Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Aiko Melendez kamakailan, dahil nga limang taon na silang magkasintahan ni Zambales 1st District Congressman Jay Khonghun, tinanong namin siya kung gusto pa niyang magka-anak, at ang sagot niya ay…
“Nagkakaroon pa ako,” ang bulalas ni Aiko na natawa sa isinagot niya.
Kung gusto pa niyang magka-baby, paglilinaw naming tanong kay Aiko.
May iba kasi na kahit puwede pa ay ayaw nang magbuntis.
“Alam mo, nandun ako sa punto na gusto kong i-freeze yung eggs ko,” rebelasyon sa amin ng actress/politician.
Pagpapatuloy pa ni Aiko, “Kasi nakita ko yung dalawang anak ko, in fairness ha, may future! Ang lakas ng dugo ko, di ba?”
Guwapo si Andre Yllana na unico hijo ni Aiko at Jomari Ylanna, at maganda naman si Marthena Jickain na anak naman ni Aiko sa dati niyang karelasyong si Martin Jickain.
“Kasi di ba, maganda yung lahi ko, in fairness. Kasi kung titingnan mo si Andre, sinasabi nila mas kamukha yung isa.
“Hindi e, pag tiningnan…. dyina-justify ko talaga, di ba?
“Pag tiningnan mo si Jomari, yung kilay lang naman ang napunta sa isa, pero pag tiningnan mo talaga yung mata, sa akin, sa ilong.
“Si Marthena, mini-me ko, malakas talaga ang dugo ko.”
WHY AIKO IS HESITANT TO TRY IVF
Pero hindi alam ni Aiko kung itutuloy niya ang pagpapa-freeze ng eggs niya.
“Selosa si Marthena, gusto niya siya na yung last, ayaw na niyang magka-baby ako ulit. So, hindi na puwede.”
Baka naman sinasabi lang iyon ni Marthena pero kapag nariyan na ang bagong baby nila ay matuwa na ito?
“Kasi siyempre gusto muna niya, pag magkakaroon siya ng kapatid, siyempre meron munang kasiguraduhan na may marriage na.
“Kasi conservative si Marthena,” diin ni Aiko.
AIKO HAPPY TO SEE KIDS BOND WITH HER BOYFRIEND
Botong-boto raw sina Marthena at Andre na muli siyang mag-asawa at magpakasal.
“Ay, oo! Kasi close sila kay Jay, e. Sobrang close sila kay Cong Jay and si Cong Jay yata ang nakarelasyon ko na nalalapitan nila in terms of yung pag may problema.
“Lalo na si Marthena, sixteen, so meron na silang mga time na silang dalawa lang ang magkasama, nag-uusap sila.
“Si Andre naman meron silang boy talk, in fact gumimik sila ng ano, hindi ako kasama, sila lang.
“They’re very close, so wala akong problema pagdating sa bagay na yun.”
Nakausap ng PEP.ph si Aiko sa face-to-face mediacon ng Mano Po Legacy: The Flower Sisters na kasalukuyang umeere sa GMA mula Lunes hanggang Biyernes.
Apat silang bidang Chua sisters dito: si Aiko bilang si Lily, si Thea Tolentino bilang si Dahlia, si Angel Guardian bilang si Iris, at si Beauty Gonzalez bilang si Violet.
