Isang taon na ang nakalilipas nang mag-viral ang panawagan ni Joel Orbello Regal para sa breastmilk para sa kanyang triplets.
Mabigat ang pinagdaanan noon ng single father na taga-Paete, Laguna dahil pumanaw ang kanyang misis na si April isang araw matapos manganak ng triplets.
Respiratory failure at enlarged heart ang dahilan ng pagpanaw ni April noong March 21, 2021.

Marami ang naantig ang damdamin sa kuwento ni Joel at ng kanyang tatlong prinsesa.
Sabi pa ni Joel noon, excited pa noon ang kanyang misis na makita ang anak na triplets.
Iniulat ng media outlets ang sitwasyon ni Joel at ng kanyang triplets, at inabutan ng tulong, katulad ng breastmilk at diapers.
Ngayon ang triplets ay one year at three months old na.
Nito lamang Linggo, June 19, Father’s Day, nag-post si Joel.
“Happy father’s day everyone” post niya, kalakip ang photos niya kasama ang tatlong tsikiting.
Kumusta na si Joel at ang kanyang triplets ngayon?
Via direct messaging, nakapalitan ng mensahe ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Joel nitong June 20-21, 2022.
JOEL’S SECOND TIME CELEBRATING FATHER’S DAY
Nakakaantig ang mga nai-post na larawan ni Joel kung saan makikita siyang nakangiti habang katabi o bitbit ang mga anak.
Masaya na malungkot ang nararamdaman ni Joel bilang nag-iisang magulang sa triplets.
Aniya tungkol sa pagdiriwang ng Father’s Day, “Masaya, sobrang saya, kasi yung mga anak ko, masigla.
“Lumalaking malusog at di sakitin. Masaya ako kasi yung mga anak ko sobrang lambing sa akin.
“Ipinararamdam din nila na mahal na mahal nila ako bilang tatay nila.
“Pero minsan hindi talaga maiiwasang malungkot, matutulala. Iniisip ko yung asawa ko habang lumalaki na yung mga anak ko.
“Siyempre, nanghihinayang. Malungkot kasi napakasarap lang siguro sa pakiramdam kung andito siya at kumpleto kaming pamilya.”
BREASTMILK IS BEST FOR BABIES
Noon pa man, sinasabi ni Joel sa interviews na naniniwala siyang iba ang breastmilk.
Ito ang dahilan kung kaya't nag-post siya noong June 2021 at humihingi ng breastmilk para sa tatlong anak.

Marami ang tumugon noon.
“Okey naman po kami ng mga anak ko. Masaya ako kasi lumalaki silang malulusog, masigla, at di sakitin,” mensahe niya sa PEP tungkol sa lagay ngayon ng triplets.
Patuloy raw siya sa kanyang trabaho bilang factory worker. May maliit na tindahan siyang itinayo para makatulong sa pang-araw-araw na gastusin.
Sa kabila nito, aminado si Joel na hirap pa rin siya sa gastusin.
“Sa totoo lang po, hindi sapat ang kita, lalo na ngayon mas malaki na yung gastos mula nung nag-stop na sila sa breastmilk.”
Pero hindi nagrereklamo si Joel dahil labis-labis ang breastmilk donation na nakuha niya.
“Last February po yung huling donation po na breastmilk. Sa totoo lang, ang target ko lang is at least hanggang six months nila, makainom sila,” pag-amin ni Joel.
“Kasi yun po ang advice ng doktor kasi premature sila.
“Pero almost one year din silang nakainom ng breastmilk, kaya nagpapasalamat ako sa lahat ng nag-donate para sa mga anak ko."
Malaking sakripisyo rin daw ang ginagawa ng kanyang biyenan at hipag na tumutulong sa pag-aalaga sa triplets.
Sabi niya, “Katuwang ko naman po sa pag-aalaga ang biyenan ko at kapatid ng aking asawa habang ako po ay nasa trabaho.
“Sila ang nag-aalaga sa mga anak ko.”
Alam ng single parent na si Joel na hindi madali ang mag-alaga ng tatlong anak, pero sisikapin niyang magkaroon sila ng magandang buhay.
“Malaking hamon po sa akin, siyempre po. Yung mabigyan sila ng magandang buhay, lalo na ngayon wala na yung asawa ko. Sobrang mahirap kasi wala na akong katuwang.
“Sa ngayon maliliit pa lang sila, ipinagdadasal ko lang talaga sa kanila, araw-araw na huwag sila magkakasakit, lumaki silang malulusog.
“Siyempre ganun din po para sa akin at sa mga nag-aalaga sa kanila.”
Sa mga nais magpaabot ng tulong kay Joel at sa kanyang mga anak, maaaring magpadala sa kanyang GCash na 0951 540 8031.
