Dahil 14 years old na si Katrina "Hopia" Legaspi, graduate na siya sa kiddie gag show ng Kapamilya network na Goin' Bulilit. Pero aware naman si Hopia na nasa tinatawag siyang awkward age ngayon.
"Nasa awkward stage nga raw po ako ngayon kaya ang sabi naman po sa akin ng Star Magic, hintayin na lang daw po na mag-bloom. Kasi, yun nga po, awkward stage pa nga raw po ako," sabi ni Hopia nang makapanayam siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Wala naman daw problema kay Hopia kung wala siyang regular show sa ABS-CBN ngayon dahil nag-aaral naman siya sa School of St. Anthony sa Lagro, Quezon City. Masaya rin si Hopia na siya ang napili para magbigay-boses kay Anna sa digital animated film na Dayo.
"Second year high school po ako ngayon kaya okey lang din naman po. Kaya masaya rin po ako, kasi po, nakuha nga po ako para mag-dub as Anna."
Hindi raw siya nahirapan sa pagda-dub ng boses sa isang animated film, kung saan isang manananggal ang kanyang role.
"Masaya po kasi same voice ko rin naman po. Tapos, para lang din po kaming gumagawa ng movie. Kasi po, kinukuhanan din po kami habang nagda-dub.
"Sabi po nila, parang young Kris Aquino raw po ako. E, di po ba, yun naman po talaga ako, young Kris Aquino? Nag-brief din po sila sa akin na medyo mayamang manananggal at Inglesera kaya nga po, vegetarian po ako na manananggal!" natatawa niyang sabi.
Nakagawa na rin si Hopia ng independent film na Prinsesa, kung saan na-nominate din siya bilang Best New Movie Actress sa nakaraang Golden Screen Awards ng Enpress. Pero this time, excited daw siya dahil ibang medium ng movie naman daw ang ginawa niya.
"Kakaiba siya. Kasi, wow, Metro Manila Film Festival at parang first time sa MMFF na isang animated film. Kaya sige, keri naman, sige! At saka maganda po talaga siya. Tapos noong ginagawa ko pa po ito, less haggard. Nakakapag-bonding pa po kayo during recording kaya masaya pong talaga," kuwento ni Hopia.
Ayon kay Hopia, one year in the making daw ang Dayo. Positive si Hopia na makakalaban ang animated film nila sa MMFF in terms of box-office.
"Siyempre po naman! Kasi, hindi ito karaniwan. Animated kasi
siya, so siguradong magugustuhan ito ng mga bata at sila mismo ang magyayaya sa
parents nila na manood," pagtatapos ni Hopia.
