Naramdaman ni Sunshine Dizon ang importansiyang ibinigay sa kanya ng GMA Films nang iurong sa March 17 ang premiere night ng Sundo para makadalo siya. Sa March 15 sana ang original date ng premiere ng pelikulang pinagbibidahan ni Robin Padilla, na tama lang sa March 18 opening nito, pero kailangang iurong dahil wala si Susnhine sa original date.
Aalis ang aktres sa March 13 para sa taping ng All About Eve—ang pinakabagong primetime soap ng GMA-7—sa Singapore. Sa March 16 na ang kanyang balik.
Kaya nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Sunshine ay na-share niya sa amin ang pasasalamat niya sa GMA Films president na si Ms. Annette Gozon-Abrogar sa pagpapahalaga sa partisipasyon niya sa nabanggit na pelikula.
"Thank you Ma'am Annette at Tito Joey [Abacan] for making me a part of this movie," sambit ni Sunshine. "Matagal na akong hindi gumawa ng pelikula, but this is worth the wait. Hindi lang ako nagtrabaho rito, nadagdagan din ang kaibigan ko dahil naging kaibigan ko ang buong cast—from kuya Robin to Hero [Angeles], Mark [Bautista], Rhian [Ramos], and Katrina [Halili]. Para ngang hindi horror movie ang ginawa namin, parang comedy dahil lagi kaming masaya sa shooting at tawanan kami nang tawanan!"
ROBIN'S SPECIAL CARE. Kilala si Robin as the leading man na laging nali-link sa kanyang kapareha. Hindi ba siya na-in love sa action superstar?
"Famous si Kuya sa pag-aalaga sa kanyang nakakapareha at ginawa rin niya sa akin yun. Special ang trato niya sa akin at sa ibang female cast, at sobra rin siyang marespeto. Pero friendship lang ang namagitan sa amin. Idol ko si Kuya at sa kanya ko natutunan to always think positive at huwag tumanggi sa project. Kaya hangga't kaya ko, 'pag may project na ino-offer, tinatanggap ko," saad ni Sunshine.
Paano naman siya inasikaso ni Robin?
"The usual Robin ang nakita ko sa shooting," sabi niya. "He made me feel very comfortable sa set at hindi lang siya ang naging good friend ko, pati ang driver niya at mga kasama. Pati nga ako, nagkaroon bigla ng bodyguard."
FRIENDSHIP WITH KATRINA. Naging close din si Sunshine kay Katrina while doing Sundo. Ipinagtatanggol pa nga ni Sunshine si Katrina sa mga galit at naninira sa sexy actress.
"I formed a friendship with her at natutuwa akong naging kaibigan ko siya. Nalulungkot ako sa mga bad things na sinasabi ng tao sa kanya. I consider her one of my blessings dahil nadagdagan ang friends ko sa industry. Hindi ko alam na makulit at madaldal siya at ang role niya sa movie, ibinagay sa kanya," sabi niya.
TWO CHARACTERS. Sa Sundo, ginagampanan ni Sunshine ang papel ni Louella, ang childhood friend ni Romano (Robin) na may lihim na pag-ibig sa kaibigan. Sa All About Eve naman, siya ang salbaheng si Erika na gugulo sa buhay ni Nicole (Iza Calzado). Ano ang challenge sa kanya ng magkaiba niyang roles?
"As Louella, bait-baitan ako," sabi niya. "Dito sa Sundo, ipapakita namin ang takot at pagkagulat sa mga spirits na na-encounter namin. Promise, maganda at nakakatakot ang pelikula. Maganda at iba ang texture. May ipinare-redub sa akin na hindi ko ginawa dahil maiiba ang emotion at timbre ng boses ko."
"As Erika, salbaheng-salbahe ako. Kamumuhian ako ng viewers at fans ni Iza. Ang challenge sa akin is how to do it well, understanding Erika's roots and her character. Nagpa-hair extension nga ako dahil long hair si Erika sa Koreanovela. May ginawa ako rito sa All About Eve na ngayon ko lang ginawa dahil kailangan sa role ko at sa story."
Ayon kay Sunshine, may ginawa siya sa All About Eve na sensual sa kanya at nanginig siya nang kunan ito ni Direk Gil Tejada. Something new for her ang eksena, medyo daring at hindi niya natanggihan nang ipaliwanag sa kanya kung gaano kaimportante.
Nanghula ang PEP na kung hindi kissing scene ay nagsuot siya ng two-piece. Pero ayaw talagang mag-spoiler ni Sunshine at abangan na lang daw ito. Mabuti na lang at payat na siya ngayon kaya na-carry niya ang eksena.
THANKS TO LIPO. Speaking of payat, hindi itinanggi ni Sunshine na dala ng pagpapa-lipo ang pagpayat niya. Pero mas hirap daw siyang i-maintain ang weight niya ngayon. Kailangang hindi siya tumaba habang umeere ang All About Eve.
"Actually, nag-start akong magpapayat October last year pa at tuloy ang diet ko. I only eat brown rice at limang kutsara lang ang rice ko. Bumabawi na lang ako sa vegetables, fruits, at ulam. Tambak ang gulay ko at mina-mash pa ang kalabasa. I eat carbo, pero limited. Every Sunday lang ako nag-i-indulge, after church," lahad ni Sunshine.
RECORDING CONTRACT. Dapat pala ay pipirma ng recording contract sa Viva Records si Sunshine at gagawa siya ng album, pero hindi na ito matutuloy dahil nagkaroon ng problema.
"Nagkaroon ng sabit, kaya hindi na siya matutuloy," banggit ni Sunshine. "Ayaw akong i-manage ni Ate VR [Veronique del Rosario-Corpus] kung recording lang. Gusto nila pati TV ko, sila rin ang hahawak. But I made it clear na hindi ako puwede dahil may kontrata ako sa GMA Network, kaya huwag na lang.
"But I'm not closing doors, who knows in the future makagawa rin ako ng album sa kanila. Baka hindi pa right time for me to have an album. Sayang nga, gusto ko pa naman mag-record ng OPM songs. But I know, darating din ang time na 'yun."
SUNSHINE'S LOVELIFE. Abalang-abala ngayon si Sunshine. Bukod sa Sundo at sa All About Eve ay tinanggap na rin niya ang offer na mag-guest sa gag show na Bubble Gang.
Paano na ang kanyang lovelife? Kailan siya magbo-boyfriend uli?
"Alam n'yo, naisip kong hindi ko kailangan ng boyfriend para sumaya at maging kumpleto ang buhay. Ayoko nang maghanap dahil alam kong may darating na right guy for me sa right time. Hindi kailangan ang boyfriend para magkaroon ng pag-ibig. Dahil sa ngayon, tama na sa aking nandiyan ang mom ko, family ko, friends, at may career ako."
Nang banggitin ng PEP si Jojo Manlongat, na nali-link ngayon sa co-star niya sa All About Eve na si Jean Garcia, nakiusap si Sunshine na huwag nang pag-usapan ang lalake.
"Basta friend kami ni Ate Jean, who's my mom in All About Eve. Walang isyu sa amin at huwag na nating pag-usapan ang walang kinalaman sa buhay ko," pagwawakas ni Sunshine.