Ipinagtapat ni Glydel Mercado na totoong nagulat sila ng kanyang asawa na si Tonton Gutierrez nang magdesisyon ang kanilang anak na si Aneeza Gutierrez na mag-aral sa Singapore at magtrabaho sa isang Japanese restaurant bilang waitress, dishwasher at kahera.
Pumayag sila sa kundisyong hindi pababayaan ng panganay nilang anak ang pag-aaral nito.
Read: Aneeza Gutierrez prioritizes school, part-time job in Singapore over showbiz career in PH
Pahayag ni Glydel sa eksklusibong panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), “Nung una, hesitant kami ni Ton [Tonton] kasi first time ni Aneeza na mawawala sa house and she will be alone in another country.
“But talagang gusto niyang mag-aral sa ibang bansa, at kasama naman niya yung former three classmates niya sa Miriam College na taking the same course din kaya hindi na kami nag-alala.
“Nagpainterbyu agad si Aneeza sa Singapore school at based sa interview sa kanya, she was given a 90 percent scholarship kaya natuwa naman kami."
Tunay na maipagmamalaki nina Glydel at Tonton si Aneeza, 18, dahil kahit college scholar ito sa Singapore school na pinapasukan, ginusto niyang magkaroon ng part-time job sa Japanese restaurant para makaipon ng pera at hindi masyadong umasa mula sa kanyang mga magulang.
Saad ni Glydel, “Actually, nagulat kami that she wants to do part-time job in Singapore, but we told her na kung hindi makakaapekto sa studies niya, then she can do it.
“And also, as early as now, we want her to learn about the value of money by working. So she’s working lang every weekends and kapag may exams, nagpapaalam siya sa owner ng restaurant na she can’t go to work.
"Mabait naman ang restaurant owner kaya they understand."
Lahad pa ng aktres, "When I visited Aneeza recently in Singapore, hindi namin napuntahan yung workplace niya. Kasi gusto ko siyang makasama since four days lang ako nag-stay doon kaya ipinasyal namin siya.
“Si Aneeza ang naging tour guide namin. Marami kaming pinuntahan na lugar.
"We took the train, bus, and nagulat kami na alam na agad niya ang lahat ng places sa Singapore."
PROUD PARENTS
Inihayag din ni Glydel kung gaano sila ka-proud ni Tonton sa kanilang panganay na anak.
Saad niya, “Aneeza is a very kind-hearted person, simple, and very determined na matapos niya ang kanyang college course. Kaya super proud parents kami kasi mas pinili niya na mag-aral kesa sa showbiz.
“Nakita niya kasi sa amin ng dad niya kung gaano kahirap ang work namin. Minsan, hindi na kami nagkikita sa house kapag umaga na kami umuuwi mula sa taping at shooting.
“Aneeza is really a simple person. Ayaw niya ng mga lavish party. Mas gusto niya na kasama ang family, our household helpers at drivers. Masaya na siya sa ganoon.
“Gusto ni Aneeza na magkaroon ng business in the future para raw matulungan niya kami.”
Dahil sa maipagmamalaki na karakter ni Aneeza, marami ang interesado sa paraan ng pagpapalaki nila ni Tonton sa kanilang dalawang anak na babae — Aneeka ang pangalan ng anak na bunso ng mag-asawa.
Ayon kay Glydel, “Simple lang naman ang parenting style namin ni Ton.
"Noong high school student si Aneeza, hindi siya ganoon ka-focus sa studies niya kaya sinabi namin sa kanya na, ‘If you don’t want to study, we won’t force you. You can just stay at home and do household chores na lang at expect na wala kang makukuha na trabaho in the future.'
“Pero nu’ng Grade 11 na siya, nag-sink in na siguro sa kanya ang aming mga sinabi dahil biglang tumaas ang grades niya kaya nagulat kami.”
Ipinakikilala si Aneeza sa That Boy in the Dark, at ito ang unang pelikula na magkasama sila ni Glydel.
Hindi muna magiging aktibo si Aneeza sa showbiz dahil ang makatapos ng pag-aaral ang kanyang priority.
Nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa January 8, 2023 ang That Boy in the Dark, na napili sa Boden International Film Festival (BIFF) sa Sweden.

Nominado rin sa limang kategorya ng online festival na Five Continents International Film Festival 2022 ang That Boy in the Dark.
Kabilang dito ang Best Director (Adolf Alix Jr.), Best Actor (Joaquin Domagoso), Best Supporting Actor (Kiko Ipapo), Best Screenplay (Gina Marissa Tagasa), at Best Lighting (Nelson Macababat Jr.).