Ang pagharap sa sariling pagdududa ang naging pinakamalaking hamon para kay Ricamhel Villamayor, 24, tungo sa kanyang pagiging isang licensed psychometrician.
Si Ricamhel ay Top 7 sa August 2024 Psychometrician Licensure Examination at nakakuha ng rating na 86 percent.
Nagtapos si Ricamhel bilang summa cum laude sa kursong Bachelor of Science in Psychology sa Our Lady of Fatima University (OLFU) Antipolo noong July 2023.
Nakatira ang kanyang pamilya sa Brgy. San Jose, Antipolo City.
Parehong Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kanyang mga magulang.
Bunso siya sa dalawang magkapatid.

Nakapanayam si Ricamhel ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) last October 1, 2024, via Facebook Messenger.
Kuwento niya, simula pa lang noong bata siya ay pagnenegosyo na talaga ang gusto niyang tahaking landas.
“Kaya pinili ko ang ABM [Accountancy, Business, and Management] strand noong senior high school.
“Subalit habang lumilipas ang panahon, natuklasan ko ang mas malalim na passion ko—ang pagtulong sa mga tao pagdating sa kanilang mental health.
“Dahil dito, nagdesisyon akong mag-shift ng direksiyon at sundan ang landas na makakatulong ako sa pagpapabuti ng kalusugan at kapakanan ng iba.”
Read: Meet Sheena Mae Obispo: Top 1 in Social Worker Licensure Exam
NAG-E-EXCEL SA ACADEMICS PERO MAY DUDA SA SARILI
Pagtuntong ni Ricamhel sa college, naranasan niya ang napakaraming challenges.
“Isa sa pinakamalaking hamon na hinarap ko ay ang mga personal na laban sa sarili kong pagdududa.
“Kahit na nag-e-excel ako sa academics, madalas kong tanungin ang sarili ko kung sapat ba talaga ako, kung deserving ba ako sa mga recognition na natatanggap ko.
“May mga gabi na kahit pagod na sa pag-aaral, hindi ako makatulog dahil sa bigat ng expectations—hindi lang mula sa iba kundi mula rin sa sarili ko.”

Pakiramdam umano niya noon ay kailangan niyang patunayan lagi ang sarili at hindi siya puwedeng magkamali.
Ang resulta: “Minsan, nararamdaman kong parang nasa ilalim ako ng napakalaking pressure cooker—pinipilit kong maging perpekto, pero sa loob-loob ko, natatakot akong baka hindi ko kayanin.
“Umabot sa punto na halos gusto ko nang sumuko.”
Pero ang bawat pagdududa at takot na naramdaman niya ang naging dahilan para lalo niyang patatagin ang sarili.
Ang ginawa ni Ricamhel: “Natutunan kong yakapin ang aking kahinaan, at sa halip na itago ito, ginamit ko ito bilang lakas para magpatuloy at abutin ang mga pangarap ko.”
Read: The life of Peter Ligot, the boy who became his father’s caregiver
NAGING MOTIVATION ANG SARILING PANGARAP
Nakatulong din kay Ricamhel ang matibay na pananalig sa Diyos.
“Sa mga pagkakataong pakiramdam ko ay hindi ko na kaya, palagi akong nananalangin, humuhugot ng lakas mula sa Kanya.”
Hindi rin niya kinakalimutan ang suporta ng kanyang pamilya.
“Sila ang nagsilbing inspirasyon ko sa bawat hakbang. Sa tuwing gusto kong sumuko, naaalala ko ang mga sakripisyo nila at ang mga pangarap na sabay naming binuo.”
Naging motibasyon din niya ang pangarap niyang makatulong sa Pilipinas at magbigay ng magandang serbisyo para sa kapakanan ng iba, lalo na sa mental health.
“Ang bawat pagod at puyat ay para sa kinabukasan, hindi lang para sa sarili ko, kundi para sa pamilya ko, sa mga taong umaasa, at sa bayan na nangangailangan ng mga taong handang tumulong.
