Hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang TV Patrol newscaster na si Bernadette Sembrano, 46, na magkaroon siya ng anak.
Ito ay matapos niyang makunan noong 2018 sa una sana nilang anak ng kanyang asawa na si Emilio "Orange" Aguinaldo IV.
Kuwento ni Bernadette sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz, mayroon siyang iniindang sakit na endometriosis at myoma kung kaya't nahirapan silang makabuo ng anak.
Ayon sa World Health Organization, ang endometriosis ay isang uri ng reproductive disorder sa mga kababaihan kung saan may tissue na kapareho ng endometrium —ang tissue na nagsisilbing lining sa loob ng uterus o matres na siyang lumalago sa labas ng uterus at sa iba pang organs sa pelvic area.
Ang myoma naman ay isang benign o noncancerous na paglago o pagdami ng smooth muscle sa uterus ng isang babae.
Sa kabila ng malungkot na karanasan ni Bernadette sa kanyang pagbubuntis, hindi raw niya isinasara ang posibilidad na muli silang mabuntis.
Saad niya, "Hindi ko naman sinasabing hindi [na] kasi nag-o-ovulate pa naman ako so hindi natin alam, baka magka-miracle baby din.
"So, hindi ko pa isinasara yung possibility.
"Nag-attempt naman kami pero, unfortunately, nagkaroon kami ng miscarriage.
"Kaya ko sinasabing kami, kasi kami namang mag-asawa yun.
"Nag-try naman kami through in vitro [fertilization] kaso, ayun nga lang, nagkaroon ng miscarriage din."
June 2018 nang ikasal si Bernadette kay Emilio.
December 2020 naman nang emosyunal niyang ibahagi sa publiko ang pagkalaglag ng kanyang ipinagbubuntis.
Read: Bernadette Sembrano tearfully recalls miscarriage in 2019
Ayon sa Kapamilya broadcaster, ang pangyayaring iyon ay nagsilbing aral para maging mas bukas pa siya sa kanyang buhay.
Aniya, "Siguro, how do I cope? I guess, it boils down to how do you hope.
"Una, ipinagpasalamat ko, ipinagpasalamat namin na nangyari si Molly.
"Yun din ang palagi ko ring pananaw, na kapag mahal mo ang isang tao, dapat hindi mo tinatapos sa kamatayan ang pagmamahal mo.
"Naalala ko noong nangyari si Molly, all the more akong naging mas bukas sa buhay."
"Molly" ang pangalan na ibinigay nina Bernadette at Emilio sa magiging anak sana nila.
Si Molly rin daw ang nagsilbing "grasya" para mas mapalapit pa siya sa Diyos at magawa pa ni Bernadette ang kaniyang passion.
Kuwento ni Bernadette, "Noong mawala si Molly, sabi ko the way to love her and continue loving her is to embrace the life that I wished for her.
"Noong nangyari yun, mas naging bukas ako sa pag-serve sa church, mas naging bukas ako sa passion ko.
"Iba yung naging grasya sa akin na ginamit ko siya para mas yakapin ang buhay and to allow her to live in my heart.
"Kung ano yung ligaya na idinulot sa akin, parang gusto kong magtuluy-tuloy siya by living a good life."
Kung tatanungin si Bernadette kung kuntento na siya sa kanyang buhay, ang tanging maisasagot daw niya ay "oo."
"Yes, I am contented.
"Are you happy na wala kayong anak?
"Ang sasagutin ko sa iyo, 'Yes'"
Naniniwala raw siya na habang may bukas, malaki pa rin ang tsansa na ibigay sa kanila ang matagal na nilang hinihintay.
"Habang may bukas pa naman, e, di mag-effort ka rin.
"Kasi hindi pa naman natatapos today. Ganon lang siya kasimple.
"Pero kung itatanong mo, 'Happy ka ba?' Oo, happy kami ni Asawa."
Dagdag pa ni Bernadette, "Masaya kami. Pero may bukas pa, so tuloy lang."