Sa Pinoy Dream Academy (PDA) house pa rin pala nakatira ang Grand Dreamer na si Yeng Constantino. Next week pa kasi siya lilipat sa napanalunan niyang condominium unit sa Globe Asiatec sa may Boni Avenue, Mandaluyong City.
Isasama raw niya roon ang kanyang mga magulang at si Lihay, ang kanyang two-month-old Chow-Chow dog.
Ito ang pahayag ng 18-year-old singer sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kahapon, January 5, sa pictorial ng isang print ad sa DPI Studio sa Astoria Plaza Hotel, Escriva Drive, Ortigas Center, Pasig City. Kasama rin niya sa pictorial ang iba pang PDA finalists na sina Jay-R Siaboc, Ronnie Liang, Panky Trinidad, Irish Fullerton, at Chad Peralta.
"Ako nga lang po ang nandun [sa PDA house] noong Christmas hanggang New Year. Lahat po kasi ng mga scholars na nakatira pa rin doon, umuwi sa kani-kanilang pamilya," kuwento ni Yeng.
"Sinamahan lang po ako ng brother ko at isang cousin ko. After Christmas na po ako nagkaroon ng homecoming sa amin sa Rodriguez [Montalban], Rizal, at nag-motorcade po ako sa buong bayan bilang pasasalamat sa suporta nila sa akin," dagdag pa niya.
CASH PRIZE. Ano naman ang ginawa niya sa one-million-peso cash prize niya?
Sabi ni Yeng, "Ibinigay ko po sa Papa ko, hindi ko po pinakialaman. Sabi ko, bahala na silang bumili kung ano ang gusto nila. Eight hundred thousand na lang po yun dahil binawas ang 20% tax.
"Pero sabi po niya [Yeng's father], titingin daw siya ng lupa na patatayuan ng bahay para sa akin dahil ako raw ang nagpakahirap doon. May nagustuhan po sana siya sa Angat, Bulacan, pero hindi raw po maganda ‘yong lugar dahil binabaha dun."
BEST THEME SONG. Sa nakaraang awards night ng 32nd Metro Manila Film Festival ay nagwagi ang komposisyon ni Yeng na "Hawak Kamay" as Best Theme Song.
Ang nasabing awitin ang theme song ng 2nd best-picture winner na Kasal, Kasali, Kasalo. Sa kasamaang-palad, wala si Yeng sa awards night kaya hindi niya personal na natanggap ang kanyang tropeyo.
"Nagre-recording po ako noon at nagulat ako nang batiin ako ng congratulations ni Direk Lauren Dyogi. Sabi ko, bakit niya ako binati. Sabi niya, ako nga raw po ang nanalo ng Best Theme Song," masaya niyang kuwento.
DEBUT ALBUM. Sa ngayon, halos wala nang oras si Yeng sa sarili niya dahil tinatapos niya ang kanyang self-titled debut album na alternative pop-rock sa Star Records.
Isang song pa raw ang ire-record niya, pero sa January 14 na ilu-launch sa ASAP ang kanyang album.
Ibinalita ni Yeng na may sampung tracks ang kanyang debut album at lima rito ay kanyang original compositions—"Hawak-Kamay," "Away-Bati," "Salita," "Awit ng Pangarap," at "Ang Awitin." Ire-revive naman niya ang "Bulag, Pipi, Bingi" ni Freddie Aguilar.
Kasama rin sa album ang "Pangarap Lang" na nanalo sa Dream Song Contest; "Cool Off" na composition ng co-PDA scholar niyang si Davey Langit; "Day Off" na collaboration naman ng Cebalo Band (composed of Davey, Panky, Ivan, and Eman Abataya); at ang "If We Fell In Love" na nilikha ng napapabalitang manliligaw niyang si RJ Jimenez.
RJ JIMENEZ. Speaking of RJ, kinumusta namin kay Yeng ang status ng relasyon nila ng binata.
"Friends lang po kami ni RJ," sabi ni Yeng. "May communications pa rin po kami. Noong Christmas, dumaan siya sa PDA house dahil may pinuntahan daw sila na malapit doon.
"Priority ko po muna ang career ko. May malaki po akong responsibilidad sa mga fans ko. Gusto kong maging role model nila, pasasalamat ko sa pagsuporta nila sa akin. Bata pa po ako, marami pa akong time para sa love."
Nagbibirong dagdag ni Yeng, "‘Tsaka hindi po pwede, pipiliin pa po ang magiging boyfriend ko ni Direk Lauren at ng PRO ko!"
HECTIC SKED. Kahit gustuhin man ni Yeng na magkaroon ng lovelife, tila magiging imposible ito dahil sa dami ng kanyang mga gagawin.
After ng recording ng kanyang album, magsu-shoot din si Yeng ng music videos niya. Sa February, simula na ng World Concert Tour ng PDA Top 6, na magsisimula raw sa Australia. Nagsimula na rin ang provincial tour nila noong December 23 sa Davao at susundan ito sa Cebu Coliseum sa February 2.
"Wala po talaga sa isip ko na mangyayari sa akin lahat ng ito. Bukod po sa mararating ko ang iba-ibang lugar dito sa bansa natin, makapupunta pa ako sa iba't ibang lugar sa mundo!Maraming salamat po kay God sa lahat ng blessings," pagtatapos ni Yeng.