“Ang mga pangarap ko ang naging gabay ko para bumangon sa bawat pagsubok at magpatuloy, kahit gaano pa kahirap.”
Read: 112-year-old John Tinniswood of the UK is world’s oldest living man
PAGHAHANDA SA BOARD EXAM
Ang paghahanda para sa board exam ang isa sa mga pinakamahirap na yugto ng buhay ni Ricamhel.
“Lalo na’t kailangan kong pagsabayin ang trabaho at pag-review.
“Madalas, pagkatapos ng mahabang araw sa work, diretso agad ako sa pag-aaral, kahit na pagod na pagod na ang utak at katawan ko.”
May mga pagkakataon na kahit gusto na niyang magpahinga ay hindi niya magawa.
“Dahil alam kong kailangan kong maglaan ng oras para sa review.
“Puyat ang naging karamay ko gabi-gabi, at minsan, pakiramdam ko ay parang nauubos na ang enerhiya ko.”
Sa kabila ng lahat nang ito, pinilit ni Ricamhel na manatiling focused.
“Iniisip ko ang pangarap ko na maging isang registered psychometrician.
“Alam kong ang bawat sakripisyo at pagod ay may patutunguhan—kaya't kahit gaano man kahirap, hindi ako tumigil sa pag-abot sa goal ko.”
Read: A Boy, a Bicycle and a Legacy: Remembering John Gokongwei Jr.—the film
NAHIRAPAN SA BOARD EXAM, NATAKOT NA BAKA HINDI PUMASA
Aminado si Ricamhel na nahirapan siya sa board exam.
Pagbabahagi niya, “Sa sobrang hirap ng mga tanong, halos ayaw ko nang bumalik noong ikalawang araw ng pagsusulit!
“Ang daming pagkakataon na pakiramdam ko ay parang hindi ko kaya.
“Sa isip ko, naglalaro ang mga tanong at sagot, at nahihirapan akong makuha ang tamang sagot.
“Nang umuwi ako, hindi ko na napigilan ang sarili ko at umiyak.”
Sinabi niya sa mga magulang ang kanyang agam-agam, "What if hindi ako pumasa?"
Sobrang takot at panghihinayang ang naramdaman niya dahil lahat ng sakripisyo at pagod niya ay tila naglaho sa harap ng tanong na iyon.
“Pero sa kabila ng lahat, naging malaking tulong din ang mga pag-uusap namin. Ang mga salita ng suporta mula sa aking parents ang nagbigay ng lakas sa akin na ipagpatuloy ang laban—kahit gaano pa kahirap.”
Read: SUCCESS STORY: Batang magbubukid Amado Panes now a teacher
HINDI UMASANG MAGIGING TOPNOTCHER
Dahil sa hirap ng board exam, hindi na nag-expect si Ricamhel na magiging topnotcher siya.
“Sa totoo lang po, hindi na ako umaasa sa topnotcher.
“Dahil sa dami ng oras na inilalaan ko sa trabaho, hindi ako nakapag-review nang masinsinan tulad ng ibang mga full reviewee.”
Gayunpaman, naniniwala umano siya na sa kabila ng lahat, kayang kumilos ng Diyos sa mga ganitong pagkakataon.
“Naniwala akong He can move mountains and that He can make all things possible.”
At kahit hindi na siya nag-expect na maging topnotcher, pinanatili niyang positibo ang kanyang pananaw.
“Ang mahalaga sa akin ay ang makapasa at makamit ang pangarap na maging registered psychometrician.
“Ang tiwala ko sa sarili at sa plano ng Diyos ang nagbigay ng inspirasyon sa akin para ipagpatuloy ang laban.”
Read: Fil-Am White House executive chef retires after 29 years
TAKOT AT PAGDUDUDA NAPALITAN NG PASASALAMAT
Nang malaman ni Ricamhel na nakapasa siya at kasama pa sa Top 10, sobrang saya niya.
