Isang pinsan ng kilalang senador ang lumapit sa may-ari ng Morning Sun Eatery na si Elizabeth Mortera, at nag-alok na ipagpapatayo siya ng sangay ng kanyang kainan sa Bulacan.
Pero tinanggihan ito ni Mortera.
Ang Morning Sun Eatery ang karinderya sa Project 4, Quezon City, na ginawaran ng Michelin Guide Philippines ng karangalan na Bib Gourmand dahil sa masasarap at abot-kayang presyo ng mga pagkain.
Read: Morning Sun Eatery owners, hindi pamilyar sa Michelin Guide
Ikinuwento ni Mortera sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang tungkol sa pinsan ng senador na kumukumbinsi sa kanyang magbukas ng sangay sa Bulacan, bago pa man pinagkalooban ng Bib Gourmand ng Michelin Guide Philippines ang karinderya niya.
“Nagpupunta rito yung pinsan ng isang senador. Pumupunta po sila dito ng mga kasama niya para kumain.
“Binibigyan nga po niya kami ng puwesto sa Bulacan, meron daw siya. Sabi ko, ‘Sir, hindi na nga namin maasikaso dito,’" lahad niya.
THE RISE OF MORNING SUN EATERY
Napaiyak si Mortera nang makita niya ang mahabang pila ng mga kostumer ng Morning Sun Eatery ilang oras matapos ilabas ng Michelin Guide Philippines ang listahan ng mga restawran na binigyan ng Bib Gourmand.
“Napaiyak ako dahil nagpapasalamat ako kay Lord, lalung-lalo na po sa media na gumagabay sa amin.
“Hanggang ngayon kailangan pa rin namin [kumita] dahil ang mga apo ko... Tapos nang mag-aral yung mga anak ko, mga apo ko naman,” nangingilid ang luhang pahayag ng 66-anyos na ginang.
Binuksan ni Mortera ang Morning Sun Eatery noong Nobyembre 1996.
Thirty-seven years old si Mortera nang buksan nito ang karinderya.
Binigyan niya ito ng pangalang Morning Sun dahil sa bukang-liwayway na kanyang nasaksihan.
Lahad niya: “Nung kinuha namin itong puwesto, napatayo ako sa harap. Nakita ko yung bukang-liwayway. Sabi ko, ‘Ah, ang ipapangalan ko sa puwesto ko, Morning Sun.’”
Nabiyuda si Morte sa asawa noong 2020.
Read: Filipino-owned restaurants in U.S. get prestigious Michelin stars

THE SPECIALTIES OF MORNING SUN EATERY
Hindi raw alam ni Mortera na may Michelin inspector na nagsadya sa kanyang karinderya para tikman ang mga pagkaing itinitinda niya tulad ng dinakdakan, kilawin, at ang pork barbecue nila na dinarayo ng mga tao.
“Ang specialty po namin, pork barbecue. The best talaga, saka dinakdakan at kilawin.
“Araw-araw, thirty kilos ng pork barbecue ang nabebenta namin,” pagmamalaki ni Mortera.
Ano ang sikreto nila sa pag-iihaw ng pork barbecue?
"Siguro po sa pagmemekus-mekus ko. Magaling akong mag-mekus,” sagot ni Mortera, habang ipinapakita ang paghahalo ng kanyang mga kamay sa karne ng baboy na nakalagay sa malaking palanggana.

Natuto raw si Mortera na magluto dahil sa mga cookbook na ibinigay at ipinabasa sa kanya ng pinsan niya.
“Sabi ng pinsan ko, 'Ayan ang cookbook. Magluto ka.’ Dun na ako nag-experiment.
"Alam naman ninyo sa probinsiya, dati mga diningding at prito-prito lang ang mga niluluto ko," sabi ng karinderya owner.
Dahil sa popularidad na tinatamasa ngayon ng Morning Sun Eatery, magdadagdag na raw si Mortera ng mga tauhan para mapagsilbihan nang maayos ang dumaraming bilang ng kanilang mga kostumer.
Nangako siyang ipagpapatuloy ang pagbibigay ng magandang serbisyo sa lahat ng mga kumakain sa kanilang karinderya.
“Ang No. 1 pa rin sa amin, malinis yung ipinapakain namin sa mga tao. Mabait po kami sa kostumer lalung-lalo na sa mga nagpupunta sa amin,” sabi ni Mortera, na hindi makapaniwala sa biglang pagbabago ng takbo ng buhay nila ng kanyang pamilya dahil sa Bib Gourmand na iginawad ng Michelin Guide Philippines sa kanilang karinderya.