Ilan pa sa featured stories sa Startalk kahapon, September 20, ay ang tungkol sa malapit nang panganganak ni Inah Revilla, ang katatapos na 1st birthday party ng anak nina Dennis Trillo at Carlene Aguilar na si Calix, at ang isyung pinalayas diumano ni Tonyboy Cojuangco si Gretchen Barretto sa kanilang tahanan.
INAH AWAITS HER DELIVERY. Malapit na nga raw mangangak si Inah anytime now sa una nilang anak ng mister niyang si Vince del Rosario. Nakuha pang magbiro ng anak nina Senator Bong Revilla at Lani Mercado na papunta na raw silang hospital dahil inip na rin daw siya sa paglabas ng kanyang baby.
"I'll give birth the natural way," sabi ni Inah. "Yung baby raw kasi ang magde-decide kung kailan na siya lalabas at hindi na rin kami makalabas masyado kasi baka pumutok na lang bigla yung water bag ko."
Posible rin daw na makasabay ng birthday ng daddy niya na si Senator Revilla at posible rin naman na sa mismong birthday niya, which is on October 2. May pangalan na rin silang nakahanda sa kanilang baby girl—Niña Alexa Daniella.
Nakaplano na raw na pagkapanganak niya, by June next year ay balik-eskuwela na siya sa Ateneo de Manila. Same course pa rin daw ang kukuhanin niya, Legal Management.
Palagi rin daw siyang binibigyan ng advice ng kanyang ina na si Lani Mercado.
"Sinasabi niya sa akin na kaya ko ‘to, kung siya nga raw nakaya niya. At huwag raw akong mag-alala baka magkaroon ng post-partum depression. Kaya dapat daw, palaging happy. Kung medyo feeling sad daw ako, basta isipin na lang maging happy. At saka aalagaan daw niya ko at saka si Alexa."
A PRIVATE BIRTHDAY PARTY. Na-interview rin ng Startalk si Dennis Trillo na naging firm talaga sa kanyang desisyon na hindi ipa-coverage ang 1st birthday party ng anak nila ni Carlene Aguilar na si Calix Andreas. Nagkuwento na lang ito ng naganap na party.
"Sobrang saya talaga kasi kahit si Calix, nakita naming happy siya. At saka, very proud ako kasi yung anak ko, nasasabi na niya yung 'Dada.' Kapag nakikita niya ako, sinasabi niyang ‘Dada' kaya sobrang aliw ako sa kanya. Sobrang proud din ako dahil hindi ko akalain na darating ang araw na ako ang mag-asikaso ng party ng anak ko," lahad niya.
Mas naging doble ang pag-aasikaso ni Dennis dahil hindi raw nito akalain na matatapat ang party mismo ng anak nila sa taping naman ni Carlene ng Celebrity Duets, kung saan isa siya sa contenders. "Medyo late na siya nakarating kaya most of the time, ako yung nandoon para i-entertain yung mga guest."
Ipinaliwanag ni Dennis kung bakit kinailangan nilang gawing private ang party ng kanilang anak.
"E, kasi, hindi naman siya showbiz. Hindi naman siya artista. Gusto ko lang maging tahimik at siyempre, gusto ko na walang kokontra doon sa kasiyahang ibibigay namin sa kanya."
Hindi naman masagot ni Carlene ang tanong kung hindi kaya matulad din sila eventually sa ex-couple na sina Paolo Paraiso at Mylene Dizon, na kahit sinasabing wala nang relasyon ay nasundan pa ng isa ang una nilang anak.
"Ganoon? Hindi ko alam, e, hindi ko masasabi. Wala namang makakapagsabi. Pero siyempre, sa ngayon, gusto ko munang i-enjoy ang body ko na ganito at saka si Calix habang lumalaki."
GRETCHEN DENIES. Sa pamamagitan ng manager niyang si Boy Abunda, pinabulaanan ni Gretchen Barretto sa Startalk ang naiulat sa column ni Ricky Lo sa Philippine Star. Ayon kasi sa report ay pinalayas diumano si Gretchen ng kanyang live-in partner na si Tonyboy Cojouangco sa kanilang bahay noong Huwebes, September 19, at naiwan ang kanilang anak na si Dominique kay Tonyboy.
Tinawagan daw agad ni Boy si Gretchen para kumpirmahin ang naturang report. Ito lang daw ang naging pahayag ni Gretchen: "Tony and I are okay. I did not leave home."
