From being a Filipino nurse who worked overseas to becoming a content creator—ito ang kuwento ng buhay ni Jenela Cachero, o mas kilala bilang Jenela in Japan.
Si Jenela ay may 3.9 million Facebook followers.
Karaniwang lifestyle ang kanyang content, at tampok ang kanyang collab sa iba’t ibang brands.
Mismong si Jenela, hindi inakalang vlogging ang magiging daan para matupad ang mga pangarap, magkaroon ng magandang buhay, at matulungan ang kanyang pamilya.
Pero paano nga ba siya napadpad sa vlogging?
Ani Jenela, isang taon at apat na buwan siyang nagtrabaho sa Kamakura, Japan, bilang isang care worker for the elders.
Dahil nasa malayong lugar, naisipan niyang i-vlog ang kanyang daily life sa Japan.
And the rest, as they say, is history.
Mula noong naging content creator, sunud-sunod ang pagdating ng blessings na nakatulong nang malaki para siya ay makapagpundar.
"I have businesses like salon, I have coffee businesses, kiosk, B1T1 Takeaway Coffee. I have two branches—mayroon ako sa La Union, magkakaroon din ako sa Baguio.
“I have a mini-resort na katatapos lang sa Tayug, Pangasinan.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jenela sa private viewing and live-selling event niya for Amara Shia Jewelry.
Ginanap ito sa Celebrity Suite ng Okada Hotel noong August 22, 2025.
Read: 10 Philippine companies make it to World's Best Companies 2025
INVESTMENTS FROM VLOGGING
PROPERTIES
Idinetalye ni Jenela ang mga investments mula sa kita niya as a vlogger.
“Nung nagkaroon ako ng first revenue ko sa pagba-vlog, binili ko ng lupa sa Pangasinan, and I plan na ipa-rent siya ng September.
“Every time na may kinikita sa pagba-vlog namin, sa mga events, sa lupa namin ini-invest. I think mayroon na kaming six lots…”
Ang mga loteng ito ay may sukat daw na 500 square meters (sqm) hanggang 1,000 sqm.
Dagdag niya pa: “May mga sasakyan kami pero recently, nag-invest kami ng sasakyan for our baby, it's Toyota Alphard. Second-hand siya, di naman yung latest. Gusto namin kumportbale siya [baby], di matagtag.”
GOLD
Swak siya bilanfg endorser ng Amara Shia Jewelry.
Nag-invest din kasi si Jenela sa gold, na naging fallback daw ng kanilang pamilya noong mga panahong kapos sila.
"Isa yun sa nag-save sa family ko, yung mama ko, mahilig sa gold. And every time na magkakaroon ng emergencies, like may maho-hospitalize, yung jewelry niya ang pinaghuhugutan namin. From there, may panggastos sa hospital.
"Na-inspire ako na importante ang jewelry. That's why nasabi ko pag nagkapera ako, sa jewelry talaga ako mag-i-invest."
Dagdag ng content creator: “Kasi pag sa gold parang pinatulog mo lang ang pera mo. Nasusuot mo pa, may paghuhugutan ka.
“That's why sabi ko pag nagkapera ako, sa jewelry talaga ako mag-i-invest.
“More on gold talaga ako, wala pa naman ako sa state na pang-diamonds, they say pang-status symbol. I think, for me, wala pa ako sa status na ito yun...na magda-diamond.”
Rekomendasyon niya: “I guess when it comes to investments, if you want to invest, invest in gold. Kung madam na madam na talaga, diamonds."

NEVER EXPECTED TO SUCCEED IN VLOGGING
Paano siya nagsimula sa pagba-vlog at paano nakilala sa social media si “Jenela in Japan"?
Ang sagot ng registered nurse: "Without the knowledge na kikita ako dun, wala akong idea na puwedeng maging source ng income ang vlogging.
“My daily life ng OFW pag papasok sa work.
"Actually, I am a care worker, nurse ako dito sa Pilipinas. But when I went to Japan, isa akong care worker.
“Nagtatrabaho ako sa isang facility ng mga matatanda, bina-vlog ko yung daily life as care worker and pinapasyal ko ang mga audience sa Japan through vlogging in my videos."
Read: Gen Z entrepreneur now earns from ukay-ukay, footwear businesses
CHALLENGING LIFE IN JAPAN
Pero bago natamasa ang tagumpay, dumaan din daw siya sa hirap lalo na nung nagtrabaho sa Japan.
Katuwang niya ang asawang care worker din sa Japan.
Nakaranas din daw si Jenela ng bullying mula sa mga katrabaho.
