Bata pa lang si Francine Prieto noon, pero napapanood at fan na raw siya ng sitcom na Iskul Bukol sa telebisyon. Kilalang-kilala pa nga raw niya ang ibang characters sa movie, tulad nina Miss Tapia (Mely Tagasa) at Mang Temi (Bing Angeles), bukod siyempre sa Escalera Brothers (Tito Sotto and Joey de Leon).
Bata pa lang daw kasi siya, mas hilig na niyang panoorin ang comedy shows.
"Napapanood-panood ko noong bata ako. Kasi noong bata ako, hindi ako mahilig sa drama, mahilig ako sa Champoy, sa T.O.D.A.S., Iskul Bukol... Yung mga comedy. Mahilig akong talaga. Napapanood ko, pero hindi ko lang memorized lahat. Natatandaan ko lang na natatawa ako noon at kilala ko sila Miss Tapia. Kaya nga no'ng guest namin siya [sa Bubble Gang], ako yung parang, ‘Ay, si Miss Tapia!" natatawang kuwento ni Francine sa PEP (Philippine Entertainment Portal).
Ngayon nga ay kasama na si Francine sa pagbabalik ng grupo ng Iskul Bukol sa pelikulang Iskul Bukol: 20 Years After. Ano ang role niya rito?
"Ako ang girlfriend ni Jacky Woo. Tinulungan ko siyang humanap ng binili niyang treasures. Kailangan kong hanapin ang nawawalang part nun kung kaya na-meet ko ang Escalera brothers," lahad ni Francine sa presscon ng Iskul Bukol kahapon, November 25, sa Marina restaurant sa Timog Ave., Quezon City.
Masayang-masaya raw si Francine nang kunin siyang maging part ng movie.
"Nang kinuha nga ako rito, parang ako, ‘Wow! Talaga, magkakaroon ng Iskul Bukol, The Movie?' Parang ilang years na silang nawala, di ba? Kaya tuwang-tuwa ako na ngayong nag-reunion movie sila, nakasama pa ako."
WEIGHT PROBLEM. Kung tutuusin, malaki na ang ipinayat ng katawan ni Francine. Unti-unti na rin bumabalik yung dating kaseksihan niya. Pero hindi maitatanggi na nakatatak pa rin sa tao ay ang biglang pag-gain niya ng weight. Na-exaggerate pa nga ito dahil sa iba't ibang comments na natanggap niya nang rumampa siya sa Bench underwear fashion this year. Pero alam naman daw ni Francine na kailangan talaga niyang mag-maintain ng magandang figure.
"Oo siyempre, kahit nga siguro lalaki ka. Lalaki or babae, kailangan talaga ma-maintain mo. Ang hirap din talaga, lalo na kung minsan, gusto mong kumain ng marami, talagang kailangan mong i-maintain.
"Kaya siguro yung iba, napupunta na sa drugs kasi wala na silang ibang paraan. Kumbaga, napapakapit na sila sa patalim. Kasi, gusto na nilang pumayat nang sagad-sagad talaga. Kaso, yun lang, masama lang talaga ang epekto nun sa katawan," saad ni Francine.
Ano nga ba ang ginawa niya para pumayat?
"Nag-tennis, nag-workout, nag-jogging. Hindi kaagad mabilis na proseso, pero safe ako. Ang tagal ko ring nagpapayat. Kasi yung stress ko, almost one year, e. Noong nawala lahat yun, yun na."
Ipinagdidiinan ni Francine na hindi siya nag-resort sa liposuction.
"Hindi, kasi noon, mahilig akong mag-diet ng diet pills lang, tapos hindi kumakain. Pero ang nangyayari sa akin, palagi akong nagko-collapse. Basta nahihilo ako, hindi ako nakakatayo agad. So, hininto ko na yun."
Never pa raw niyang na-experience ang magpa-lipo.
Hindi ba siya pabor sa mga ganoong klase ng procedure ng pagpapapayat?
"Hindi naman," sabi ni Francine. "Kaya lang, kung pupuwede pa naman ng natural way, bakit naman hindi? Ang dami-dami pa namang paraan. Siguro kung talagang walang-wala na at hindi na umepekto sa akin ang mga ginagawa ko, siguro yun na ang last na gagawin ko."
