Ang horror-comedy film na Scaregivers, na ipronodyus ng APT Entertainment at M-Zet Productions, ang magsisilbing launching film ng comic tandem na sina Jose Manalo at Wally Bayola. This time, hindi lang sila sidekicks ng mga bida kundi sila mismo ang ibinebenta ng movie na mapapanood sa mga sinehan simula November 26.
Nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jose sa presscon ng Scaregivers kagabi, November 15, sa Imperial Palace Suites, mabilis ang naging sagot nito sa tanong kung kinakabahan ba siya sa movie na ito.
"Sobra po!" bulalas niya. "Pati yung pamilya namin, halos tawag nang tawag, ‘Daddy kaya mo ‘yan, Daddy kaya mo ‘yan! Galingan mo yung pagpo-promote.'"
Bagamat nagbibida na siya ngayon, wala raw dahilan para may mabago kay Jose.
"Ako kasi, ang pag-aartista ko ngayon, hindi ko iniisip na...yun pa rin ako. Kahit sa Eat Bulaga!, kapag nandoon ako, madalas pa rin ako doon sa mga kasama ko dati, sa crew. Kasi naniniwala ako na kapag ganyan daw na artista ka at pagkatapos hindi mo tinitingnan yung mga dati mong kasama, either mahawa ka na or mabitbit mo yung mga kasama mong stars na, ‘Ay, eto na ako, star na rin ako!'
"Sa ngayon, ganoon pa rin. Nandoon pa rin ako sa kanila, maharot pa rin ako. Hindi ko masyadong inilalalagay na heto na ako, bida ako. Mahirap, e," saad ng comedian.
Kung nagbida man daw sila ngayon ni Wally sa Scaregivers, definitely, susuporta pa rin daw sila sa mga next movies nila kung may offer.
"Ay, oo!" sambit ni Jose. "Kahit anong mangyari. Ito naman, tina-try lang kami. Pero basta Tito, Vic & Joey, kahit na ano, alalay kami niyan. Habambuhay kaming alalay niyan."
Kung hindi sina Tito, Vic & Joey, willing ba silang mag-sidekicks or magbigay suporta sa iba?
"Siyempre, para naman kay Bossing [Vic] at kay Tito Joey, siguro hihingi kami sa kanila ng advice or permiso kung papayagan nila kami. Siyempre, nakatatak na rin na nandoon kami sa kanila. Kasama rin kami ni Wally sa Iskul Bukol at kasama rin kami na nagpunta sa Cambodia ni Bossing," ani Jose.
TANDEM WITH WALLY. May impression na tila package deal silang dalawa ni Wally. Ganun ba talaga ang usapan nila o puwede rin silang magkahiwalay kung may interesadong kumuha ng isa lang sa kanila?
"Siguro kung magiging kailangan na package, package kami ni Wally," sagot ni Jose. "Kung meron man kukuha sa akin, siguro yun pa rin, hihingi kami ng advice sa mga boss namin."
Kuwento ni Jose, nagkakilala lang daw sila ni Wally sa Eat Bulaga! Kung susumahin daw niya, nasa limang taon na raw siguro ang friendship nila.
Paano naman niya ide-describe si Wally bilang komedyante at bilang kaibigan?
"Si Wally kasi, medyo seryoso ‘yan, e, pagdating sa totoong buhay. Seryoso ‘yang si Wally. Yung pagiging komedyante niya kasi, mararamdaman mo na ‘yan kapag nandoon siya sa entablado.
"Although kahit hindi, minsan may mga pa-joke-joke na bumibira ‘yan, masayahing tao ‘yan, e. Hindi ko nga alam kung bakla nga ba ‘yan!" tawa ni Jose. "Kasi nagsimula ‘yan sa banda, tapos nag-stand-up comedian. E, wala pa yatang stand-up comedian na... Kami lang yata yung stand-up comedian na duo sa comedy bar na lalaki."
FINDING RITCHIE. Naikuwento rin ni Jose na siya pala ang naka-discover kung saan matatagpuan si Ritchie D' Horsie, ang dating komedyante na kasama nina Tito, Vic & Joey sa Iskul Bukol. Hindi naman daw halos nagkakalayo ang edad nila ni Ritchie kaya noon pa man, naging tagahanga rin siya nito at napapanood sa sitcom na Iskul Bukol.
"Fan ako no'n, noong time pa lang ng Iskul Bukol," sabi ni Jose. "Hindi naman siguro ganoon kalayo ang age namin. Mga 50-plus siya, ako naman, 42, so hindi naman masyadong malayo. Nagkausap na kami no'ng time na nakalabas siya, sa reunion [ng Iskul Bukol movie]. Kahit wala akong schedule, nagpunta ako dahil gusto ko talaga siyang makita.
"At saka tuwing magso-show kami gabi-gabi, ako kasi nakaalam kung saan siya pupuntahan. Pina-plug ko gabi-gabi na, ‘Nandito lahat ang cast ng dating Iskul Bukol, ngayon kung sino sa inyo ang nakakaalam kung nasaan si Ritchie, pakisabi sa akin.' Kaya doon ko nalaman na nasa Quezon City Jail pala siya. Sinabi ko na sa kanila at na-check nila, kinuha na nga nila."
Nakita raw niya ang malaking pagsisisi at pagbabago ni Ritchie nang magkausap sila.
Ani Jose, "Gusto ko rin kasi siyang makausap dahil pinanggalingan ko rin ang pinanggalingan niya. Naging [drug] user din ako before, hindi naman ako nagkaroon ng ganoon kalaking eskandalo like yung kaso niya. Self-rehabilitate kasi ako, e.
"Mga eight years din ako gumamit," pag-amin ni Jose. "Pero before Valiente [a defunct soap] pa yun. Noong pumasok na ako sa Valiente, nakapag-rehab na ako sa sarili ko. Hindi ako pumasok ng kahit saan, nag-self-rehabilitate ako.
"Naniniwala kasi ako sa lakas ng naturalesa ng tao, e. Hindi ako naniniwala na yung drugs, may giyang. Kahit na sinong tao, ang paniniwala ko, kapag sinabi kong ayoko, ayoko na. Kahit sino sa atin, wala naman tayong kalaban sa mundo kundi sarili natin."
Taong 1989 daw nang tumigil si Jose sa pagiging user at masasabi niyang hinding-hindi na raw siya babalik sa ganoong buhay.
"Hindi na! Hindi na! Talagang hindi na," deklara niya.
Naikuwento niya ba ang lahat ng yun kay Ritchie?
"Oo, pero sinabi niyang siya, nilamon siya. Nadala siya nang husto ng drugs. Ako kasi, lumaki ako sa Tondo na ganoon ang paligid ko. Kaya ang ginawa ko, iniwasan ko. Lumayo ako sa Tondo. Nakabili ang mother ko ng bahay sa Novaliches kung kaya't doon ako nagpirmi. Gumawa ako ng panibagong grupo, naging adviser ako ng youth. Nilibang ko ang sarili ko para umiwas muna ko," kuwento ni Jose.
Napansin niya bang kahit paano na may pagka-ilang si Ritchie na sa paglabas niya mula sa kulungan ay balik showbiz siya?
"Hindi naman," ani Jose. "Kaya lang, nandoon pa rin yung ilang niya. Pero makikita mo sa kanya na napaka-behave na niya. Hindi na siya nagsisigarilyo. Inalok ko siya ng yosi, hindi na siya nagyo-yosi, Born-again na siya ngayon. At saka, kinuwento niya kung ano ang nangyari sa kanya sa loob. Hindi siya dinadalaw ng mga kamag-anak niya."
