Naipatayo ni Ricca Del Rosario at ng kanyang mister ang Bakuran, isang cabin rental business sa Sitio Mahabang Parang, Camachile, Doña Remedios Trinidad (DRT) sa Bulacan, noong 2020.
Kasagsagan iyon ng pandemya.

Kuwento ni Ricca sa Summit OG noong February 11, 2022, hindi sila lumalabas noon dahil maliliit pa ang tatlo nilang anak at natatakot silang tamaan ng virus.
Bakante pa noon ang kanilang lote na nabili nila ilang taon na ang nakalilipas, pero hindi nila napupuntahan. May sukat itong 1,300 square meters.
Ani Ricca, “Noong pandemic, ito yung naisip namin na pasyalan. Kasi bundok, probinsiyang-probinsiya, walang tao kaya puwedeng magtanggal ng mask kasi kami lang naman yung nandito.”
NAGSIMULA SA BAKOD NA KAWAYAN AT KUBO
Nawili sina Ricca sa pagbisita sa kanilang bakanteng lote, at kada linggo ay doon na sila tumatambay na mag-anak.
“Hanggang sa naisip namin, bakit di natin palagyan ng bakod?”
Pinalagyan nila iyon ng bakod na kawayan para mura lang ang gastos.
“Yun din kasi ang uso rito sa DRT. Ganoon yung mga karaniwan na yari ng bahay na makikita rito. Yun ang ginawa namin.”
Nang malagyan ng bakod, tinawag nilang “Bakuran” ang kanilang property.
“Noong nagpupunta-punta kami nung meron ng bakod, ang sunod naming ginawa, naglagay kami ng kubo.
"'Tapos naglagay kami ng mga manok. Para bang meron lang talaga kaming puntahan dito.”
Noong una ay hindi naging komportable ang kanyang mga anak.
“Kasi walang kuryente, walang tubig. Doon namin naisipan na magtayo ng unang cabin.”

Nang maitayo ang unang cabin, naisip nila na puwedeng magpagawa pa ng panibago at paupahan sa mga bakasyunista.
July 2020 nag-start ang construction ng buong Bakuran.
Nagpatayo sila ng dalawa pang cabins at iba pang common areas.
DETALYADO ANG BAWAT BAHAGI NG CABIN
Dahil isang engineer ang mister ni Ricca at mayroon silang sariling construction company, tinulungan sila ng mga architects sa firm para sa disenyo ng mga cabins at iba pang istruktura sa Bakuran.

"Nang makita ko yung designs, saka ko lang na-revise depende sa kung ano yung bagay dito sa lugar.”
Gusto raw niyang mag-enjoy ang mga magrerenta sa kanilang mala-paraisong bakuran at ang mga cabins.
Ang nagastos nila sa pagpapatayo ng bawat cabin ay umabot sa PHP1.5 milyon.
Paliwanag ni Ricca, “Because every part is detailed. Hindi siya parang pag bibili ka ng condo unit na very bare. Itong units namin, parang lahat nang makikita mo may detalye.
“May cable na naka-attach na, may mga cabinets. Wala siyang plain na parts. Lahat ay may detalye. Kung iisipin ninyo na mahal, that's the reason why.”
PERFECT PARA SA SMALL GROUP
Ayon kay Ricca ay hanggang tatlo lang kaya nilang ipatayong cabin. “Wala na kasi kaming space dito.”
Natutuwa naman siya na umeksakto ang pangalan na Bakuran sa kanilang resort.

“Kasi unlike other resorts or yung ibang pinupuntahan natin pag nagbabakasyon, this is a very small place lang. Perfect lang talaga siya for small groups.”
Naglaan rin sila ng 300 square meters para sa parking area.
Ang bawat cabin naman ay nasa 20-25 square meters ang floor area.

Ayon pa kay Ricca, “Mainly wood ang materyales na ginamit sa mga cabin para mas feel ang towny vibe.”
Metal ang ginamit na framings para mas matibay.
Plano ni Ricca na mas makilala pa ang Bakuran ng mga mahihilig magbakasyon.
At dahil maliit lang ang kanilang space sa Bulacan, gusto nilang mag-expand sa ibang lugar.
"Bakuran in Tagaytay or Baguio, pero matagal pa iyan. Kumbaga, e, wishful thinking lang. But hopefully."
Payo naman niya sa iba na gustong magkaroon ng kagaya ng Bakuran para may sariling space o gawing negosyo, “I think the best advise is not to rush. Take your time. Pag-isipan munang mabuti.
“Kasi may mga bagay na kailangan munang pag-isipan para hindi ka magsisi sa huli. Hindi ka mapapamahal, o baka hindi ka satisfied sa kinalabasan.”
Para sa mga mahilig mag-unwind sa mga probinsya, panoorin ang Summit OG video na ito tampok ang Bakuran: