Pinag-uusapan at nagte-trending ang TikTok videos ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas kung saan madalas ay nakasuot siya ng swimsuit.
Kitang-kita sa videos niya na slim and sexy ngayon si Ai-Ai.
Habang nagkukuwento kung paano siya pumayat, isiniwalat ng Kapuso star na allergic pala siya sa staple food ng Pilipinas, ang kanin.
“Six years na kasi akong organic,” banggit ni Ai-Ai nang makausap ng entertainment press sa online mediacon ng bago niyang Kapuso drama series na Raising Mamay.
Kumakain daw siya ng karne pero karne lamang ng manok.
“Tsaka hindi ako nagpiprito, puro nilaga, baked, ganyan."
At dito na niya ibinunyag na kabilang siya sa iilang tao sa mundo na allergic sa kanin.
Ani Ai-Ai, "'Tapos no rice, kasi allergic ako sa rice.
“Tapos gluten-free, no preservative, no dairy, ganun, iyon yung buhay ko.”
May tao palang allergic sa kanin?
“Kaya nga! Naku, iyan ang parati kong sinasabi sa sarili ko at saka pag kinukuwento ko.
“Sabi ko, ‘Dyusko, may tao palang allergic sa rice?!’ At isa ako dun!
“Alam mo ba kung saan pa ako allergic? Eto pa nga ang nakakatawa, di ba? Minsan pag hindi ka makakain ng rice, kung wala kayong rice, di ba minsan mais ang kinakain niyo?
“Mas allergic ako sa mais,” pagbubunyag pa ni Ai-Ai.
Dagda niya, “Ninety-eight percent sa corn allergic ako, ninety-six sa rice.
“Buong katawan ko talaga mangangati kapag nagra-rice o nagko-corn ako.”
Hindi ba mahirap para sa isang Pinoy na kagaya niyang magka-allergy sa isa sa mga staple food natin?
“Kaya nga, nakakaloka talaga!” bulalas ng Comedy Queen.
Ang hirap pa namang kumain kapag walang kanin.
“Mahirap talaga! Paano mo kakainin ang kare-kare tsaka sinigang na walang rice?” aniya.
Pero sa kabilang banda, nakatulong ito para pumayat at sumeksi si Ai-Ai.
“Oo, meron din naman, at saka hindi lang physically, yung health ko, health-wise, kasi dati may asthma ako, may vertigo ako, parang lahat na in-acquire ko na.
“Ngayon, lahat yun wala na.
“Psoriasis, dati todo, ngayon wala na rin. Hindi walang-wala pero medyo konti na lang.”
Magsisimulang umere ang Raising Mamay sa GMA Afternoon Prime ngayong Lunes, April 25, 2022.
