Mabilis ngang naka-recover ang Starstruck 4 Avenger na si Jan Manual, hindi lang sa pisikal na pangangatawan niya kundi pati na rin sa kanyang career sa GMA-7.
After ngang makaranas ng matinding aksidente noong nakaraang summer sa KapusOlympics, fully recovered na at masigla uli si Jan. Kasabay nito ay ang paghataw ng kanyang career sa telebisyon.
Bukod nga sa weekly siya napapanood sa segment ng Startalk na "Da Who" at "Starstruck Attack," kasama pa siya ngayon sa bagong primetime telefantasya ng GMA-7 na Gagambino.
FROM BOXER TO BADING. Kung sa Startalk ay ini-impersonate niya ang "Pambansang Kamao" na si Manny Pacquiao, sa Gagambino ay isang bading siya named Eldon na assistant ni Katrina Halili.
Wala naman daw problema kay Jan ang gumanap na bading dahil malaking challenge nga raw sa kanya iyon.
"Okey lang po sa akin kahit na anong role," nakangiting sabi pa ni Jan nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
"Unang-una, hindi naman ako namimili ng magiging trabaho ko sa TV. Gusto ko rin maging versatile. Parati na lang kasi nila akong napapanood bilang si Pacboy sa Startalk at pati na sa ibang guestings ko, Pacboy pa rin ang ginagawa ko. Para maiba naman, bading naman ang gagawin ko. Challenge po sa akin ‘yan talaga."
THANKING HIS SAVIORS. Nagpapasalamat nga si Jan dahil inakala niya na katapusan na ng kanyang showbiz career noong muntik nang masunog ang kalahati ng katawan at mukha niya. Mabuti na lang daw at hindi masyadong malala ang nangyari sa kanya at bumalik pa rin ang dating hitsura niya.
"Malaki ang pasasalamat ko sa Diyos kasi sa Kanya ako humingi ng tulong. Kung hindi dahil sa Kanya, baka hindi ganito lalabas ang hitsura ko ngayon.
"Nagpapasalamat din ako sa mga kaibigan at family members ko na nagdasal para sa kaligtasan ko. Sabi nga ng nakakakita sa akin, parang wala naman daw nangyaring grabe sa akin. Sinasabi ko naman na milagro ‘yan ng Diyos."
Una nga ngang nagpasalamat si Jan sa isa sa nagligtas sa kanya during the accident sa KapusOlympics na si Aljur Abrenica sa programang Showbiz Central. Sumunod naman ay nagpasalamat siya nang personal sa isa pang nagligtas sa kanya na si Richard Gomez.
"Personally na nagpasalamat ako kay Mr. Richard Gomez na siyang tumulong sa akin noong muntik na akong masunog. Nagkataon na naging guest kami sa Family Feud at doon ako personal na nagbigay ng aking pasasalamat sa kanya.
"Natuwa naman si Sir Richard kasi nakita niya na halos wala namang nangyari sa aking grabe. Mag-ingat lang daw ako parati at ipagpatuloy ang pagdarasal ko para malayo ako sa disgrasya."
