Kasalukuyang dumaranas ang mga Pilipino ng isa sa pinakamabigat na krisis sa enerhiya.
Noong Marso 25, 2026, isinailalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa “national energy emergency” ang bansa bilang tugon sa tumitinding problema sa supply at presyo ng kuryente.
Hindi lamang Pilipinas ang apektado. Buong mundo ang tinamaan ng nagpapatuloy na tensiyon sa Middle East—partikular ang giyerang sinimulan ng U.S. at Israel laban sa Iran noong Pebrero 2026.
Ang nasabing conflict ang pangunahing dahilan ng pagkaantala sa pandaigdigang supply ng langis at gas, lalo na nang isara ng Iran ang Strait of Hormuz, isang kritikal na daluyan ng kalakalan kung saan dumaraan ang humigit-kumulang 20 porsiyento ng kabuuang oil supply ng mundo.
At bukod sa pagtaas ng presyo ng petrolyo ay inaasahang tataas din ang electric bill ng mga Pilipino dahil sa mainit na panahon.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN, ang electricity demand sa Pilipinas ay tumataas ng hanggang 33% tuwing tag-init, kasabay ng peak usage ng cooling appliances.
Kaya naman, kanya-kanyang diskarte ang mga Pilipino kung paano makakatipid sa kuryente.
Bakit Mas Mataas ang Konsumo Kapag NAKATODO ANG AIRCON O ELECTRIC FAN?
Isa sa mga madalas itanong: Tumataas rin ba ang konsumo ng kuryente kapag nasa pinakamalakas na setting ang electric fan o kapag ang aircon (AC) ay naka-set sa pinakamalamig na temperatura?
Ang sagot: Oo, mas maraming kuryente ang nakokonsumo.
Isa sa dahilan: Ang compressor ng aircon.
Aminin, madalas sa mga Pilipino ay ito ang default setting.
Pero, kapag binuksan ang aircon nang naka-set sa pinakamababang temperatura, hindi agad lalamig ng kuwarto.
Sa halip, mas mahaba ang oras ng pagtakbo ng compressor dahil naka-full load at nahihirapang mag-adjust sa room temperature na mas mainit tuwing summer.
Ayon sa isang article na naka-publish sa official website ng Meralco, bawat 1°C na ibinababa mula sa recommended setting ay maaaring magpataas ng konsumo ng kuryente ng humigit-kumulang 5–7%.
Kaya 25°C setting for aircon units ang recommended ng Department of Energy (DOE).

Kahit inverter aircon pa ang gamit, mas malaki pa rin ang energy usage kapag sobrang baba ng setting dahil pa rin sa mas matagal na pagtakbo ng compressor.
Mas mataas din ang konsumo ng kuryente kapag naka-highest speed ang electric fan kumpara sa low o medium setting.
Mas nagtatrabaho kasi ang motor nito upang mas pabilisin ang ikot ng mga blades.

Pero mababa lang talaga ang wattage ng electric fan—karaniwan ay nasa 50 hanggang 100 watts lamang.
Kaya kahit todo ang fan, may kaunting dagdag lamang ito sa konsumo ng kuryente kumpara sa konsumo ng aircon.
MGA TIPS PARA MAKATIPID SA KONSUMO NG KURYENTE PAGDATING SA Aircon O ELECTRIC FAN
Para manatiling presko kahit tumataas ang singil sa kuryente, narito ang ilang practical tips:
Itakda ang Aircon sa 24–26°C
Ang 24–26°C ang itinuturing na ideal temperature setting para sa klima ng Pilipinas. Iyan dapat ang default setting.
Huwag kalimutang piliin ang "AUTO" sa mode.
Gamitin ang Electric Fan sa Low o Medium Speed
Kapag malamig na ang kuwarto, sapat ang low o medium fan speed para mapanatili ang maayos na airflow. Mas tipid ito sa kuryente kumpara sa palaging naka-high.
Gamitin nang Tama ang Aircon at Electric Fan
Posible ring makatipid kapag sabay na ginamit ang aircon at electric fan dahil:
- Mas mabilis maikalat ang malamig na hangin sa buong kuwarto
- Maiiwasan ang “warm spots”
- Makakalikha ng wind chill effect na mas nagpapalamig sa pakiramdam
Dahil dito, hindi todo ang takbo ng compressor.
Regular na Linisin ang Aircon
Siguraduhing malinis ang aircon filter dahil kapag marumi ito ay makakaapekto sa buga ng lamig.
Pumili ng Tamang Laki ng Aircon
Ang maling sukat ay magdudulot ng mas malaking konsumo. Halimbawa, ang 1 HP na aircon ay angkop para sa 18–22-square-meter room.
Kapag ginamit ito para sa mas malaking room, mahihirapan ang compressor na palamigin ang buong lugar.
MAG-INVEST SA Inverter Aircon
Bagama’t mas mataas ang initial cost, ang inverter aircon ay mas matipid sa konsumo sa pangmatagalan at pang-araw-araw na paggamit.
Read: Why an aircon upgrade could lower electricity bill
Paalala: Ang aktuwal na matitipid ay nakadepende sa modelo ng aircon at electric fan, laki ng kuwarto, insulation, at oras ng paggamit.
Subukan ang ideal settings at obserbahan ang pagbabago sa iyong Meralco bill—doon mo makikita ang tunay na epekto ng tamang paggamit.
READ MORE:
