Sinabi ni Bayani sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na kung sakaling wala na siyang trabaho sa showbiz ay may plano na siyang gagawin. Pero ipinagpapasalamat niya na hindi naman siya nawawalan ng trabaho. Ngayon nga ay he's now enjoying the best of both worlds—ang ABS-CBN at TV5.
"Maraming salamat sa Diyos, hindi ako natitigil sa trabaho," sambit ni Bayani. "Hindi ko hinihiling kasi mayroon naman akong Plan B pag nawala ako sa TV, pero dire-diretso pa rin naman siya. I Have Kiddie Kwela in TV5 and I'm part of Dragonna.
"Ang iniiisip ko na lang next year, huwag ko na lang hintayin nang hintayin. Puntahan ko naman, magplano naman ako sa sarili ko kasi mamaya, hindi na siya dumating. Buti hanggang ngayon, may mga dumarating. Might as well, next year, magplano ako sa sarili ko, lapitan ko yung papunta pa lang. Kumbaga, salubungin ko lang."
DRAGONNA. Sa Dragonna ay ginagampanan ni Bayani ang papel bilang tatay-tatayan ng bida ritong si Shaina Magdayao.
"Ako si Tatay Narciso, magkakapatid kami nila Long [Mejia] at Arnold Reyes, pero iba-iba kami ng pinanggalingang pamilya. Inampon lang kami ng tatay namin na bumbero before. Kaya nung nakita namin si Shaina... Although ako nagdadalawang-isip na ampunin si Shaina, pero naisip ko na para na rin sa ginawa ng tatay namin before na nag-aampon ng mga bata na walang pamilya...
"Hindi namin alam na may power yung bata, pero maraming mga insidente na nagtataka kami kung bakit umaapoy pag nagagalit siya. Nagtataka na kami, akala naman namamatanda lang kaya pinatawas pa namin," kuwento ni Bayani tungkol sa kanilang palabas.
Puro papuri ang sinabi ni Bayani tungkol kay Shaina at ibinuko rin niya na madalas dumalaw sa kanilang set ang suitor ng dalaga na si John Prats.
"Si John, lagi siyang nasa taping namin, madalas. Natutuwa ako sa mga bata na ‘yan kasi parehong mabait, parehong magagaling saka marunong makisama sa tao," aniya.
BAYANI & FRIENDS. Isa si Bayani sa kilalang malapit na kaibigan ni Manny Pacquiao sa showbiz. Dapat ay manonood ang komedyante ng laban nina Pacquiao at Oscar de la Hoya sa Las Vegas, pero hindi umubra sa kanyang schedule. But he expressed his happiness sa karangalan uling ibinigay ng People's Champ sa bansa.
"Nakakatuwa kasi ang daming problema ng mga Filipino, ang daming problema ng bansa. Pero kahit papaano last Sunday [December 7], lahat ng tao walang problema, walang traffic, walang krimen, zero crime. Kahit yung mga snatcher nanood sa kanya. Masarap yung kahit dalawa o tatlong oras, tahimik yung bansa natin at hanggang gabi, lahat, yun ang pinagkukuwentuhan," saad ni Bayani.
Malapit na kaibigan din ng mag-asawang Cesar Montano at Sunshine Cruz si Bayani. Ikinatuwa raw ng komedyante ang pagbabalikan at muling pag-aayos ng mag-asawa.
"Masarap kasi pag may pamilya, kahit hindi mo ka-close, na alam mong nasisira," sabi ni Bayani. "Naaalala mo yung mga bata, naalaala mo yung sarili mong pamilya. Saka ever since naman, hindi ko nakitang magkagalit na magkagalit talaga sila. Hindi naman sila naghiwalay talaga, nakikita ko silang magkasama.
"Although lahat ng mag-asawa, nagkakaroon ng alitan. Kahit naman sinong mag-asawa, dumaraan sa ganun. Nakikita ko pa rin at naniniwala ako na yung mag-asawa na yun, sila ang magsasama hanggang sa pagtanda nila dahil sa tindi ng pagmamahal nila sa isa't isa."
Kinumpirma rin ni Bayani ang balita na tatakbo bilang gobernador ng Bohol si Cesar sa 2010. Matatandaan na noong 2007 ay tumakbo bilang senador ang aktor ngunit natalo.
"Magkasama sila ni Sunshine sa Bohol," banggit ni Bayani. "Nagpaplano si Cesar na tumakbo bilang gobernador ng Bohol. Ako naman, lagi lang naman akong nandiyan para sa kanya. Nung tumakbo siya bilang senador, kahit saan siya pumunta, kasama ako. Alam naman ni Buboy [palayaw ni Cesar] na lagi lang akong nasa likod niya, na lagi akong handang tumulong sa kung anuman ang maging plano niya sa buhay."
Nang tanungin namin kung may plano rin siyang pumalaot sa pulitika, sinabi ni Bayani na hindi niya isinasara ang kanyang pintuan para rito.
"Palagay ko, kailangan ko munang mag-aral 'saka ihanda ko ang sarili ko. Nung isang gabi naisip ko ‘yan. Kaya lang, parang mas masarap gumising na alam mong ang pamilya mo ang kasama mo, alam mo na walang puwedeng makasakit sa kanila.
"Pag pulitika kasi, mag-aalala ka sa kanila, hindi ka na rin puwedeng maglakad mag-isa. Pero siyempre, pag sinabi ng Panginoong Diyos na kailangan mong maglingkod sa tao, makikita mo na lang ang sarili mo na nandiyan na. Pero huwag naman yung hindi ka handa, kasi dapat ikunsidera mo yung sambayanang paglilingkuran mo," pagtatapos ni Bayani.
