Kailangan ba talagang magpa-feng shui kapag nagpapatayo ng bahay?
Pinag-aaralan din ba ng mga arkitekto ang feng shui?
Ilan lamang ito sa mga tanong na sinagot ng isang professional architect kaugnay ng feng shui—isang 3,000-year-old belief na nagmula sa China.
Isinasaalang-alang nito ang posisyon ng mga bagay, tulad ng living spaces, para raw lumikha ng balance.
Sa madaling sabi, ang feng shui ay pinaniniwalaan ng iba para maitaboy ang malas at maimbita ang suwerte sa mga tahanan, offices, at iba pang establishments.
Sabi ng registered architect turned influencer na si Ed Ramos, marami sa mga nagpapagawa ng bahay ay naniniwala sa feng shui.
Pero giit niya, ito ay religious at cultural belief at hindi scientific.
“Naniniwala sila na ang mga elemento ng universe ay nagkakakone-konekta para ang suwerte at ang malas ay mangyari sa buhay natin,” ani Ramos sa isang vlog noong December 4, 2024.
Sundot ng arkitekto, “Karamihan ng mga client ngayon, kino-consider nila yung feng shui sa kanilang mga pinagagawa.”
Read: How to make your house anay-free and rodent-free

ARCHITECTS ON FENG SHUI
May mga paglilinaw na ibinahagi si Ramos tungkol sa licensed architects at feng shui.
Aniya, “Ang mga arkitekto ba pinag-aralan ba namin iyan? Hindi. Wala kaming subject na feng shui.
“Nasa amin na iyan kung gusto naming mag-branch out yung aming knowledge sa pag-a-arrange ng mga space… ipagkatiwala namin sa kung saan nakaharap ang araw, saan may tubig saan, ang hangin...”
Hindi pinagbabawalan ang mga kliyenteng kumonsulta sa feng shui experts pag magpapagawa ng bahay.
Pagkatapos ng konsultasyon, ini-incorporate ng architects sa kanilang house designs ang ginawang konsultasyon sa feng shui expert.
Read: How architects deal with clients who believe in feng shui
Sa kabila nito, sinabi ni Ramos na ang feng shui ay nakakaapekto—good or bad—sa ilang practical advice sa pagpapatayo ng bahay.
“Yung mga elemento na’ iyan sa Science, e, nakakaapekto sa design,” sabi ni Ramos na aminadong hindi naniniwala sa feng shui kundi sa scientific approach.
“Kung titingnan mo rin kung saan yung lubugan ng araw, kung saan sumisikat, saan ang pasok ng hangin, e, mapapaganda yung design mo. So ngayon, pinagsama na lang [sa design].”
Pagpapatuloy niya, “Sabi nila praktikal naman daw [ang feng shui]. Although, tama, may mga ilang bagay sa feng shui when it comes to design and space planning na masasabi nating praktikal, pero hindi lahat…
“Halimbawa, yun daw hagdanan kapag nakatapat sa pintuhan malas daw. Kasi pagkababa ng suwerte, diretso sa pinto palabas.
“Ang totoo sa accessibility maganda iyon, ano. Kasi yung mga access palabas ay magkakatapat, lalo na pag may sunog, maganda iyon.
“Pero sa feng shui, hindi dapat. Medyo paliko-liko nang konti… So may iba na medyo tagilid yung pangangatwiran, pero sabi nung iba, marami naman daw na feng shui theories na praktikal, so nasa iyo iyon.”

ARCHITECTURE AND FENG SHUI
Sa huli, ang punto ni Ramos, masusunod pa rin ang kanilang kliyente kung maniniwala sila sa feng shui o hindi pagdating sa pagpapatayo ng bahay.
“Kung gusto mong magbasa-basa bago ka pumunta sa arkitekto, basa-basa ka muna ng feng shui… Kung gusto mong ipasok yung feng shui sa design ng bahay mo o kaya pumunta ka sa feng shui experts…
“Basta kaming mga architects hindi kami feng shui experts. Hindi iyan kasama sa aming pinag-aralan.”
Pagtatapos ni Ramos ukol sa paksang ito, “Mas maganda na mag-base tayo ng pagpaplano ng ating buhay hindi sa kung saan nakaharap yung araw, hindi kung saan lulubog ang araw, kundi sa sipag mo at sa Diyos, di ba?”