“Ang bigat ng mga takot at pagdududa na naramdaman ko sa mga nakaraang araw ay naglaho at napalitan ng labis na pasasalamat.”

Agad niyang tinawagan ang mga magulang na OFWs para ipaalam ang magandang balita.
“Sila ang aking lakas at inspirasyon, at alam kong sobrang supportive nila sa lahat ng mga pinagdaraanan ko.
“Habang ako’y umiiyak sa saya, ramdam ko ang kanilang pride at saya mula sa malayong bansa.”
At kahit ala una na ng madaling araw lumabas ang resulta ng board exam, dahil sa kanyang labis na excitement ay ginising pa rin niya ang kapatid at hipag.
“Gusto kong ipagdiwang ang tagumpay na ito kasama ang mga mahal sa buhay, dahil alam kong hindi ko ito makakamit kung wala ang kanilang suporta at pagmamahal.”
Read: Paintings of 2-year-old artist sell for PHP400K
PARA SA DIYOS, PAMILYA AT BAYAN
Inialay ni Ricamhel ang kanyang tagumpay sa Diyos, sa pamilya, at sa ating bayan.
“Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa Diyos na naging gabay at lakas ko sa lahat ng pagsubok. Siya ang dahilan kung bakit nagpatuloy ako kahit sa mga pagkakataong nagduda ako sa sarili ko.
“Para sa pamilya, dahil sila ang aking inspirasyon at katuwang sa bawat hakbang ng aking paglalakbay. Ang kanilang walang kondisyong suporta at pagmamahal ang nagtulak sa akin na ipagpatuloy ang laban, kaya’t ito ay para sa kanila.
“At para sa bayan, sapagkat nais kong maging bahagi ng mas malawak na layunin na makatulong sa mga tao, lalo na sa larangan ng mental health."
Ani Ricamhel, ang kanyang tagumpay ay hindi lamang para sa kanya, kundi para sa lahat ng nangangailangan ng suporta at serbisyo.
“Gusto kong magbigay ng kontribusyon sa ating komunidad at magbigay ng inspirasyon sa iba na abutin ang kanilang mga pangarap.”
Read: High-school student Arnon Guinto of Tarlac, National Geographic Society special awardee
HIRAP AT PAGKATALO, BAHAGI NG PROSESO NG PAGKATUTO
Sa ngayon ay connected si Ricamhel sa Maxicare Healthcare Services kung saan naglilingkod siya sa larangan ng healthcare bilang HR Specialist.
“Para sa aking future career plan, plano kong i-pursue ang med school o isang master's degree sa clinical psychology.
“Nais kong mas mapalalim ang aking kaalaman at kakayahan upang makapagbigay ng mas mataas na antas ng suporta at serbisyo sa mga taong nangangailangan, lalo na sa larangan ng mental health.”
Read: Meet Rajacenna, artist who paints with hands and feet
Ang payo niya sa mga kabataan, “Mahalagang alamin kung ano talaga ang gusto mong gawin sa buhay.
“Huwag matakot sa mga hamon na darating, dahil normal lang ang makaranas ng hirap at pagkatalo; ito ay bahagi ng proseso ng pagkatuto.”
Paalala pa niya, hindi ka nag-iisa.
“Lalo na kapag nahihirapan ka, dahil may mga tao sa paligid mo na handang sumuporta.
“Makipag-usap sa mga taong may karanasan sa larangan na gusto mo, dahil makakatulong ang kanilang mga kuwento at payo.”
Huwag din aniyang kalimutang magplano para sa hinaharap at isipin ang mga hakbang na kailangang gawin.
“Sa kabila ng lahat ng pagsubok, ang iyong pananampalataya at tiwala sa sarili ang magiging gabay mo sa paglalakbay na ito.
“Laban lang!”
Read: 2 boys in Rizal get Batang Bayani Award for 'exceptional bravery in preventing robbery'
