PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Jeowy Ompad: Fisherman from Bantayan Island is a bar topnotcher

He graduated cum laude from law school in 2025.
by Bernie V. Franco
Published Jan 14, 2026
Jeowy Ompad bar topnotcher
Jeowy Ompad, 2025 Bar Exam topnotcher: “Ako, laking hirap. Kapag walang makuhang isda, walang makain. Walang pag-aaral. Importante talaga pag pumasok ka sa law school, alamin mo kung ano yung purpose mo."
PHOTO/S: University of San Jose - Recoletos

Mga isda ang nilalambat ni Jeowy Loyloy Ompad noon, pero ang nasungkit niya ay pagiging topnotcher sa 2025 Bar Examinations kamakailan.

Si Jeowy, taga-Bantayan Island, Cebu, ay Top 6 at nakakuha ng 91.25 average score.

Nagtapos siya ng law sa San Jose - Recoletos bilang cum laude noong 2025.

Certified public accountant siya bago nagdesisyong mag-aral ng abogasya.

Pero hindi lang ang pagiging topnotcher sa bar exams ang nakakamangha kay Jeowy.

Ang kanyang journey mula sa pagiging fisherman hanggang sa maging lawyer ay nakabibilib din.

Kahirapan ang naging motivation niya para magpursige.

“Ako, laking hirap. Kapag walang makuhang isda, walang makain. Walang pag-aaral. Importante talaga pag pumasok ka sa law school, alamin mo kung ano yung purpose mo, ano ba yung determination mo,” sabi niya sa Bombo Radyo Naga interview.

“Kasi if that is strong enough kung ano ka talaga, ano gusto mo…you can find ways.”

Gustong matulungan ni Jeowy ang amang mangingisda at mga kababayang mangingisda sa Bantayan Island.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“I joined law school not only for myself but also for the community. Kasi ako, laki akong hirap. laki akong mangingisda.

"Parents ko, mangingisda, saka community ko doon sa Bantayan Island, eighty percent probably of the population there are fishermen.

“I will defend them. I will represent them kung anuman yung kayang magawa ko in whatever capacity I can do para matulungan sila.”

Sinabi ni Jeowy na hindi niya inasahan, pero ipinagdasal niyang maging topnotcher.

“Para at least, ma-share ko yung story ko.

"Ang buhay ko, magiging inspiration sa mga tao, yung mga nangarap, less fortunate na mga tao na nangarap maging abogado na kayang-kaya.

“Na ako, mangingisda ako, puwedeng makapag-aral, puwedeng topnotcher.”

Read: Luke Jickain and Nico Antonio pass the 2025 Bar Examinations

Jeowy Ompad
Jeowy Ompad, Top 6, 2025 Bar Exams: “Na ako, mangingisda ako, puwedeng makapag-aral, puwedeng topnotcher.”
Photo/s: University of San Jose - Recoletos School of Law
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

LIFE IN THE PROVINCE

Hindi biro ang pinagdaanan ni Jeowy.

Katuwang ng kanyang amang si Jose Ompad ang kanyang inang si Breza, gumagawa ng daing.

“Yung buhay po namin, yung makakakain lang po kapag makalaot. Yung kita parang isang araw lang, enough lang para makabili ng bigas,” aniya sa Kapuso Mo, Jessica Soho interview.

Tinutulungan niya noon ang ama sa pagbubuhat at paghahakot ng mga gamit sa pangingisda.

Kuwento ni Jeowy: “Pumapalaot kami ng 5:00 A.M., balik kami 7:00 A.M., ‘tapos nagpi-prepare na ako for school. Mga 7:00 A.M. hanggang hapon, nasa eskwelahan na ako.”

Kinaiinggitan daw niya ang mga kaklaseng maykaya sa buhay dahil may panahon silang maglaro.

Samantalang siya ay maagang namulat sa pagbabanat ng buto.

Nasanay na raw siya noon na pumapasok sa school nang walang baon. Suwerte na raw kapag meron.

Pero kapos man sa buhay, mayaman daw si Jeowy sa pangarap at magagandang turo ng mga magulang.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Dahil maagang kumayod, natuto siya sa ama na maging responsable sa buhay.

Naituro naman sa kanya ng ina na maging mabuti.

