Kasalukuyang nasa taping ng Lobo ang direktor na si Jerry Sineneng nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) over the telephone kaninang umaga, May 3. Sina Direk Jerry at Erik Reyes na ang mga bagong director ng Lobo hanggang sa mag-end ito sa July. Ang orihinal na direktor daw kasi nito na si Cathy Garcia-Molina ay sa paggawa muna ng pelikula sa Star Cinema ang konsentrasyon.
Actually, ang talagang reason kung bakit tinawagan ng PEP si Direk Jerry ay upang alamin sa kanya ang totoong estado ng soap opera ng ABS-CBN na Anna Liza. Gaya ng remake ng Flordeluna, si Direk Jerry rin ang direktor ng remake ng Anna Liza, na unang ginampanan ng namayapang young actress na si Julie Vega at ipinalabas noon sa GMA-7.
Recently, naibalita rito sa PEP na sinabi ng kasama sa cast na si Juliana Palermo na shelved na raw ang Anna Liza kahit naka-ilang taping days na rin sila para rito.
Pero ayon kay Direk Jerry, "Hindi naman po shelved ang Anna Liza. Ang alam ko lang po, which is siyang sinabi rin po sa akin, instead na sa primetime, gagawin na raw pong daily soap opera ang Anna Liza."
Sinagot din ni Direk Jerry ang intriga na dahil sa pagkakaantala ng Anna Liza, hindi raw naging maganda ang pagkakalipat ng child actress na si Ella Cruz sa Kapamilya Network mula sa GMA-7. Si Ella kasi ang gaganap sa title role, kasama ng young actress na si Maja Salvador.
Bago nilipat ng manager niyang si Becky Aguila ang child actress, napanood si Ella sa ilang malalaking primetime soaps ng GMA-7 gaya ng Majika, Atlantika, Super Twins, at Marimar. Ngayon ay kasama si Ella sa gag show ng ABS-CBN na Goin' Bulilit.
"Well, ang alam ko naman po, hindi naman po siya papabayaan ng network. Sigurado naman po na bibigyan pa rin siya ng ibang project naman po," sabi ni Direk Jerry tungkol kay Ella.
Hindi pa masabi ni Direk Jerry kung kailan magre-resume ang taping ng Anna Liza. May mga adjustment pa raw kasing pagdadaanan at isa na raw rito ang tungkol sa budget, lalo pa't iba naman ang budget ng daytime programming sa primetime.
Nabanggit din ni Direk Jerry na posible raw na magsimula na ulit ang taping ng Anna Liza, lalo't patapos na ang Prinsesa ng Banyera. Pero 'yon nga lang, may Eva Fonda, 16 pa na pagbibidahan ni Cristine Reyes na balitang pang-daytime rin. Now, it's either mauuna ang Anna Liza o susunod pa ito pagkatapos ng Eva Fonda, 16.
Pero may sariling opinion si Direk Jerry kung bakit na-move from primetime to daytime ang Anna Liza.
Aniya, "Sa tingin ko kasi, nag-iba na ang landscape ng primetime programming. Unlike before na yung Flordeluna, naging successful talaga siya."
