After Frederick Peralta sa first edition ng Celebrity Duets, si JC Buendia naman ang next fashion designer na sasabak sa hamon ng pagkanta at pagpe-perform sa second edition ng naturang celebrity singing competition ng GMA-7. Magsisimula na ang Celebrity Duets sa August 23.
Seryoso ang 43-year-old designer na si JC sa pagsali niya sa Celebrity Duets upang ipakita na hindi lang sa fashion siya may ibubuga kundi maging sa pagkanta rin.
Inamin nga ni JC na bago siya tuluyang nag-decide sumali ay nagpunta muna siya sa isang manghuhula. "Sabi ng manghuhula sa akin, ‘In your past life you are a theatrical geisha. You have to unleash the geisha in you,'" kuwento niya.
Kaya go for the gold, itinuloy nga ni JC ang pagsali sa Celebrity Duets.
"Kaya dapat game na game ako, walang shy-shy!" sambit niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal).
Ayon pa kay JC, na-inspire daw siya kay Frederick at magkaibigan naman silang dalawa.
"Oo, friends kami," sabi niya. "At saka isang council kami ng fashion designers. So, nagbigay rin siya sa akin ng tips. Huwag daw akong kabahan. I-enjoy ko lang daw yung performance ko."
Since fashion designer nga siya, kaya ibinagay ni JC ang unang performance niyang gagawin sa show. Nagsabi nga siya sa amin ng tila sneak peek about his upcoming performance.
"Sa pilot pa lang meron na akong mini-fashion show. Meron akong mga back-up na mga models," banggit niya.
Ang unang kanta niyang ipe-perform ay ang "Simply Irresistable" ni Robert Palmer at ang kanyang magiging ka-duet ay si Randy Santiago.
Aside from Randy, sino pa ang gusto niyang maka-duet sa show?
"Gusto ko si Jet Pangan. Gusto kong mag-rock. Gusto ko rin si Karylle, kaya lang meron siyang play na ginagawa. Gusto ko rin kasing magkaroon ng Broadway number. Gusto kong maipakita yung range ko. Gusto ko rin si Kuya Dick [Roderick Paulate]. Gusto kong magkaroon ng Rick Astley medley."
Sa mga celebrity contenders ng Celebrity Duets, sino sa tingin niya ang mahigpit niyang makakalaban? Makakalaban ni si JC sina MMDA Chairman Bayani Fernando, Joey Marquez, Melanie Marquez, Cory Quirino, Carlene Aguilar, JL Cang, at Phil Younghusband.
"Pagdating sa galing talagang kumanta, kasi sa rehearsal napanood ko na lahat, e, magaling talagang kumanta si Chairman Bayani Fernando. He can really carry a tune. Pagdating naman sa pagpapakuwela, kalaban ko talaga si Melanie Marquez. Kuwela talaga siya. Meron pa nga raw siyang quote every week, na siguradong aabangan ng mga tao. Si Phil naman guwapo, siyempre maraming fans ang makakagusto sa kanya. Basta ako, lalaban ako nang todo-todo."
Sa tingin niya, advantage ba yung nag-iisa lang siyang fashion designer na contender?
"Advantage din kasi alam ko na maraming nagmamahal sa akin. Fashion designing kasi is a beautiful profession na lahat ng tao mahal ka. At saka yung mga kasamahan at friends ko sa industry, lahat sila happy na pumasok ako rito. Gusto kasi nila yung nakikita ka on TV."
Favorite singers ni JC sina Julie Andrews at Petula Clark. Mahilig din daw siyang mag-videoke. Bagamat mahilig siya sa mga old songs, natuto na rin daw siyang i-appreciate ang mga modern songs. Sa trabaho niya raw kasi, kailangan bago, young, at innovative.
GMA'S DESIGNER. Isa nga sa mga kinikilalang fashion designers ng bansa si JC, lalo na sa industriya ng showbiz at politics. Nakilala siya bilang favorite designer ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Paano ba nagsimula ang kanyang pagiging designer?
Kuwento niya, "Bata pa lang ako, mahilig na akong maggawa ng designs. As in five years old, nagdo-drawing na ako talaga. Pero hindi ko pa alam noon na mag-e-end up ako as a designer talaga.
"High school ako noong ma-realize ko na gusto ko talagang maging designer. Noong high school ko nalaman na meron palang trabahong fashion designer, at simula noon, yun talaga ang gusto kong maging someday."
Sinu-sino pa ang mga kilalang tao na una niyang binihisan?
"Sina Amy Perez, Franco Laurel... Yun, nag-start yun doon ‘tapos dumating na sina Maricel [Soriano], Kris [Aquino], at marami pang iba."
Paano naman niya nakuha yung job na gumawa ng mga damit ni Pangulong GMA?
"Naging designer ako ni President, siguro right time, right place. Kasi ang daming mas magaling sa akin na designer. Parang sa akin, simple lang ang lines ko. Siguro yung discipline at dedication ko sa work, siguro yun ang nagustuhan niya sa akin.
"Tamang-tama noong vice president pa siya, nangailangan siya ng gagawa ng clothes niya. ‘Tapos na-introduce ako ng isang kaibigan niya. Kailangan niya talagang magpatahi, 'tapos tinawagan ako. Ginawan ko siya ng isa. 'Tapos simula noon, tuluy-tuloy na hanggang sa maging President na siya."
Ayon kay JC, pagdating sa fashion tinitingala niya si Inno Sotto. Hangang-hanga raw siya sa work ni Inno at napakabait daw nitong tao.
Panganay si JC sa apat na magkakapatid. Ang father niya ay dating nagtrabaho sa GMA-7. Ang mother naman niya ay retired doctor. Siya na lang ang kasama ng parents niya ngayon dahil yung ibang kapatid niya ay nasa States na. Yung bunso naman ay namatay sa isang aksidente.