Payag ka ba na sinigang ang gawing pambansang pagkain at hindi ang adobo?
Para raw kasi sa marami, kabilang na ang ilang Filipino food experts, mas sinasalamin ng sinigang ang kulturang Pilipino.
At ang mga sangkap nito, tipikal na nakukuha sa kapaligiran.
Ang pinakamahigpit na katunggali ng sinigang ay ang adobo, gayundin ang kare-kare at lechon.
Karamihan sa mga ito ay naituro noon sa elementarya bilang national symbols.
Pero wala pa palang idinideklarang opisyal na pambansang pagkain.
So far, ang mga official national symbols ay ang sumusunod:
- Narra (pambansang puno)
- Sampaguita (pambansang bulaklak)
- Philippine Eagle (pambansang ibon)
- Perlas (pambansang hiyas)
- Arnis (pambansang laro)
- Lupang Hinirang (pambansang awit)
- Philippine flag (pambansang sagisag)
Read: Pambansang sayaw, hayop, bayani, at iba pa: hindi pa opisyal
SINIGANG NOT AN INFLUENCE OF SPANIARDS
May isa pang malaking factor kung bakit sikat na contender ang sinigang para maging national dish ng Pilipinas.
Nag-e-exist na kasi ito bago pa man dumating ang mga Kastila sa bansa.
“Sinigang is culturally Tagalog in origin,” sabi ng Filipino genealogist at content creator na si Mona Magno-Veluz, a.k.a. Mighty Magulang, sa ginawa niyang TikTok video recently.
Ipinaliwanag niya rin na ang sinigang ay hango sa salitang "sigang," na "to stew" ang ibig sabihin sa Ingles.
Binanggit din ni Mighty Magulang ang early Tagalog dictionary na Vocabulario de la Lengua Tagala, na inilathala ng Jesuit priest na si Juan de Noceda noong 1754.
Nakasulat ito sa wikang Espanyol at binigyang kahulugan ang tatlong salitang may kaugnayan sa sinigang.
- Ang "Sigang” ay nangangahulugang “to cook meat” o “to stew in a pan.”
- Ang "Sinigang" ay tawag sa nilutong karne at isda; puwede ring tumukoy sa nilutong gulay at iba pang pagkain.
- Ang "Sigangan" ay ang stove kung saan niluluto ang sinigang.
Sa dictionary na ito, hindi binanggit ang pampaasim na siyang main ingredient ng sinigan.
Pero ayon sa article ng writer na si Noel Galon de Leon, ang dish ay resulta ng pinagsama-samang kultura.
“Historically, sinigang predates colonization. Sour broths existed long before the Spanish conquest, shaped by Malay trade and Chinese techniques, then gently touched by Spanish influence.”
Ang artikulo ni De Leon ay may titulong, “The real national dish isn’t what you think,” na inilathala sa dailyguardian.com.ph nitong September 10, 2025.
Sa article, lumalabas na maraming Pilipino at experts sa food industry ang mas pinipili ang sinigang na maging national dish.
Sa tabloid column ng food historian na si Ige Ramos noong January 18, 2009, tinanong niya kung ano ang dapat maging national dish: adobo o kare-kare?”
Nag-react dito si Doreen Fernandez, kilalang Filipino writer, teacher, cultural historian, food critic, at scholar.
Wala raw sa adobo at kare-kare ang choice. Dapat daw ay sinigang dahil kuha raw nito ang panlasang Pinoy.
DIFFERENT VERSIONS OF SINIGANG
Simple ang sinigang recipe: sabawan ang karne gamit ang pampaasim.
Ang baka, baboy, isda, at hipon ang mga pangunahing karne na ginagamit sa pagluluto.
Sa pampaasim, ang pinakakaraniwan ay ang sampaloc.
Pero iba-iba ang sangkap na ginagamit depende sa rehiyon.
Sa Central Visayas, ang sinabawang isda ay ginagamitan ng kamias o hilaw na mangga bilang pampaasim. Ang tawag nila sa dish ay linarang.
Sa Central Luzon, partikular sa mga Kapampangan, ang bangus ay sinasabawan ng bayabas.
Sa mga taga-Iloilo at Bacolod, ang ginagamit na pampaasim ay batuan. Kansi at KBL ang tawag sa version na ito.

Sa katutubong Aeta, ang ginagamit bilang pampaasim ay patani at dahon ng alibangbang. "Bule" ang tawag nila rito.
Ang iba pang alternatibong pampaasim bukod sa sampaloc ay ang dahon nito, puwede ring kalamansi, santol, pinya, balimbing, katmon, at libas, ani Mighty Magulang.

Maaaring hati ang publiko kung ano ang mas nararapat na tawaging national dish: adobo ba o sinigang ?
Pero iisa ang tiyak, ang mga pagkaing ito ay bahagi na ng kulturang Pinoy.
At saan man mapunta ang mga Pilipino ay hinahanap-hanap ang sarap nito.
Read: The story of pan de regla and its other shocking names
