Hindi natuloy kaninang hapon, April 8, ang pagpapaalam sa telebisyon ng Sunday showbiz-oriented talk show ng GMA-7 na S-Files.
Sa production staff meeting na ginanap noong Sabado, April 7, ipinaalam ng executive producer na si Mildred Natividad ang desisyon ng GMA-7 management na extended until further notice ang S-Files.
Dahil sa naganap na extension, hindi matutuloy sa April 15 ang grand launch ng Showbiz Central, ang programa na ipapalit sana sa mababakanteng timeslot ng S-Files.
Sinubukan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na kunin ang panig ng isa sa hosts ng S-Files na si Paolo Bediones tungkol sa extension ng kanilang show, pero wala pa siyang reaksiyon.
Tiyak na ikatutuwa ni Paolo ang desisyon ng management dahil ikinalungkot niya ang balita na magpapaalam na ang kanyang nine-year-old showbiz-oriented talk show.