Kaya kapos man sa buhay, namamahagi sila ng pagkain sa mga kapitbahay na walang makain.

Read: Jhenroniel Sanchez: Top 1 in bar exams is "very average student"

from cpa to lawyer

Ang ama raw niyang si Jose ang nag-udyok sa kanyang pagbutihin ang pag-aaral.

Pinagbuti ni Jeowy at nagtapos siya sa elementary bilang Top 1.

Nang maka-graduate sa high school, nagpunta siya sa Cebu City at nakipagsapalaran. Pinagsabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho.

Pagbabalik-tanaw ni Jeowy, “Nung time po na naghanap ako ng scholarship, pumasok po ako as a bagger in one of the department stores here in Cebu City.”

Kuwento naman ng kanyang inang si Breza, iniipon nila ang PHP500 para sa weekly na baon ni Jeowy habang nagkokolehiyo.

Kung wala naman daw kita mula sa pangingisda, nagbebenta sila ng mga manok para sa tuition ng anak.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Taong 2008 nang makapagtapos si Jeowy ng Accountancy. Noon din niya naramdaman na umaayon na sa kanya ang kapalaran.

Kasunod nito, nakapasok siya sa trabaho at ipinadala pa ng employer sa Kuala Lumpur, Malaysia, para sa one-year training.

Bagama’t isa na siyang professional, may isa pang pangarap si Jeowy: ang maging abogado.

“Una kong naisip yung tatay ko, tulungan ko siya for whatever legal issues na kailangan po. At saka yung mga kapitbahay namin, yung mga people in the community in Bantayan Island for whatever legal challenges they have,” aniya ukol sa kagustuhang maging lawyer.

Sa sumunod na taon, 2009, nakilala ni Jeowy ang kanyang mapapangasawa, si Jennifer, sa pinagtatrabahunang BPO company.

Nagpakasal sila noong 2013.

Umangat ang estado ng buhay ni Jeowy. Nakapagpatayo siya ng bahay, nakabili ng sasakyan, at nakabili rin ng lupa.

Pero noong 2013, tinangay ng bagyong Yolanda ang bahay ng kanyang mga magulang sa isla.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Gamit ang naipong pera, bumili siya ng lupa sa main island sa Bantayan at ipinagpatayo ng bahay ang mga magulang.

Emosyunal si Jeowy sa mga biyayang dumating sa kanyang buhay.

“It’s a humbling experience na despite where I came from, God provided me this,” sabi niya.

Taong 2020, nagsimula siyang mag-aral ng abogasya.

Pero noong September 2024, nasa fourth year na siya, nawalan siya ng trabaho sa Cebu.

Naisipan niyang ihinto ang pag-aaral ng law.

Isang taon na lang daw ang natitira bago ganapin ang bar exams. Kinausap niya ang kanyang misis na siya muna ang bahala sa gastusin.

Buong puso niyang susuportahan si Jeowy, na itinuon ang oras sa pag-aaral at paghahanda para sa bar exams.

Ipinagdasal daw talaga niyang maging topnotcher.

“’Yung discipline ko as a fisherman, dinala ko siya sa bar review,” sabi niya.

Tulad daw ng mangingisda, habang tulog ang karamihan ay nagtatrabaho na sila.

Saad pa niya: “Ang ginagawa ng fishermen, inaayos yung mga lambat, inaayos ang mga bangka. They prepare when the storm is out. Para pag okay na yung alon, lalaot.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kaya pagsapit ng bar exams noong September 2025, handa na si Jeowy.

Lumabas ang resulta noong January 7, 2026. Di lang nakapasa si Jeowy, topnotcher pa siya.

Ang next plan niya ay mag-give back sa kanyang komunidad.

“So pagkatapos nito, by February, isusulong ko ang advocacy ko na tutulungan ko ang mga mangingisda doon, kagaya yung mga kapitbahay ko na kung anuman yung challenges nila. Kung ano man yung gusto nila na tulong, ako yung tatayo…” pagbabahagi niya.

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Jeowy Ompad, 2025 Bar Exam topnotcher: “Ako, laking hirap. Kapag walang makuhang isda, walang makain. Walang pag-aaral. Importante talaga pag pumasok ka sa law school, alamin mo kung ano yung purpose mo."
PHOTO/S: University of San Jose - Recoletos
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results