Muling gumawa ng ingay ang socialite, businesswoman, at reality show superstar na si Kim Kardashian nang dumalo siya sa Met Gala 2022.
Ito ay dahil ang 60-year-old gown ni American icon at sex symbol Marilyn Monroe ang kanyang isinuot.
Ginanap ang Met Gala 2022, na ang theme ay "Gilded Glamour," sa Metropolitan Museum of Art sa New York City nitong Lunes ng gabi, May 2 (Martes ng umaga, May 3, sa Pilipinas).
Ang nude-colored, figure-hugging gown ang isinuot ni Marilyn nang awitan niya ng "Happy Birthday" song si U.S. President John F. Kennedy sa 45th birthday celebration nito sa Madison Square Garden, New York City, noong May 19, 1962.

Ang gown ay mula sa sketch ng fashion designer na si Bob Mackie noong 21 years old ito (83 years old na ngayon si Mackie).
Ayon sa report ng Vogue, US$1,440 ang ibinayad ni Monroe para sa kontrobersiyal na gown na ginamit niya tatlong buwan bago siya natagpuang walang buhay sa kanyang tahanan sa Brentwood, Los Angeles, California noong August 4, 1962.
Unang ibinenta ang gown ni Marilyn noong 1999 sa auction ng Christie’s, ang sikat na auction house sa Amerika.
Noong 2016, muli itong ipinagbili sa halagang $4.8 million sa Julien’s Auctions hanggang makuha ito ng Ripley’s Believe It Or Not Museum.
Hanggang ngayon, ang gown ni Marilyn ang may hawak ng record bilang pinakamahal na damit na ibinenta sa auction o subasta.
Sinabi ni Kim sa panayam ng Vogue na tagahanga siya ng mga subasta at magkakilala sila ng may-ari ng Julien’s dahil sa mga gamit ni President Kennedy na pag-aari niya sa kasalukuyan.
Ang mga tauhan ng Ripley’s ang nakipag-ugnayan kay Kim kaya nagkaroon ng katuparang maisuot niya ang makasaysayang damit ni Marilyn sa Met Gala.
Si Marilyn ang huling nagsuot ng gown na nakalagay sa isang madilim na vault sa Ripley’s na may optimum 68 degrees at 40-50 percent na humidity.

Nagpagawa muna ang Ripley's ng replica ng damit ni Marilyn bago nila ipinahiram ang original gown kay Kim para sa wastong sukat.
Dinala ang original gown sa tahanan ni Kim sa Calabasas, California, sakay ng isang private plane mula sa Orlando, Florida.
Lahad ni Kim sa Vogue interview, “The dress was transported by guards and I had to wear gloves to try it on.
"I always thought she was extremely curvy. I imagined I might be smaller in some places where she was bigger and bigger in places where she was smaller.
"So when it didn’t fit me I wanted to cry because it can’t be altered at all.”
Ilang buwan bago naganap ang Met Gala, dalawa ang desisyong dapat pagpilian ni Kim — ang magpapayat siya para kumasya sa kanya ang gown ni Marilyn o ibang damit ang gagamitin niya para sa malaki at inaabangang okasyon sa Amerika.
“It was this or nothing,” pasya ni Kim, na sineryoso ang pagbabawas ng timbang para magkasya sa kanya ang iconic gown.
“I would wear a sauna suit twice a day, run on the treadmill, completely cut out all sugar and all carbs, and just eat the cleanest veggies and protein.
“I didn’t starve myself, but I was so strict,” ani Kim.
Tuwang-tuwasi Kim at halos maiyak dahil makalipas ang isang buwan, nagpunta siya sa Ripley’s vaults sa Orlando para sa kanyang final fitting at sukat na sukat sa kanya ang damit.
Mapapanood sa video ng pagdalo ni Kim sa Met Gala ang kanyang dahan-dahang paglalakad dahil iningatan niyang mabuti ang makasaysayang gown ni Marilyn na medyo marupok na ang materyal dahil animnapung (60) taon na ang nakalilipas mula nang isuot ito ng pumanaw na sex symbol.
Ilang minuto lamang ginamit ni Kim ang original gown bilang pag-iingat kaya matapos ang mga photo op at paglalakad sa red carpet, nagpalit siya ng replica ng damit na pag-aari rin ng Ripley.
Ikinumpara ng Vogue sa isang highly sophisticated military ang proseso ng pagsusuot ni Kim sa gown ni Marilyn.
Una, umalis si Kim mula sa kanyang tinutuluyang hotel na dressing gown lamang ang suot. May barikada sa labas ng hotel para hindi siya makunan ng litrato o video ng mga nakaabang na paparazzi.
Isang maliit na fitting room sa tabi ng hagdan ng Met Gala ang inilagay dahil dito nagpalit si Kim ng damit ni Marilyn.
Tinulungan siya sa pagbibihis ng isang conservationist ng Ripley’s na may suot na puting guwantes para matiyak na mapangangalagaang mabuti ang iconic gown.
“I’m extremely respectful to the dress and what it means to American history. I would never want to sit in it or eat in it or have any risk of any damage to it and I won’t be wearing the kind of body makeup I usually do,” sabi ni Kim.
Nagpalit agad ng replica dress si Kim nang makaakyat na siya sa hagdan ng Metropolitan Museum of Art.
“Everything had to be specifically timed and I had to practice walking up the stairs,” dagdag na pahayag ni Kim tungkol sa mahirap at mapanghamong proseso na pinagdaanan niya para matupad ang kanyang pangarap maisuot sa Met Gala ang iconic gown ni Marilyn.