Masaya ang ipinakikilalang artista ng ABS-CBN Star Magic na si Randolf Stamatelaky, 25, at nakasama siya sa teleseryeng I Love Betty La Fea, na pinagbibidahan nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz. Proud din siya na nagtatrabaho sa ABS-CBN.
"Dito sa ABS-CBN, sobrang iba. Ang sarap ng feeling na makasama ako dito sa Betty La Fea. Yung mga kasama namin, grabe, mga bigatin! Bea, John Lloyd, Ai Ai [delas Alas], Vhong [Navarro], Ruffa [Gutierrez], Ronaldo Valdez, at marami pa. Nakaka-overwhelm kasi ang gagaling nila.
"Natsa-challenge ako na galingan ko kasi hindi basta-bastang mga artista yung kasama ko sa Betty," pahayag ni Randolf sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) during the presscon ng Star Magic para sa mga artistang kasama sa I Love Betty La Fea kahapon, September 23, sa 9501 restaurant ng ABS-CBN.
PILYO IN REAL LIFE. Ginagampanan ni Randolf sa Betty La Fea ang role ni Randy, isa sa mga empleyado ng Ecomoda Manila. Supervisor niya rito si Joem Bascon. Isa siya sa mga chickboys ng Ecomoda.
Sa totoong buhay, naging pilyo rin ba si Randolf?
"Actually, oo!" pag-amin ni Randolf sa PEP, sabay tawa. "Kaya siguro nila ako nakuha kasi hinango nila sa totoong buhay. Hindi, joke lang! Pero naging pilyo rin ako noon, lalo na kapag kasama ko ang mga kaibigan ko."
As in naging babaero rin siya?
"Noon. Pero kapag playboy ako, wala akong girlfriend nun. Pero kapag may girlfriend ako, isa lang talaga. Hindi ako nagsasabay-sabay. Ayoko na ng ganun. Takot na rin ako sa karma, e. One-woman man na ako."
Ayon kay Randolf, may non-showbiz girlfriend siya ngayon. Wala pa raw silang one year.
Kung wala siyang girlfriend ngayon, puwede ba siyang ma-in love sa isang katulad ni Betty La Fea?
"Sa totoo lang, may naging girlfriend na rin ako na hindi ganoong kaganda, e. Minsan kasi, sa simula importante yun kasi yun ang mag-a-attract sa iyo sa isang tao, e, yung ganda talaga. Pero ang tumatagal, ang lasting talaga, yung ugali.
"Di ba, may nakikilala kang maganda, pero kapag na-meet mo na, ang pangit pala ng ugali? Pero meron naman yung hindi ganung kaganda, pero ang lakas ng dating sa ‘yo kasi iba yung presence niya. Iba yung ugali niya. Iba yung pakikitungo niya sa tao. I mean, I think it all boils down sa ugali ng tao, yung pakikitungo niya sa iyo, kung paano ka niya itrato," pahayag ni Randolf.
Kung ilalarawan niya ang sarili, sino ang totoong Randolf?
"Palakaibigan ako. Kahit anong klase ng tao, mahirap o mayaman, nagiging kaibigan ko. Basta okay silang makisama. At saka gusto ko kasi kapag may kaibigan ako yung may natutunan ako, ‘tapos may natutunan ka sa akin. ‘Tapos basta enjoy. Kasi importante sa akin yung enjoyment ng buhay, e."
Kanino sa mga cast ng Betty La Fea siya pinaka-close?
"Kay Kuya Jayson [Gainza]," sagot ni Randolf. "Masaya kasi siyang kasama, e. Siyempre nakakasama ko rin at madalas kong kaeksena sina Joem at John Lloyd. Okay namang kasama ang lahat. Masaya lagi sa set."
LONG ROAD TO STARDOM. Sumali si Randolf sa Mr. Pogi ng Eat Bulaga! noong 2002. Finalist siya rito, pero hindi siya pinalad na manalo. The same year ay sumali rin siya sa SM Starmodel at itinanghal na Grand Champion.
Inihayag din ni Randolf na hindi na siya baguhan sa pag-aartista.
"Nag-start ako sa kabilang station, sa GMA-7. That was 2003. Nakagawa ako ng dalawang projects doon, Hanggang Kailan at saka Kung Mawawala Ka. Nag-Daisy Siete din pala ako. Small time pa lang noon. Kasi hindi pa ako seryoso sa pag-aartista noong panahong iyon."
Totoong apelyido niya ba yung Stamatelaky?
"Oo, totoong apelyido ko yun. May lahi kasi akong Greek. Kasi yung grandfather ng dad ko pure Greek. Pero yung dad ko, dito na pinanganak sa Pilipinas."
Bakit hindi niya pinalitan yung apelyido niya ng isang screen name na mas madaling bigkasin at matandaan?
"Simula kasi noong nag-artista ako yung totoong apelyido ko na talaga ang ginagamit ko. Dalawa lang kasi ‘yan, e, mahirap akong matandaan ng tao dahil kakaiba ang apelyido ko o mas matatandaan ako ng mga tao dahil sa apelyido ko. Mas gusto kong paniwalaan na mas matatandaan ako because of my surname, kasi nga unique, e," aniya.
TV COMMERCIALS. Ngayong taon na ito ay nagsabay-sabay ang dating ng mga projects sa kanya. Bukod sa I Love Betty La Fea ay napapanood din si Randolf sa Lokomoko ng TV5.
"Oo nga, e. Actually, biglaan nga. Nagkasunud-sunod, kasi maganda yung exposure ko sa commercial ng McDonald's. Dun ako napansin, e. Sobrang masaya ako. Kasi ito na yung panahon na seryoso na ako sa pag-aartista ko, sa craft ko. Dati kasi hindi ako focused sa work ko. Ngayon, driven na ako sa work ko. Pinapalad naman. Siyempre may kasamang dasal. Masaya talaga ako at nakakatrabaho ko na ngayon yung mga sikat at magagaling na mga artista."
Sinubok ni Randolf na tapusin ang kursong Nursing, pero naramdaman niya na iba ang gusto niyang gawin. Pero balak din daw niyang tapusin ang kanyang pag-aaral.
"Undergrad ako kasi nga nagkasunud-sunod yung mga projects ko sa commercials. Hanggang sa dumating na yung mga projects sa TV."
Ayon kay Randolf, ilan sa mga nagawa niyang TV commercials ay para sa McDonald's, Rebisco, San Mig Light, Ginebra, Jollibee, at Pizza Hut.
Kung mabibigyan siya ng project na pagbibidahan niya, anong role ang gusto niya? May dream role ba siya?
"Ang dami kong gustong gawin. Pero ang isa sa naiisip ko ay yung action na may pagka-comedy, yung ganung role. At saka gusto ko rin talaga yung mga character roles, e. Alam mo, yung parang sa mga movies ni Johnny Depp. Parang may pagka-weird, yung hindi common na role."
Kung siya ang papipiliin ng leading lady na makakasama niya, sinong artista ang gusto niyang makasama?
"Leading lady? Well, nagagalingan ako lately kay Sarah Geronimo. Lumabas yung galing niya sa pelikula nila ni John Lloyd, yung A Very Special Love. Gusto ko ring makasama yung crush ko, si Megan Young. At saka si Bea Alonzo, magaling din," pagtatapos ni Randolf.