Mula sa pagiging anak-mahirap, nahanap ni Dra. Loribel Adeser-Bontilao ang kanyang “calling” na maging isang pastor at doktor para makatulong sa iba.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong August 17, 2024, ibinahagi ni Loribel na puno man ng pagsubok ang kanyang journey, ni minsan ay hindi niya naisip sumuko.
Read: A Boy, a Bicycle and a Legacy: Remembering John Gokongwei Jr.—the film
LORIBEL’S CHILDHOOD
Lumaki sa hirap si Loribel kasama ang kanyang pamilya.
“Sobrang hirap namin, like sobrang hirap. Anim kaming magkakapatid, tapos baker yung papa ko, lasenggo pa. So kulang pa sa bisyo niya yung sahod niya.
“Tapos yung mama ko, walang work, tapos most of the time street vendors.
“So, kaming anim, mahirap kaming mabuhay. So kami ay nasa squatters’ area, nakatira sa Masville, Parañaque City.
“Noong time na yun, gusto kong mag-aral, pero walang gusto magpaaral.”
Hindi rin siya sigurado noon kung ano ang talagang pangarap niya.
Wala sa hinagap niyang mabibigyan siya ng pagkakataong maging doktor.
Sabi niya, “Kapag lumaki ka sa squatter, hindi mo ma-i-imagine na magdo-doktor ka, wala kaming pangarap.
“Ang pangarap ko noon mag-artista, maging bold star siguro o ano man, like, yung mother ko noon sabi, ‘Mag-Japayuki ka na lang, o kaya mag-asawa ng mayaman.’
“Ganoon lang yung mga pangarap kapag nasa ganoong area ka lumaki.”
Pumapasok siya noon sa paaralan araw-araw for practical reasons.
Aniya, “Kasi since wala kaming kinakain palagi, tapos wala naman kaming kuryente sa bahay, wala rin kaming tubig, we grew up very poor na walang-wala, so, walking distance lang naman yung school noong elementary, high school…
“Kaya kahit ganoon yung area namin nag-aaral kami kahit walang laman yung tiyan, para may tambayan lang kasi wala kaming puwesto sa bahay, e.”
Kuwento ni Loribel, lagi siyang nasa section one—ngunit hindi dahil matalino siya, kundi dahil miyembro siya ng school theater at aktibo siya sa extracurricular activities.
loribel's journey to college
Noong malapit na siyang mag-graduate sa high school, napagtanto ni Loribel na dapat ay makatungtong siya sa kolehiyo, gaya ng classmates niya.
Sabi niya, “Yung mga kaklase ko nag-a-apply sila sa UP, nag-e-exam sila sa mga universities, ako na walang plano, sabi ko, ‘Saan ako? Wala akong plano.’
“So, ngayon nag-isip na ako na, magko-college silang lahat, siyempre yung mga nandoon is mga top students.
“So, yung, ‘Ah, magko-college silang lahat, saan ako?’ Nakikihanap din ako kung saan ako puwedeng mag-aral.”
May biyayang dumating kay Loribel dahil inalok siya ng scholarship ng isang maliit na simbahan sa kanilang komunidad.
Pero may kondisyon: kailangang unahin ang pag-aaral sa seminaryo para magkaroon ang mga mag-aaral ng magandang pundasyon.
Ani Loribel, “Ang sabi nila kahit ano raw yung marating ko sa buhay, at least daw, maganda na yung foundation daw sa puso namin.
“So ako, wala naman talagang calling na mag-pastor. Di ba, kapag theology ka kasi, pastor yung work mo.
“So, wala naman talaga sa akin yun, pero dahil yun lang yung only scholarship noon, sabi ko, ‘Ito talaga yung will ni Lord.’”
Kahit na hindi niya napusuan ang kanyang kurso, itinuloy pa rin niya ang pag-aaral dahil "wala lang kasi talaga akong choice."
Kalaunan, napagtanto ni Loribel na nagkakaroon na siya ng calling sa pag-aaral niya sa seminary, at nagtapos siya sa kursong Bachelor of Theology sa Asian Seminary for Christian Ministries sa Makati noong 2009.
Read: Woman in 30s, never been kissed: "They find it very strange."

