Tag-init na sa Pilipinas!
Opisyal itong idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong March 16, 2022.
At isa sa epekto ng mainit na panahon ay ang pagtaas ng bilang ng mga bumibili at kumakain ng halo-halo, isa sa mga popular na malamig na panghimagas ng mga Pilipino.
Ayon sa kasaysayan, ang mga Hapones na dumating sa Pilipinas noong 1920 ang nagdala sa ating bansa ng halo-halo, na hindi nalalayo sa Japanese shaved-ice dessert na tinatawag nilang Kakigori.
Nagsimulang ibenta ito sa palengke ng Quinta sa Quiapo, Maynila.
At matapos ang mahigit isang siglo, nagkaroon na ng maraming uri at flavors ang halo-halo.
Alam niyo ba na isang klase ay may 24 karat gold?
Specialty ito ng Bebang HaloHalo na pag-aari ng 37-year-old businesswoman na si Daymae "Mae" Salumbides.

Ang tawag rito ay Royal halo-halo at mala-ginto rin ang presyo: PHP498.00.
Pero kahit ito pa ay "luxury" halo-halo, tila hindi ito alintana ang mga customers.
Mahilig talaga ang Pinoy sa halo-halo dahil, ayon kay Mae, umaabot sa 400 glasses kada araw ang kanilang benta through online orders. Ibig sabihin nito, on a good day, ay kayang kumita ang halo-halo business ni Mae ng at least 51,000 pesos kahit pa yung pinakamurang flavor worth PHP128 ang bilhin.
SAAN GALING ANG IDEYA NG HALO-HALO NA MAY GOLD?
Sampung taon na nagtrabaho si Mae bilang sales executive sa Dubai, at ang mga karanasan niya sa naturang bansa ang naging inspirasyon para buksan noong August 2021 ang negosyong ipinangalan sa kanyang lola na namayapa na.
"I used to work in Dubai. You know naman Dubai, di ba sila po yung may kauna-unahan na seven-star hotel na puro gold? Dun din nagsimula ang mga coffee na ang mamahal na may gold din? Kaya naisip ko ang luxury halo-halo dahil alam ko na kakaiba at wala pang ganito sa Metro Manila.
"Actually, favorite ko rin ang halo-halo ng isang Filipino restaurant, pero na-disappoint ako dahil nag-suffer na ang quality ng produkto nila.
"So pumasok po sa isip ko na gusto ko unique kaya nagkaroon ng kauna-unahang halo-halo sa Pilipinas na 24K gold,” ang kuwento ni Mae nang makausap siya ng Cabinet Files sa telepono nitong Huwebes ng hapon, March 24.
Ayon pa kay Mae, marami sa mga kababayan natin ang nagkaroon ng interes nang makita nila ang larawan ng halo-halo na limited edition, pero hindi pa niya alam kung kailan ihihinto ang nabanggit na produkto.
"Curious yung mga tao. Gusto nila na matikman ang Royal Halo-Halo kasi iba talaga siya sa mga normal namin na halo-halo. Hindi siya matamis dahil may lahi kaming diabetic kaya hindi matamis ang timpla na gusto ko. Hindi talaga ako sweets lover kaya ayoko rin ng sobrang tamis. Nag-work naman siya dahil nagustuhan ng mga tao."
Ano naman ang lasa ng 24K gold?
Nag-order ang writer na ito ng nasabing flavor at may lasa itong marshmallow.
ROYAL HALO-HALO INGREDIENTS
Tungkol sa presyo, inisa-isa ni Mae ang sosyal nitong sangkap: "...may blue berries, strawberries, peach, at mango."
Siyempre, hindi mawawala ang signature ingredients at may bonus pang kasama.
"Dinagdagan din namin ng nata at sago para may signature Pinoy halo-halo pa rin.
"Bale, thirteen ang ingredients niya, and, take note, ang ibinibigay po namin ay gold metal spoon. Hindi kami nagbibigay ng normal plastic spoon.”
Bukod sa Royal halo-halo, mahigit sa sampu ang flavors ng halo-halo na pawang mabebenta at sariling recipe ni Mae tulad ng Halukay Ube, Melon, Buko Pandan, Mango Graham, Mango Classic, Choco Mallows, Cookie Crumble, Icy Coffee at ang Halo-Halo Presidential na wala umanong kinalaman sa magaganap na halalan sa May 9, 2022.
"Matagal na po ang Halo-Halo Presidential. Before pa ng presidential filing of candidacy, meron na kaming Halo-Halo Presidential.
"Dati, special halo-halo lang ang tawag sa kanya, pero pinalitan ko nang mag-upgrade kami ng flavors,” ang paliwanag ni Mae na nagpapasalamat sa mga tumatangkilik sa kanyang mga luxury halo-halo.