Matagal nang naibalita ang plano nina Liza Diño-Seguerra at Ice Seguerra na magkaroon ng sarili nilang baby.
Kaya naman hindi maiwasang matanong si Liza, na chairperson and CEO ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), kung magkaka-baby na ba sila ni Ice anytime soon.
“Hindi! I wish,’” madiin niyang pahayag sa grand press conference para sa 6th Film Ambassadors' Night. Ginanap ang presscon sa Max's Restaurant sa Roces Avenue, Quezon City, noong February 22, 2022.
Sobrang busy din kasi ni Liza bilang FDCP head. Pero ilang buwan na lang ay matatapos na ang term niya sa FDCP kasabay ng pagpalit ng bagong presidente na mahahalal ngayong eleksyon.
Looking forward si Liza na magkaroon ng oras para sa pagbubuntis at sa kanyang pamilya.
“Sana,” ngiti niya. “I hope this is the year.”
“Also, time for family. Time for my husband. Time for Amara."
CONCEIVING VIA IVF
Ibinahagi rin ni Liza ang plano nilang makabuo ng baby via IVF, o in-vitro fertilization.
Paglahad niya, “Hindi na ako bata. Inabot na tayo ng ilang ano… kita mo tumaba na ako.
“And yun nga, sana maano namin, ma-process namin yung kailangang gawin para maka-IVF na kami. Marami rin kasi ang naging restrictions dito in terms of the process, para magawa yung proseso.”
Ayon kay Liza, mayroon na silang nahanap na sperm donor.
“Kailangan na lang magtagpo. Kailangang magtagpo nung donor at nung mismong... kailangan yung phase noong process ng IVF.
“So, it’s either from the US dadalhin sa Malaysia yung sperm para ma-fertilize sa frozen egg ni Ice para maging embryo siya. Or kung hindi sa Malaysia…. yung egg ni Ice yung pupunta ng, dadalhin sa US for the process. So, yun iyong dalawa lang yun.”
Pinili nina Liza at Ice ang kanilang sperm donor.
"Kailangan Caucasian, para matangkad," banggit ni Liza. Isa raw itong Irish-German na may edad na "below thirties."
Pero maliban sa mga detalye na nakasaad sa profile nito, hindi nila kilala nang personal ang kanilang sperm donor.
Paliwanag niya, “Walang name yun, e. Normally, number siya, e.
“Halimbawa, donor 12345, ganyan. Pero nakalagay doon yung background niya.
“Ano siya, Berkeley [University of California] grad. Music ang major. At! Nagluluto. Hahaha!”
Hilig kasi ni Liza ang pagluluto at singer naman si Ice.
“Korek! O, di ba?"
LOOKING FORWARD TO PREGNANCY
Excited si Chair Liza para sa pagbuo nila ng baby, at determinadong mangyari ito sa lalong madaling panahon.
Aniya, “Excited ako! ‘Tsaka hindi na talaga ako bumabata. The more na tumatanda ka, mas nagiging high risk, di ba? So, kailangan na talaga siyang mangyari.
“Ako yung surrogate, di ba?
“Kaya siya ano, e... kung ano lang, if we just get another surrogate it could have been easier. Pero ako yung surrogate.
“So, kailangan siyang naka-fix, kailangan siyang maging akma. Although yung work-up sa akin, okey na ako.
“I mean, I’m healthy. I’m fit to carry. So, tsinek na yung ano ko, yes. Healthy naman ako," sabay hawak niya sa mga braso niya na tumaba. "Kung fit pa rin ako na mag-carry, okey naman.”
Usually, complete bed rest ang kailangan sa mga inang sumasailalim sa IVF. Kakayanin kaya niya knowing kung gaano siya ka-workaholic?
“Andun na yung trabaho ko sa tabi ko,” katuwiran niya.
“Sacrifice. Sacrifice talaga for the baby. Eto na naman tayo sa 'for the baby' kaya naa-ano ako, e. Hahaha!”
May naisip na ba silang pangalan para sa baby?
“Gusto namin ng gender-neutral name. Yung mga Alex, Gabrielle, yung mga ganoon. Yung puwede siyang babae, puwede siyang lalaki.”
Ayon pa kay Liza, kapag daw sumailalim sa IVF ay malaki ang chance na magkaroon sila ng twins.
Paliwanag niya, “Kasi, yung kay Ice [na egg], tatlo yun, e. Puwede nilang i-try sa tatlong eggs ni Ice na magkaroon ng twins. Kasi hindi naman lahat successful.
“Oo, puwede. Possible siya.
“Ngayon, aso muna. Binigyan kami ng aso ni Ate Shawie [Sharon Cuneta].”
FINANCIAL CHALLENGES OF CONCEIVING VIA IVF
Aminado naman si Liza na isang challenge para sa kanila ang maging financially ready, dahil sa laki ng halaga na kailangan sa prosesong pinili nila to have a baby.
“Kaya nga siguro na-delay nang na-delay. Kasi, right now, we’re just running with one income, di ba?
“Si Ice, of course, may mga savings naman siya. Pero hindi siya katulad dati na hindi ko iniisip yung saan tayo kukuha ng pambayad sa bahay namin and all.
“Ngayon, lahat yun has to be put into consideration, lalo pa hindi regular yung income ni Ice. Although sa akin, suwerte ko na nga lang naging part ako ng government. Kahit paano, may nagagastos. Ang hirap.”
