Aminado si Ethel Booba na malaki ang binago niya mula nang maging isa siyang ina.
Limang taong gulang na si Ella, ang anak nila ng partner niyang si Jessie Salazar.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ethel sa opening ng Beaucon Manila 2024, na ginanap sa SM Megatrade Hall noong September 14, 2024.
Dito binahagi ni Ethel kung gaano siya ka-hands on bilang nanay.
Malayo raw ito sa single days niya noon kunsaan love life at sarili lang niya ang iniisip.
"Oo, ako nga rin nagugulat, e," saad ni Ethel.
"Di na ako bumibili ng mga mahal na damit. Ngayon kailangang magtipid kasi mayroon akong pinagkakagastusan. Ang mahal ng gatas, diaper, ganyan.
"Ngayon iniisip ko, kailangan kong mag-ipon [para sa] future niya, yung pag-aaral..."

Naikuwento rin ni Ethel na Ingles ang salita ng kanyang anak.
"Naku! Ako talaga nanganganib," bulalas ng sexy comedienne.
Kuwento pa niya tungkol sa anak na si Ella, "Kasi Inglesera, di puwedeng i-public. Ano talaga ako, minsan ano na lang, sasagot ako, 'Okay, later.'
"Yung asawa ko, tawang-tawa na lang sa akin kasi di ko talaga siya masagot, hirap na hirap ako talaga."
Ayon kay Ethel, personal siyang nag-aasikaso sa kanyang mag-ama.
"Oo, sobra, hands-on ako. Sa bahay na lang, wala nga kaming katulong, e. Hands-on ako sa pamilya ko."
Sino ang disciplinarian sa kanila ni Jessie?
"Istriko ako kay Mikaela, ako yung matapang. Yung asawa ko yung nang-i-spoil, lahat.
"Nanghihinayang ako kasi ang mamahal ng mga laruan ng mga bata, may bente mil. May ganun palang laruan ngayon!
"E, nung bata tayo, yung lata gaganunin mo lang ng tsinelas [tumbang preso]."
Kanino nagmana si Ella?
Sagot ni Ethel, "More on sa daddy niya, malambing, 'Can you hug me? Can you kiss me? I love you.' Ganun kasi si Jessie.
"Hindi ako ganun, e. Hindi ako malambing."
Tinanong din ang TV host/comedienne kung may balak na ba silang sundan ang anak na si Ella.
"Kung ibibigay," simpleng saad niya.
"Nag-usap nga kami ni Vice [Ganda], e. 'May plano ka bang dagdagan?' Kasi inaanak niya iyan, e.
"Tapos sabi ko, 'Parang hindi na.' Sabi niya, 'Okay din iyan para mayamang-mayaman siya.' Sabi ko, 'Wow, magdo-donate ka ba?'
"Sana mag-donate siya ng educational plan."
Bukas si Ethel sakaling gustuhin ni Ella na pasukin ang showbiz.
Aniya, "Puwede naman, pero ang kailangan ang priority ay pag-aaral."
Read: 29 Filipino stars born in the Year of the Dragon
ETHEL BOOBA ON HAVING A LOW-KEY PARTNER
Pagdating sa buhay may-asawa, sinabi ni Ethel na kalmado ang relasyon nila ni Jessie.
Hindi kaila na madalas na nasangkot si Ethel sa mga kontrobersiya kaugnay ng kanyang mga nakarelasyon niya noon.
"Oo, di ba? Grabe, ang dami kong isyu before, sobra," bulalas niya.
Sabay tukoy niya sa pagsasama nila ni Jessie: "Mas peaceful. Kung gusto mo talaga pangmatagalan, pang-lifetime, piliin mo non-showbiz."
Nagbahagi rin si Ethel ng sikreto sa matatag na pagsasama nila ni Jessie.
"Communication, yun talaga ang pinaka-importante," sabi ni Ethel.
"Kailangan talaga nag-uusap kayo palagi.
"Wag mong kimkimin kung anuman ang sama ng loob mo. Kailangan i-open mo yun sa kanya.
"Okay lang yun na masaktan siya, pero kailangang malaman niya yung mga pagkukulang niya o kaya sumosobra na ba siya."
Tinanong din namin si Ethel kung may balak ba siyang maging aktibo muli sa kanyang showbiz career.
"Oo, actually, mayroon ngang nag-aalok, kaso lang di ko pa lang talaga mabigyan ng schedule kasi may anak ako tapos may mga shows ako.
"Super tutok ako ngayon dito, pero kung may chance, oo, why not?"
Puwede siyang umarte sa teleserye?
"Puwede naman, maayos naman iyan, kayang-kaya ko nga dati."
ETHEL BOOBA'S BUSINESS
Sa ngayon, pinasok ni Ethel ang pagnenegosyo.
Brand ni Ethel ang Klirwhite whitening and firming soap, na nilunsad niya sa Beaucon 2024.
May ka-partner siya na manufacturer ng produkto.
Lahad ni Ethel: "Actually, yung husband ko, siya talaga yung nagsabi sa akin. Chef siya sa Boracay, may mga na-meet siyang brand owner ng ganito rin.
"Na-inspire siya, naging mga kaibigan niya. 'Ah, ganun lang pala, di pala mahal magpaganda, di ganun kakumplikado.'
"Tapos na-insipire siya, sinabi niya sa akin, sabi ko, 'Oo nga, why not? Tapos hayun."
Ayon kay Ethel, siniguro niya na maganda ang produktong binebenta niya.
Aniya: "Sobrang okay, ang ganda ng pagtanggap sa amin, ang ganda rin talaga ng sabon namin.
"Di ako pumayag talaga na di maganda yung quality na lalabas.
"Baka masira ang pangalan ko. yung makabenta ka lang kahit walang quality, ayoko nang ganun."
Read: Ethel Booba says she discouraged live-in partner from proposing to her