Takot ba siya sa surgical procedures?
"Hindi, takot akong magka-peklat!" natatawa niyang sabi. "Parang iba pa rin kasi kapag may peklat ka. Like, noong bata ako, may mga sugat na akong tinahi. Takot ako na, siyempre, lipo, may mga ganoon yun."
Aminado naman si Francine na naging motivation niya ang mga natanggap na criticism dahil sa pagtaba niya.
"Oo, pero ang una ko munang ginawa talaga ay tinanggal ko muna yung mga causes ng stress ko. Hindi yun mawawala. Hindi ako makakapag-start hangga't nandoon at nandoon yun, e. So, noong mawala yun, doon ako nakapag-start magpapayat."
SOURCE OF STRESS. Aminado naman si Francine na ang naging source ng stress niya ay nang mawalan siya ng trabaho last year. Bilang breadwinner ng pamilya, hindi raw niya talaga puwedeng ma-afford na wala siyang work.
"Siyempre, isa na lang show [Bubble Gang], walang pumapasok na raket! So, paano ‘to? Siyempre, may naka-loan pa akong bahay. May monthly [bills] akong binabayaran. Bukod pa sa pambayad mo sa kuryente, sa tubig. Since ako lang ang nagtatrabaho sa family, lahat ng gastos sa bahay, sa akin nanggagaling," lahad ni Francine.
At present, okay naman daw ang trabaho niya. Kasalukuyan din daw siyang naghahanap ng magiging manager niya.
"Wala kasi akong manager, ako lang ang kinokontak. Siyempre, iba pa rin kapag may manager ka, may plano para sa ‘yo."
Hindi ba siya talent ng GMA Artist Center?
"Hindi, mag-a-Artist Center ako dapat, may pinakiusap na rin sa akin. Pero hindi pa ako pumipirma ng kontrata sa kanila. Parang sa ngayon, hindi pa rin kami okey. Parang hindi pa rin kami nagpa-final na usapan. Sa ngayon, naghahanap pa rin ako. Kung meron akong makita, e, yun na."
FRANCINE ON PHILIP. Madalas na nali-link si Francine sa older men. Pero aniya, wala siyang lovelife ngayon. Pero tila mahirap itong paniwalaan.
"Wala pa rin! E, kasi, parang ever since yata, palaging wala. At saka, tingin ko, hindi rin naman yun ang priority ko. At saka, parang wala rin ano... Kaya nga sabi ko, minsan yata, kailangan ko ng gayuma" natatawa niyang sabi.
Si Francine na rin ang nagsabi ng pangalan ng isa sa older men na nali-link sa kanya—si Philip Cu-Unjieng, na executive ng ABS-CBN at writer sa Philippine STAR.
"Baka nga si Philip. Kasi si Philip, matagal ko nang kaibigan. Sa tingin ko, nasa-shock yung mga tao kasi medyo magkalayo yung mundo namin. Sa lifestyle siya, tapos showbiz ako. Malayo ang age gap namin, pero magkaibigan kami.
"Separated pa siya, so ang mga tao, parang nasa-shock sila. So, siguro ganoon lang. Pero wala, magkaibigan kami hanggang ngayon," diin ni Francine.
Dagdag niya, "Actually, si Philip, tinutulungan ako hanggang ngayon. May mga projects na siya ang nagrekomenda. Pero walang romantic talaga."
Gaano na siya katagal na walang lovelife?
"Napakatagal na yata!" natatawa niyang sabi. "Siyempre, noon may mga nanliligaw sa akin. Pero kasi, yung mga tao ngayon, hindi naman katulad dati na ilang years, magtitiyaga sa ‘yo.
"Ngayon kasi, kapag ilang buwan hindi ka lumabas, hindi ka makikipag-date sa kanila, hindi sila magtitiyaga. Ayaw nila sa ‘yo. Katuwiran nila, ang dami naman nilang pagpipilian. So, ako, kung ayaw nila, e, di hindi!" pagtatapos ni Francine.
