Kung tikom ang bibig ng Divine Diva na si Zsa Zsa Padilla at naging bukas naman ang Comedy King na si Dolphy na ang pangarap niya talaga ay mauwi sa kasalan ang pagsasama nila ni Zsa Zsa—pero may mga problema nga lang na hindi mabigyan ng solusyon sa parte ng singer-actress—ganito rin naman ang hiling ng pamilya ng Comedy King.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Jeffrey Quizon, isa sa mga anak ni Dolphy, naikumpara tuloy ng aktor na ang kagustuhan ng ama na makaisang-dibdib si Zsa Zsa ay katulad ng National Artist award.
"Parang National Artist award 'yan na ibinibigay sa kanya na hindi maibigay-bigay. Kung ibibigay sa daddy ko yung pagkakataon na makasal sila ni Zsa Zsa, I'm pretty sure he'll be super happy and the family will greatly accept it," saad ni Epy, palayaw ni Jeffrey.
Pero taliwas sa ama na may legal na problema na dapat ayusin bago mauwi sa kasalan ang pagsasama nila ni Zsa Zsa, hindi pa rin umaabot sa kasalan ang ilang taon na ring pagsasama ni Epy at ng live-in partner niya na si Rosanna Escudero. Pero ilang buwan na lang daw ang bibilangin ay pakakasalan na ng aktor ang ina ng kanyang three-year-old daughter.
"I'm engaged, planning to get married," sabi ni Epy. "Wala pa nga lang eksaktong date kasi nauna yung pagiging daddy. But definitely, by the end of the year or first quarter next year, pakakasal na kami. Sa ngayon, my daughter is magti-three years old. Ang focus namin ay yung third birthday niya at siyempre ‘pag medyo ready na siyang kumarga ng flowers namin, siya yung flower girl namin."
DOLPHY'S BOOK. Naging successful ang nakaraang book launch ng autobiography ni Mang Dolphy, ang Dolphy, Hindi Ko Ito Narating Mag-isa na dinaluhan ng mga malalaki at sikat na mga tao sa loob at labas ng showbiz. Masayang ibinalita ni Epy na maganda rin ang reception ng mga tao sa libro ng kanyang ama.
"Actually, nagde-deliver na kami sa ibang branches ng National Bookstore. Kumbaga, every day halos may mga delivery kami kasi nauubos sa ibang branches," sambit ni Epy.
HALF-MAN, HALF-GOAT. Marami ang humahanga at inaabangan ang karakter ni Epy sa bagong fantaserye ng ABS-CBN na Dyosa, where he plays the role of Bacchus, half-man and half-goat. Kahit naman ang aktor ay thankful na napunta sa kanya ang nasabing role.
"Natutuwa ako sa role ko. I'm grateful enough that I was given the opportunity to play the role of Bacchus, a half-man, half-goat na keeper ng tiara ni Anne Curtis. Mahirap yung role. Tuwing isasalang ako sa trabaho, talagang mental and physical preparation, kailangan ng kumpletong preparasyon talaga," lahad ni Epy.
Kasama rin si Epy sa Dobol Trouble, Ready to Rumble along with his dad Dolphy and Vic Sotto.
