Sustainable living ang ipino-promote ni Benson Dulos, isang Pilipino na citizen na rin sa Finland.
Pangungubat at pagtatanim ng halaman ang food source ng international marketer na 14 years nang naninirahan sa siyudad ng Oulu.
Naitampok siya sa online media ng iba’t ibang bansa, kabilang dito ang longest-running gardening show ng Britain na BBC Gardeners World.
Sa episode na ipinalabas noong December 2020, ibinahagi ni Benson ang pagtatanim niya ng mga halamang namumunga sa kanyang balcony.
Naitampok si Ben sa BB Gardeners World noong December 2020
Samantala, ang kanyang YouTube channel na Pinilakang Lakbay ay may 354,000 subscribers.
Karamihan sa mga vlogs ay tungkol sa kanyang food adventures, at isa rito ay ipinakita ang pagpasok niya sa gubat, kung saan nakahanap siya ng malalaking mushrooms pati na rin blue at red berries.
“Nagulat po kami, mga berry, nakita ko po yung mga mushrooms anlalaki at napakasarap. Napakalinis ng gubat.
“Pag summer at taglagas o falls, naiipon ko po yung mga ibang inani, yung mga root crops," kuwento ni Benson sa Dapat Alam Mo! noong March 2022.
“Yung iba po, ginagawa ko pong preserves. Yung iba, green, leafy vegetables, nakakabenta po ako. Naka-save po ako ng mga pera."
Mga malalaking mushrooms ang nakikita ni Ben Dulos kapag nangungubat sa Finland.

Hindi lang siya sa gubat nakakakuha ng pagkain dahil nagtatanim rin siya sa iba't ibang lugar sa kanyang bahay, gaya ng hardin, balcony, at mga paso.
“Darating po ang spring nagpapatubo na po ako sa loob ng bahay, at pagdating po ng summer talagang malagong-malago na po yung tanim ko.
“Lahat po talaga ng posibleng Asian vegetables na itinatanim ko.”
Laking tipid na sa bakuran niya mismo galing ang mga gulay. Pero bago magtanim si Benson, nagri-research muna siya at pinag-aaralan ang tamang pag-aalaga at pagpapalago.
“Nakita ko po yung presyo ng mga gulay na galing po, halimbawa sa Asian countries, napakamahal po talaga.”
Dugtong ni Benson, “Sa totoo lang po, ang sustainable living, napakaganda po na ipraktis ng bawat Pilipino.”
Bukod sa may sariling pagkain na, makatitiyak pang ligtas at malinis ito dahil sariling ani.
Sa kabilang banda, batay sa kanyang social media posts ay umuwi muna sa Pilipinas si Benson nito lamang Abril.
Pero patuloy pa rin siyang nagtatanim sa gilid ng kanilang bahay.
Patuloy rin siyang naglalabas ng vlogs tungkol sa kanyang mga food adventures sa bansa.
