Last year ay pinawalang-bisa na ng korte ang kasal nina Gina Alajar at Michael de Mesa. Ito ay pagkatapos ng ilang ulit na paghihiwalay at pagbabalikan ng dalawa.
Dahil malalaki naman na lahat ang tatlong anak nilang lalake—sina Ryan, Geoff, at AJ—hindi na rin gaanong naapektuhan ang mga ito sa pagpapawalang-bisa ng kasal nina Gina at Michael.
Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang panganay sa tatlong magkakapatid—na gaya ng kanilang mga magulang ay pawang mga artista rin—na si Ryan Eigenmann, sa press con ng independent film na Baliw, sa Club Filipino, Greenhills, nuong January 15. Kinunan namin ng pahayag ang aktor tungkol sa tuluyang paghihiwalay ng kanyang parents.
"I am not either of my parents, I am not my grandparents either, kasi sila din dumaan din sa ganyan. Some people say they learn from their own mistakes, but you would also learn from other people's mistakes," panimulang pahayag ni Ryan. Ang tinutukoy na grandparents ni Ryan ay ang actor-singer na si Eddie Mesa at actress Rosemarie Gil.
"Ako kasi, kung saan sila masaya, dun din ako masaya. Di naman porke't naghiwalay sila, dapat masira na rin ang buhay ko. Di naman ako yung nakipaghiwalay," patuloy niya.
"It's not because kulang sa pagmamahal kaya sila naghiwalay. It's just more of, I believe nowadays, love is not enough to stay in a relationship. There are so many factors and na-realize na lang nila, it's time to move on. They can't live together na.
"They got married at a very young age, na-sacrifice nila yung childhood nila. They delved into parenthood right way. Siguro throughout the course of time, lumabas yung nuances na di nila kaya ang isa't isa," pag-aanalisa pa ni Ryan.
ANNULMENT. Paano naman tinanggap nina Ryan at ng kanyang mga kapatid ang desisyon sa annulment case ng kanyang mga magulang?
"Last year dumating yung paper. Wala akong reaksiyon ‘coz it's just a piece of paper that arrived in the mail that said, ‘O, final na yung annulment ninyo. Ito na talaga, annulled na kayo.' And so what? We went through the grief years ago already. Iniyakan na namin ‘yan, tapos na. Parang ang dating nga, ‘Ngayon lang?'" paglalahad ni Ryan.
Ngayon ay malaya na pareho sina Gina at Michael na pumasok sa bagong pakikipagrelasyon. Sa katunayan, may girlfriend na nga si Michael. Bilang anak, ano naman kaya ang nararamdaman ni Ryan kung nakikita niyang may karelasyong iba ang kanyang mga magulang?
"My dad has a girlfriend. With my mom, ayaw niya. Siya mismo ang nagsasabi na ayaw niya. She goes out with friends, pero ‘pag tatanungin ko kung may date siya, wala ang laging sagot niya," kuwento ng aktor.
"Since matatanda na kaming mga anak nila, wala na siyang [his mother] kailangang alagaan. Di na kami kailangang bini-baby, wala na siya gaanong iintindihin so it's time na isipin naman niya ang sarili niya. Naisip siguro ni Mommy, kung magbo-boyfriend siya, mawawalan na naman siya ng time for herself and ayaw niya ‘yun," aniya pa.
GIRLFRIEND CATHY. Samantala, inamin ni Ryan na sa kasalukuyan ay mayroon siyang girlfriend—ang commercial model-TV host na si Cathy Bordalba.
"Almost two years na kami. It's a good relationship—lovely, and I have no complaints. Nagho-host siya paminsan-minsan. Pero ngayon, na-cancel na yung show niya sa GMA,‘yung Text Tube, 'tapos sa QTV before, yung Groovy TV," ani Ryan.
Napag-uusapan na rin ba nila ang kasal?
"Dun na rin babagsak ito eventually. I'm not saying a definite date, I'm not saying," pambibitin pa niya.
FAMILY OF ACTORS. Nirerespeto at kinikilala ang pamilya ni Ryan bilang angkan ng mga mahuhusay na artista. Wala bang pressure sa part ni Ryan 'pag sinasabing dalawa sa pinakamagagaling na artista ang kanyang mga magulang?
"When I was starting—I started acting when I was 11—nandun yung pressure being anak nga ako nila Michael and Gina. ‘O, mag-aartista ka na rin. Magulang mo ang gagaling, isa sa pinakamagagaling sa Pilipinas.' Siyempre, as a child, ‘pag naririnig mo yun, yung pawis mo, ga-munggo. ‘Pag sinasabi nila sa akin ‘yan, ang sinasabi ko naman sa sarili ko, ‘Pag tanda ko, sasabihin nila, ‘Uy, magulang ni Ryan o!'" paliwanag ni Ryan.
"Ako, ang laki ng hanga ko sa mga magulang ko, without being biased. Napanood ko yung mga old movies nila, and it's totally unbelievable. Amazing actors! And sinasabi naming magkakapatid, kahit kalahati lang ang ma-attain namin, masaya na kami," papuri pa ni Ryan sa mga magulang.
INDIE FILM. Si Ryan ang isa sa mga suking artista na gumaganap sa independent films. Ngayon nga, tampok si Ryan sa pelikulang Baliw ng Redd5 Luke Productions.
"I play a chemically imbalanced person. Nakatira sa rural area, di naasikaso, walang medical treatment. Hanggang sa umabot na siya sa adulthood without knowing of that sickness, which ends up eating him from the inside kaya nangyari yung mga nangyari sa pelikula," kuwento ni Ryan tungkol sa kanyang pelikula.
Ibinalita rin ni Ryan na ang Baliw ay nakatakdang ilahok sa international film festivals, gaya ng Miami Film Festival at Los Angeles Film Festival.
To know more about the movie, visit www.baliwthemovie.com.
