra-rumble ang members from Monday to Thursday, lahat talaga kami nalungkot.
"Pero wala naman kaming magagawa kasi management decision yun. Kahit na nga alam naman na magkikita-kita pa rin kami kasi nasa iisang show lang kami. Yun nga lang, iba na yung grupo nila at ganun din ako," pahayag ni Benjamin.
Bukod kay Benjamin, nasa "Team Up" din sina Rhap Salazar, Emman Vera, Piero Vergara, Jane Oineza, Thara Jordana, Ryan Bang, Jenny Kim, Young JV, Bianca Casado, Ivan Dorschner, Patrick Sugui, Yen Santos, at James Torres.