"Sobrang hirap, challenging talaga, nakakapayat, nakakapagod, nakaka-drain physically, emotionally.
“Sometimes nandun din yung bullying, di maiiwasan yun.
“Yung workload talaga sobrang bigat, sobrang hirap.
“May times pa na talaga yung asawa ko, mag-isa lang yun na magdyu-duty buong gabi with his 44 patients.
“Kalahati nun, kailangang palitan ng diapers, kailangan mong buhatin.
“Same kami field ng work sa Japan, although LDR [long-distance relationship] kami.
“Siya nasa province ng Japan, ako ay nasa city, somewhere in Kamakura, malapit sa Tokyo."
Pag-e-elaborate ni Jenela ukol sa bullying: “Since magkaiba ng culture, language barrier.
“When it comes to bullying, di naman verbally, sa workload.
“Sometimes, di naman lahat ng Japanese ay masipag.
“I love Japanese people for being respectful, friendly sila…pero may mga iba, di maiiwasan na may ilan na aabusuhin ka when it comes sa trabaho. Sa iyo ipapagawa ang lahat, lalo na at baguhan ka.
“Sometimes, may ilan na abusado, hindi lang sa field of work namin, pero maraming mga Filipinos ang nakakaranas nun.”

RETURNING TO THE PHILIPPINES
Nang kumikita na sa pagba-vlog, dun naisipan ni Jenel na bumalik na ng Pilipinas at ipagpapatuloy ang pagba-vlog.
"Frankly speaking, mas more ang kinikita ko dito. When I started vlogging, dun ko mas nakita na, ‘Wow, ang laki naman ng revenue!' More and more brands ang dumating sa akin, ang nagtiwala sa akin.
"Compared talaga sa kinikita ko sa pagiging OFW, ipokrito ako kung mag-i-stay pa ako dun at mas pipiliin ko dun, e, ang mas kinikita ko, e, ang pinaka-main reason naman kung bakit ako nagpunta sa Japan is for my family.
“Kung nasa Pilipinas ako, mas makakasama ko sila while earning more.
“Sabi ko, ‘Kaya na natin.’
“Di lang ako ang umuwi, sinama ko ang husband ko kasi di ko kaya kako, kailangan niya akong suportahan.
“But then, di namin ine-expect na puputok ang pagba-vlog ko, even nasa Pilipinas na ako.
“Sabi nga nila, dapat ‘Jenela in Philippines’ ka na kasi wala ka na sa Japan.”
"Let's say dun ako nag-umpisa, di ko talaga tinatanggal yung Jenela In Japan. I always say dun ako nag-umpisa, that's my dream work.”
Umuwi silang mag-asawa sa Pilipinas noong November 2024.
Hindi naman iniwan si Jenela ng kanyang mga followers.
Kuwento niya: “Pagbalik ko dito, akala ko wala na, pero mas lalo kaming nakilala.
“Ang plan B talaga namin is mag-U.S. na lang kami. Mag-nurse sa U.S. kung di kami papalarin sa Pilipinas, pero until now, nakikilala pa rin."
SUCCESS IN VLOGGING
Aminado si Jenela na nagbago ang kanyang buhay nang magtagumpay sa pagiging content creator.
“So much better, sobrang laki ng nabago sa akin ng vlogging industry.
“Dun ako nakilala ng iba't-ibang brands like cosmetics, skin care… sobrang dami ng nagtiwala sa akin.
“Isa ang Amara Shia Jewelry sa unang nagtiwala sa akin. Na-meet ko Ms. Shina and Sir Ian Aquino in Japan and niligawan nila ako na maging isa sa ambassadors nila."
Pagbabalik-tanaw niya sa araw na iyon: “At first, di ako makapaniwala. Isa lang akong hamak na OFW na nagsisimula sa Japan.
“Then nalaman ko na makakasama ko si Ms. Sanya [Lopez], talagang sobrang laking blessing talaga nun. Naging big step talaga siya sa pag-abot ng mga dreams ko and my whole family."
Nagbukas daw ng maraming opotunidad kay Jenela ang pagiging endorser niya ng jewelry line.
"It started last year. So, marami na akong bansang napuntahan, mga jewelry fairs, Hongkong, Japan, and every time may jewelry fair, nandun kami.
“Nahasa na rin po ako when it comes to live-selling, na-train ako ni Ms. Shina, lalo na nung nanganak siya, manganganak siya, during that time buntis din ako, ako ang nag-take over sa kaniya.
"Dun talaga marami akong natutunan, sanay na sanay na ako sa live selling."
