Unang naibahagi ng GMA News reporter na si Susan Enriquez sa isang Facebook post noong November 13, 2021 ang tungkol sa kanyang farm sa Mahabang Kahoy Cerca, Indang, Cavite.
Dito siya namamalagi tuwing weekend.
Ang property ay nabili ni Susan noong 2017 kabahagi ang mga kapwa mamamahayag na sina Mark Salazar, Atom Araullo, Branden Milla, at Alex Baltazar.
Hinati nila ito sa pare-parehong sukat, at may kanya-kanya silang titulo.

Kuwento ni Susan, nang pumutok ang pandemya noong 2020 ay nagpatayo sila ng kanya-kanyang bahay-kubo, treehouse, at greenhouse.
Nagtanim din sila ng mga puno at gulay.
Sa isang bahagi ng property ay nag-alaga rin sila ng mga manok at pabo.
Ayon kay Susan, ang kanyang investment ay extension ng kanyang nakamulatang buhay noong bata pa siya.
“I love farming. Kinagisnan ko, mga magsasaka. I remember when I was a kid, kinakain ko ang bagong pitas na kamatis. Puro gulay at prutas ang madalas kong kainin.
“Kaya siguro farming talaga ang gusto kong i-pursue. Kasi parang may inner peace pag nature ang kasama mo. Huni ng ibon sa gabi hanggang umaga. Siyempre fresh air, no pollution. No traffic.”

Last year, nagdesisyon si Susan na magpatayo ng resort sa isang bahagi ng kanyang property para sa dagdag na kita.
Tinawag niya itong Balustre Cerca.
Pagbabahagi niya, “We coined the name Balustre mula sa mga unang structure sa property na kubo na gawa sa kawayan. Lagi naming pinapalagyan ng balustre.
“'Tapos gusto namin na ang pangalan ng lugar ay tunog Pinoy, tunog farm.”
Kuwento pa niya, “Dapat kasi for farming lang. Kaya lang yung malaking part ng property, adobe ang lupa. Hindi makabuhay ng gulay.
“So ang ginawa ko, yung may adobe, tinayuan ng structure. Yung magandang lupa for planting, tinaniman namin ng mga gulay at prutas.”

Ang resort ay kayang mag-accommodate ng hanggang 100 bisita.
Mayroon itong apat na A-frame air-conditioned cabins, isang swimming pool, pavilion, outdoor kitchen, at parking area.

Magandang venue ito para sa kasal, parties, reunions, birthday celebrations, at team-building activities and seminars dahil sa malawak na espasyo at garden.
Ayon kay Susan ay pinuproseso pa nila kung magkano ang rates sa accommodations para sa overnight guests at group functions.
Target niyang i-open ang Balustre Cerca sa publiko ngayong December 2022.