Nakabibilib ang survival story ng mangingisdang si Robin Dejilla na mula sa Infanta, Quezon.
Sa loob kasi ng 46 days, nagpalutang-lutang ang kanyang maliit na bangka sa malawak na karatagan bago siya nailigtas.
At na-survive niya ang gutom, uhaw, at bagyo.
Inilahad ang kuwento ni Robin sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) noong October 6, 2024.
FISHERMAN ROBIN LOST AT SEA
Noong July 28, 2024, pumalaot ang mga mangingisda, kasama si Robin, sa Infanta, Quezon papuntang Pacific Ocean.
Sakay ng kanilang maliliit na bangka, inalalayan nila ang mother boat.
Pagsapit ng August 7, 2024, ipinaalam ng mga mangingisda kay Magdalena Dejilla, asawa ni Robin, na dalawang araw nang nawawala ang mister nito.
Sumama ang loob ni Magdalena dahil ang pakiramdam niya ay iniwan ang kanyang asawa ng mga kasamahan nito.

Nagpaliwanag naman ang may-ari ng mother boat na si Eleonor Galva kung bakit nagdesisyon ang kanilang boat captain na iwan si Robin ng mga kasama nito.
Masama na raw kasi noon ang panahon at lumalaki na ang mga alon, na delikado para sa sinasakyan nilang bangka.
Inireport nila ang pagkawala ni Robin sa Philippine Coast Guard para makapagsagawa ng search and rescue mission.
Pero ano nga ba ang nangyari kay Robin?
Read: Nurse's one-year recovery story after she got hit by lightning
FINDING ROBIN
Noong September 19, 2024, isang palutang-lutang na maliit na bangka ang nakita ng mga mangingisda sa Itbayat, Batanes, na 643 kilometers ang layo sa Quezon.
Kuwento ni Julio Balanoba, isang mangingisda sa Batanes, sinabihan siya ng isang kasama na may nakita siyang lumulutang na bangka, pero hindi ito umaandar.
Inakala nilang walang taong nakasakay rito. Laking gulat na lang nila nang makita ang isang lalaki na hinang-hina na at wala nang lakas sa bangka.
Ang lalaking natagpuan sa maliit na bangka ay si Robin na 46 days nang pinaghahanap.

Mabilis siyang isinugod sa isang ospital sa Batanes.
Dahil sa dehydration, panghihina, at matinding sunburn na inabot, kinailangang magpahinga ni Robin sa ospital ng ilang araw.
Dito na inilahad ni Robin ang kanyang kuwento.
Read: 80-year-old man posts photo with boyfriend taken in 1961
ROBIN’S STORY
Nang pumalaot daw sila sa Pacific Ocean kasama ang mother boat ay matiwasay naman ang dagat.
Madaling araw ng August 4, 2024, mag-isang pumalaot sa dagat si Robin.
Di nagtagal, namalayan na lamang niyang hindi na niya masilayan ang mother boat.
“Umikot-ikot na ako,” aniya sa KMJS interview.
Nag-isip ng paraan si Robin kung paano siya makakapagbigay ng S.O.S. signal.
Pinunit daw niya ang kanyang sweater, isinawsaw ito sa gasolina, sinindihan, at itinaas. Umasa siyang makikita siya ng mga kasamahan.
Subalit walang tulong na lumapit kay Robin.
“Wala na talaga sila. Naubusan na ako ng gasolina. Nagpaanod-anod na ako.”
Naging kalaban daw ni Robin ang matinding lamig.
Para mabuhay siya, ang mga palutang-lutang na isda sa gilid ng bangka ang ginawang pagkain ni Robin.
Kapag marami siyang nakuha ay ginagawa niya itong mga daing.
May ilang pagkakataon ding nakapulot siya ng mga lumulutang na niyog at kinakain ang laman ng mga ito.
Sa kanyang bangka ay may isang timba na naglalaman ng tinatayang isang galong tubig na tinipid niya sa pag-inom.
Pero hindi lang gutom, uhaw, at init ang naging kalaban ni Robin.
Inabot din siya ng bagyo sa gitna dagat.
Read: Foreigners cheer on Pinoy nurses after Best Nurse meme goes viral

Ginamit daw niyang pantakip ng mukha ang piraso ng Styrofoam mula sa malakas na ulat, at naglimas ng tubig para hindi mapuno ang kanyang bangka.
May mga pagkakataon din daw na umaligid sa kanyang bangka ang mga pating.
Sabi niya, “Pabayaan ko lang sila basta ako, matutulog na lang.”
Wala mang katiyakan kung makakaligtas pa siya, nanalig daw si Robin.
“Hindi ako nawawalan ng pag-asa. Basta nananalig lang ako sa Panginoon.”
Sa paglipas ng mga araw, naubos na ang pagkain at tubig ni Robin.
Nanghina na siya at hindi na makabangon.
“Akala ko mamamatay na, e,” sambit niya.
Nang pasuko na raw siya ay may natanaw siyang isla.
Iyon din ang oras nang matagpuan siya ng mga mangingisda sa Batanes.
Iniligtas siya ng Philippine Coast Guard (PCG), na siyang nagsabi sa PCG District Southern Tagalog na buhay si Robin.
Habang nagpapagaling sa Batanes si Robin ay binayo rin ng Syper Typhoon Julian ang lugar noong katapusan ng Setyempre hanggang sa pagpasok ng Oktubre.
Kaya’t mas lalong na-delay ang pagpapauwi sa kanya.
Pero nang humupa na ang bagyo, isinakay si Robin sa eroplano ng PCG at ibinayahe papuntang Maynila.
Pagdating doon ay isinakay naman siya sa ambulansya, na siyang naghatid sa kanya sa Quezon.
Emosyonal ang naging pagtatagpo ni Robin at ng kanyang pamilya.
Sinalubong si Robin sa pamamagitan ng inihandang homecoming dinner ng local government, kasama ang kanyang pamilya.
Double celebration din ito dahil kaarawan ni Robin.
Nang tanungin ng KMJS si Robin kung ano ang kanyang gagawin ngayong nakabalik na siya, simpleng sagot niya, “Kain muna.”

Samantala, nangako rin ang local government ng Quezon na bibigyan si Robin ng self-employment subsidy at saka scholarship para sa kanyang mga anak.
