Ayaw pa ni Kathryna Yu Pimentel — maybahay ni Senator Aqulino “Koko” Pimentel III — na masundan ang anak niyang si Helena na iniluwal niya noong Marso 29, 2020 sa Chinese General Hospital.
“Kasi, medyo na-trauma rin ako noon. Talagang ayoko munang ulitin,” pag-amin ni Kath nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Pebrero 15, Martes ng hapon, sa SuperSam restaurant, Quezon City.
“I’m just very grateful na buhay ako ngayon. Kasi, yung nangyari talaga is… I thought mamamatay na talaga ako nung time na iyon.
“At nagbilin na nga ako kay Senator, sabi ko, ‘Pag namatay ako, alagaan mo yung baby, ha? If you need to choose between me and the baby, bigyan mo ng chance yung baby.’
“Kasi, at least, yung baby… nangyari na talaga ‘to!”
Ano ba talaga ang nangyari kaya nagkaproblema sa unang ospital na pinagdalhan sa kanya?
Tugon ni Kath, “At the time, hindi naman nila alam kung papaano mag-handle ng COVID-positive na manganganak na nanay.
“So, yun… huwag na lang nating pag-usapan. Anyway, I’m alive and I’m grateful sa doctors na tumulong sa akin sa Chinese Gen.”
Matatandaang may COVID-19 noon sina Kath at Senator Koko, at nagkaproblema sa unang ospital na pinagdalhan kay Kath.
Personal na dinala ng senador noong March 24, 2020 sa Makati Medical Center (MMC) ang misis niyang si Kathryna dahil manganganak ito.
Kinagabihan ng March 24, nalaman ni Senator Koko na nagpositibo siya sa COVID-19.
Dahil dito, pinutakti ng batikos, mura, at insulto si Senator Koko mula sa publiko.
Sobrang hirap daw ang pinagdaanan ni Kath noon.
“Kasi siyempre, ang visualization mo, wala pang pandemic — pag nanganak ka, nasa room ka, tapos may balloons,” salaysay niya.
“Talagang totally… 180 degrees, iba talaga yung nangyari sa ‘kin. Nasa COVID section ako. Bawal ako manganak na may family.
“Talagang ako lang mag-isa. So, ako rin lang talagang nag-recover mag-isa.
“And the baby was separated from me for forty [40] days. Hindi ko nakita. So, nung umiyak lang siya, happy na ako na buhay ang baby ko.”
SAFE DELIVERY DESPITE BEING COVID-POSITIVE
Hindi na nakapagbasa si Kath ng mga reaksiyon noon sa social media dahil mataas ang kanyang blood pressure.
“Hindi na bumababa yung blood pressure ko, 190/150 ang blood pressure ko noon,” pagbuntong-hininga ni Kath.
“Muntik na… Kaya sabi ko, pag may mangyari sa akin, yung baby ang unahin.”
Kailan niya natantong makakaligtas pareho sila ng kanyang baby?
Napangiti si Kath, “Nung nailabas ko na siya, narinig ko na siyang umiyak, at nung humihinga pa ako.
“Sabi ko… sabi ko, ‘Buhay pa ako! Puwede pa ‘to! Sana, tuluy-tuloy lang ang recovery!’ Kasi, CS yun, e.
“And hindi siya normal na CS delivery, kasi may N95 ka. Tapos, nung time na yun, may cylinder yun, e, habang inooperahan ka.
“Tapos, naka-PPE, naka-gloves din ako. Talagang balot na balot ka.”
Tatlong araw pagkapanganak ay lumabas na ng ospital si Kath. Sino ang nag-alaga sa baby niya?
“Kinuha siya ng mommy ko. Less than 44 hours, sabi ng doktor sa mom ko, ‘Kunin niyo na, kasi negative naman sa COVID.’
“So, swinab siya, newborn. So, nung negative siya, sabi, ‘Kunin niyo na po, para hindi na ma-expose sa ospital.’
“E, timing, yung sister ko, kakapanganak lang din, so humingi kami ng breast milk sa sister ko.”
BREAST MILK FROM A COVID SURVIVOR
One year and ten months old na si Helena. Mukhang malusog at masigla ito, base sa mga litratong ipinakita ni Kath. Na-breastfeed niya ito for one year and six months.
Kuwento pa ni Kath, maganda para sa mga bata ang gatas ng ina na COVID-survivor. May natural antibodies.
Nag-share si Kath ng breast milk niya para sa babies ng ibang nanay, hanggang meron pang gatas sa kanyang dibdib. Sa ngayon ay wala na raw siyang breast milk.
Si Kath ang first nominee ng party-list na PDP Cares.
Wala raw iyong kinalaman sa political party ng PDP-Laban. Ang ibig sabihin ng PDP sa PDP Cares ay “Pilipino Dapat Paglingkuran.”
Nag-umpisa raw ang PDP Cares bilang isang foundation noong 2017 na tumulong sa survivors ng Marawi siege.
Nilinaw ni Kath na manalo man o matalo sa eleksyon ang party-list na PDP Cares, tuloy ang pagtulong ng kanilang foundation sa mga nangangailangan. Kaya sila nahikayat na sumubok mag-partylist ay mas magiging malawak ang sakop at kakayahan ng kanilang pagtulong sakaling manalo ang PDP Cares.
REALIZATIONS
Malaki ang realization ni Ate Kath sa pagsubok na pinagdaanan niya noon bilang COVID-positive expectant mother.
“Ang life natin is pwedeng kunin sa atin anytime. So we have to make the most of it and, as much as possible, tumulong tayo sa tao,” lahad niya.
“Kaya kung tumutulong yung PDP Cares before, parang dinoble namin. Lalo na nung pandemic, hindi kami nawala sa picture.
“Kasi, andaming naghirap, nawalan ng work, e. So, sabi ko, ‘Aanhin mo ang sobrang dami mong pera? Hindi mo naman madadala kung namatay ako that moment. Wala kang bitbit, e.’
“So, itulong na lang natin sa talagang nangangailangan. So, yun ang self-realization ko na sobra.
“And yun nga, sabi ko, naramdaman ko talaga mismo kung ano yung panganganak sa pandemic.
“Ang most na biktima or vulnerable, e, nanay, unborn child, saka babies. So, kailangan, magdagdag tayo ng law na kapag nangyari yung pandemic, gawin nating stronger yung rights ng mga nanay at unborn child.
“Dapat, mas ready ang healthcare system natin on how to handle COVID-positive mothers, or yung mga COVID-positive babies.
“At the same time, dapat meron ding proteksyon yung mga doctors and nurses para ma-handle din nang maayos yung mga manganganak.
“Ang sabi ko rin, sana, huwag pilitin yung mga buntis na mag-vaccine. Kasi, marami rin sa research na na nalalaglag yung bata. So, sana, huwag nilang pilitin.”
Naniniwala ba siya na COVID-19 is here to stay? Magtatagal pa bago tuluyang mawala ang pandemya?
“Sa tingin ko po, para siyang yung nangyaring pandemic before, yung Spanish flu,” saad ni Kath.
“Siguro, it will take ten years. It will stay, pero it depends na lang on how we handle it.
“Kaya dapat po sana, magkaroon tayo ng mga leaders na talagang ready and tututok on how we can all overcome the COVID pandemic and make it part of our normal lives.
“Kasi, andaming nawawalan ng trabaho, e. E, kailangan nating ibalik yung economy natin on track para mas maraming trabaho pa rin at hindi magutom yung mga tao.”
