Si Paolo Ballesteros ang host ng Drag Race Philippines, ang spin-off ng RuPaul’s Drag Race na sikat na reality-competition series sa Amerika.
Hanggang repost lamang ng pagsisimula ng Drag Race Philippines sa August 17, 2022 sa kanyang social media accounts ang puwedeng gawin ni Paolo dahil hindi pa siya puwedeng magsalita tungkol sa mga detalye ng bagong programa niya.
Natuwa ang netizens sa hitsura at gown na suot ni Paolo sa teaser plug ng Drag Race Philippines dahil alam nilang una pa lamang ito sa mga kakaibang damit na gagamitin at transformation na gagawin niya sa sarili para sa kanyang show.
Ang 27-year-old talented designer na si Job Dacon ang lumikha ng gown ni Paolo para sa teaser plug ng Drag Race Philippines.

Drag Race PH host Paolo Ballesteros and designer Job Dacon
Ang Manila City Hall Tower clock at ang monumento ni Dr. Jose Rizal sa Luneta Park ang ilan sa mga makasaysayang lugar sa Maynila na nakalagay sa damit na ginawa ni Job para kay Paolo.
“The dress had a lot of stages before we achieved the final look,” sabi ni Job sa exclusive interview sa kanya ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ngayong Martes ng tanghali, July 12.
“But pretty much, the dress is done in about two weeks. It’s quite literally, a collective of iconic Manila landmarks.
“Holding both historical value and countless sights, Manila also serves sa our country’s capital which is fitting for Drag Race Philippines host,” pagsasalarawan ni Job sa gown na tumatanggap ng mga papuri at paghanga.

Si Job ay nagmula sa Tanza, Cavite, at nag-aral muna siya ng fashion design sa TESDA.
Nang makaipon ng pera, muling nag-aral si Job sa SoFA.
Dahil likas na mahusay na fashion designer, unti-unting natupad ang kanyang mga pangarap hanggang maipatayo niya sa Pasay City ang sariling shop, ang Atelier Job Dacon.
Isa lamang si Paolo sa mga celebrity client ni Job dahil nabihisan na nito ang ibang mga kilalang personalidad gaya nina Megan Young, Pia Wurtzbach, Beatrice Luigi Gomez, at ang Filipino-American drag queen na si Manila Luzon.
Nakilala si Manila sa international scene nang sumali siya sa third season ng RuPaul’s Drag Race All Stars at nagmarka sa publiko ang White Rabbit gown na ginawa ni Job para sa kanya.