Gaano ba kamahal ang IVF procedure?
“Depende kung saan. Between one to two million.
“Sa iba kasi, like yung kay Joel Cruz, may surrogate kasi siya. Kaya super laki ng inabot.
“Imagine mo, babayaran mo yung siyam na buwan noon! Mula pagbubuntis hanggang panganganak. Yung sa amin, eto lang, yung process lang nung IVF, yung pag-ano [pagsama] ng embryo.
“Tapos, yung pagpasok sa iyo [sa katawan].
“Mura na siya. Between P20,000 to P40,000.”
Pareho lang daw ang gastos kapag kambal.
Pagtuloy niya, “Parang kasi, to be safe, minimum na dalawa ang nilalagay nila.
“So, kung hindi mabuo yung isa, okey lang. Kasi may isa pa. Kung mabuo yung dalawa, yun nga. Kaya nagiging twins. Kaya normally, kambal ang lumalabas. Kasi, if you’re lucky nga, both ano, nape-fertilize.”
May nagsasabi sa kanya na magandang taon ang 2022 para magka-baby.
“Ah, talaga? O, sige, iisipin ko na lang, kung hindi ko matatapos ang term ko sa FDCP, it’s really for this.”
leaving a legacy with the eddie garcia bill
Speaking of term, may plano ba siyang gawin sa FDCP bilang kanyang "last hurrah" sa kanyang tenure in office?
“Eddie Garcia bill,” walang kapuknat-puknat na sagot ni Liza.
“Magalit na sa akin ang lahat. We really have to fight for the workers' protection.
“Alam mo yung fear ng karamihan sa mga workers natin? 'Kapag natapos ba iyong pandemic, babalik na naman tayo sa dati?' Alam mo naman yung dati.
“Dati meaning, ang isang work day ay 26 hours. Hindi nabibigyan ng importance yung safety ng mga workers. Siyempre, takot nila yun.
“Kasi ngayon, kahit papaano ang laking ginhawa noong 12 to 16 hours na day nila. Nasanay na yung katawan mo na, ‘Ay, puwede pala na may tulog ka pa.’ 'Puwede pala na bubble-type yung shooting na naka-lock in ka.' Lahat kayo safe.
“Kung may Eddie Garcia bill, meron tayong batas na magpu-protekta sa lahat. Na puwedeng maging accountable yung mga…. ‘tsaka, grabe yung mga nare-receive naming mga ano, mga grievance galing sa workers.
“Kasi, if you have an industry na yung workers mo alam yung karapatan nila, maayos yung sinu-suweldo nila, alam nila kung papaano sila kikilos.”
Sino sa mga nakaupong senador ngayon na taga-showbiz ang sumusuporta para maaprubahan na ang Eddie Garcia bill?
“Well, so, yun ang susuportahan natin sa mga senador na tumatakbo ngayon. Yun nga, e. Hinahanapan namin [ng senador],” diin ni Liza.
“Actually, si Senator Bong [Revilla] yung nag-file noong counterpart sa Senate. So, sana ituloy niya. Sila na lang kasi, e. Pasado na sa Lower House. Sa Senate na lang, isang approval na lang.”
Panawagan pa ni Chair Liza, “Isa na lang po. Senate na lang po. Huwag na po ninyong paabutin ng eleksyon. Bago man lang po matapos ang Congress natin, sana po yung Eddie Garcia bill, yun na lang po ang maibibigay natin sa ating icon na si Eddie Garcia. Let us not let his death, you know, ma-waste, di ba?”
Ilan sa mga members sa House of Representatives na sumuporta sa Eddie Garcia bill para maipasa sa Senado ay sina Chiz Escudero, Chris de Venecia, Yul Servo, Alfred Vargas, at Vilma Santos-Recto.
“Lahat sila. Tapos, yung Senate natin ang counterpart. Yung labor naka-under siya kay Senator Joel Villanueva. Pero yung committee na puwedeng mag-support, yung nag-file ng counterpart bill is Senator Bong [Revilla]. So, sana ma-push.”
FILM AMBASSADORS' NIGHT 2022
Samantala, kumpirmado na ang pagdating sa Film Ambassadors’ Night 2022 ng mga bibigyan ng mataas na parangal. Kabilang dito sina John Arcilla, na napili bilang Camera Obscura Artistic Excellence awardee, at ang recipients ng Gabay ng Industrya na sina Rosa Rosal (Ilaw ng Industriya) at Jesse Ejercito (Haligi ng Industrya).
Ang taunang Film Ambassadors' Night, sa pakikipagtulungan ng National Commission for the Culture and the Arts (NCAA) ay isang gabi ng pagtitipon at pagdiriwang ng mga film workers at artists simula pa noong pasinaya nito noong 2016.
Dahil sa pandemya, ginawang virtual ang pagtitipon noong nakaraang taon.
Ang selebrasyon ngayong taon ay nagbabalik bilang isang eksklusibong face-to-face event para sa mga honorees sa darating na Pebrero 27, Linggo. Gaganapin ito sa ipinagmamalaking arkitektural at kultural na pamanang-bayan, ang Manila Metropolitan Theater.
“The 6th Film Ambassadors’ Night is so very special because all these achievements have been done even through the burden of a global pandemic. This is an indomitable spirit of resilience, confidence and ingenuity that made this all happen and we proudly acknowledge and honor these through this event,” pahayag pa ni Chair Liza.
