Nasorpresa si Angelica Panganiban sa pagpasok niya sa Chronicle function room ng ELJ building ng ABS-CBN. Noong Tuesday, September 9, handang-handa na kasi at naroon na ang ilang invited entertainment press at ang PEP (Philippine Entertainment Portal), ganoon din ang production staff ng teleserye niyang Iisa Pa Lamang.
"Flattered naman ako, akala ko pocket interview lang ito at hindi ko ine-expect na ganito kalaki ang inihanda sa akin ng Star Magic," natatawa niyang wika. "Parang birthday presscon ko na ito. Kaya kahit wala nang ganito sa birthday ko sa November, okey na sa akin."
"AMNESIA" ISSUE. Bago nagsimula ang interview kay Angelica, may pinanood muna kaming audio visual presentation na ginawa ng staff ng teleserye. Ipinakita sa AVP ang pag-develop niya mula young actress hanggang ngayong isa nang mature actress bilang Scarlet dela Rhea-Castillejos sa Iisa Pa Lamang with Claudine Barretto, Diether Ocampo at Gabby Concepcion.
Unang itinanong kay Angelica ay iyong "amnesia" issue sa kanya na hindi na raw siya nambabati ng press.
"Nagso-sorry po ako kung may na-offend ako. Malabo po kasi talaga ang mga mata ko. Kung hindi po tayo magkalapit, hindi ko kayo makikilala agad. Pero may maganda rin pong nangyari, kasi nasulat ang issue na iyon at kinuha ako ngayong endorser ng contact lens na suot ko na ngayon, kaya kita ko na po kayong lahat kahit ilang meters pa ang layo ninyo sa akin.
NOT A GIMMICK. Nilinaw na rin niya iyong nasulat na ayon sa kanya ay break na sila ng boyfriend na si Derek Ramsay, kaya parang wala siya sa sarili noong presscon ng Iisa Pa Lamang na napaiyak pa siya. May nagsabi tuloy na gumi-gimmick lang siya para mapag-usapan.
"Wala po akong sinabing nag-break na kami ni Derek, sabi ko lang may problema kaming inaayos noon. Kung gusto ko po lang gumawa ng gimmick, di sana noon pa. Pero 16 years na ako sa showbiz, hindi ko na kailangang gumawa ng gimmick. Ako pa rin po ang nakilala ninyong si Angelica Panganiban noong bata pa at nakasayad pa rin ang mga paa ko sa lupa," nakangiting wika ni Angelica.
"Inaamin ko po na medyo nasaktan din ako noon, na nanahimik muna ako sa mga issues, ‘tapos nang magsalita na ako, hinusgahan pa rin nila ako, sinabihan nga akong may ‘amnesia' raw, lumaki na ang ulo ko, gumi-gimmick raw lang ako. Pero wala na po iyon, naayos na po ang lahat.
HOW ARE THEY NOW? So, kumusta na ang relasyon nila ngayon ni Derek?
"Normal na po ang relasyon namin, less na ang tampuhan, mas maayos na po ang relasyon namin. Ang natutunan naming lesson, dapat pareho naming pag-usapan kung anuman ang problema."
Ipinagluluto pa rin ba niya si Derek ng paborito nitong spaghetti niya?
"Yes, ipinagluluto ko pa rin siya ng spaghetti, pero kapag may chance na lang kaming magkita. Pareho po kaming busy, hindi po magtugma ang schedule ng tapings namin. Ako M-W-F ang taping ng Iisa Pa Lamang siya naman T-Th-S ng serye nila ni Judy Ann [Santos]. Kapag Sunday, kung nasa ASAP '08 ako, siya naman, nasa Tagaytay with his parents.
"Pero ngayon pa lang, gusto na naming magpa-reserve ng tickets para sa World Cup sa South Africa sa 2010. Pinaghahandaan na po namin iyon dahil matagal na kaming nagbabalak magbakasyon pero hindi po matuluy-tuloy."
MOVIES AND OTHER SHOWS. Natanong din si Angelica tungkol sa issue na na-pull-out sila nina Roxanne Guinoo at Diether Ocampo sa One Night Only ng OctoArts Films. Si Rikka Dylim ng Star Magic ang nag-explain dahil hindi raw niya alam ang tungkol doon.
"Actually, wala namang pull-out," sabi ni Rikka. "Mayroong offer, pero hindi pa naman nag-commit ang Star Magic. Ganoon din iyong offer kay Angelica para sa Shake, Rattle & Roll 10, under negotiation pa iyon."
Mula sa pagiging ambitious Scarlet dela Rhea-Castillejos ni Angelica, this week ay magsisimula na siyang mag-taping ng sitcom na Banana Split.
"Nag-workshop nga po muna ako, hindi ko po kasi alam kung magiging effective naman akong maging comedienne," natatawang wika ni Angelica. "Bahala na po si Direk Bobot [Mortiz] na siya munang magdidirek, ‘tapos po ang anak niyang si Frasco ang magtutuloy.
"May nabago na rin po sa casting, wala na si Kristine Hermosa at Riza Santos. Ang makakasama ko na, sina Cristine Reyes, Bangs Garcia, Princess Ryan, Dianne Medina; hindi ko pa po alam kung sinu-sino pa ang makakasama sa cast."
NO MORE SEXY SHOOTS... FOR NOW. Na-maintain na ni Angelica ang kanyang magandang body, paano ang ginagawa niya?
"Natuto na rin po akong maging conscious sa katawan ko. Regular na ang exercise ko, diet, sarili ko na. Ayaw ko nang tumaba, mahirap mag-trim down muli," dagdag pa ni Angelica.
Ibig bang sabihin, may susunod pa siyang cover ng men's magazine?
"Hindi ko pa naman po tinatalikuran ang possibility na muli akong mag-pose sa men's magazine. Pero sa palagay ko, tama na muna iyong pag-pose ko sa sa FHM. Iyong sa FHM na po muna ang huli. Proud po ako sa pagpayag ni Derek na mag-pose for the September issue ng Cosmopolitan," patapos na wika ni Angelica.