Read: 57 percent of Pinoys not in favor of divorce
LIFE AS A COMMUNITY OUTREACH PASTOR
Eighteen years old siya nang mag-umpisa sa pagpa-pastor sa mga mahihirap na komunidad.
Samantala, natapos niya ang kanyang college course sa edad na 20.
Mas pinili raw niyang magtrabaho muna sa labas ng simbahan for experience, hanggang sa na-realize niyang para talaga sa kanya ang pagpa-pastor.
Kuwento niya, “Nag-work muna ako sa sales and marketing, sa isang printing press. Then after sabi ko, ‘Hindi talaga. Alam ko talaga yung calling ko.’
“Na-realize ko lang na kailangan ko lang ma-experience kung ano yung nag-wo-work sa labas, outside the church.
“Since 13 years old, nasa church na ako na yun as attendee, and then 18 years old, nag-pastor ako doon.
“After sa sales and marketing, bumalik na ako as full-time pastor.”
Sa simula pa lamang daw, alam na ni Loribel na malapit na ang kanyang puso sa mga mahihirap.
Kaya naman, sa mga ganitong lugar niya pinipiling maghatid ng serbisyo.

Sabi niya, “Sa pastoral ministry ko, ang lagi ko talagang ginagawa, nasa poor communities. Ang tawag sa akin is community outreach pastor.
“So, may mga member kami na nasa floodway, yung mga very poor communities talaga yung ministries ko.
“So, pumupunta ako doon, eat with them, live with them. Kasi nga, siyempre, iyon din naman yung kinalakihan ko. Yun talaga.
“So, kapag naghihirap sila, wala silang makain, nabahaan sila kasi nga nasa ganoong area sila…
“Lagi kaming to the rescue and lagi akong nagpupunta sa mga out-of-school youth, ganyan, kasi in-e-encourage ko sila na galing din ako sa ganoong area, pero nakapag-aral ako sa tulong ni Lord. Yun yung heart ko, nagpa-pastor kami.”
Malaki man daw ang sakop ng kanilang simbahan at karamihan sa mga miyembro nito ay mayayaman, ang puso niya ay para talaga sa mahihirap.
Read: Chinese medalist serves at parents’ restaurant after Paris 2024
THE CALL TO BECOME A DOCTOR
Akala ni Loribel ay matatapos na sa pagpa-pastor ang calling niya.
Subalit noong mapadpad siya sa Lanao del Sur ay muli siyang tinawag ng Diyos para maglingkod, hindi na lang bilang pastor, kundi para maging doktor.

Pahayag niya, “So noong pumunta kami ng Lanao, pagdating doon, ganoon din pala yung community.
“Ang dami ding mga hindi nakapag-aral, walang access sa [healthcare]. Mahirap talaga yung buhay. Kinontinue ko lang doon yung pagpa-pastor.
“Tapos, noong dumating yung time na nagka-Marawi siege, doon na sobrang nadurog yung puso ko.
“Kasi lagi na naming ginagawa yung pagtulong, di ba, by giving kung ano yung puwede naming maibigay?
“Pero yung time na yun, beyond doon sa relief and all, kasi, di ba, noong Marawi siege, sobra na yun, e. Na-trap ka na: ‘no in, no out’ doon sa area.
“So talagang trapped na hindi kami maka-ask ng help medically from outside. Kasi sinong doktor yung pupunta sa kaloob-looban na may giyera?"
Nangyari ang Marawi siege, ang armed confrontation sa pagitan ng government forces at Islamic State-linked Maute group, mula May 23 hanggang October 23, 2017.
Sa pagpapatuloy ng kuwento ni Loribel, “Kung pupunta man sila, ang hirap i-access. Tapos kami na nandodoon, kasama namin yung ibang mga evacuees, wala kaming access. Anong maitutulong namin? Kahit first aid nga hindi ko alam.”
Matibay man daw ang kanyang pananalig sa Diyos ay hindi pa rin daw maiwasan ni Loribel at ng kanyang mga kasamahan ang malungkot dahil sa mga nangyayari sa paligid.
Ani Loribel, “Nadurog yung puso ko kasi may mga batang namamatay; may mga baby na sobrang grabe yung mga skin diseases nila.
“May mga na-stroke doon sa sobrang takot, may mga nahulog sa bangin noong tumatakas sila.
“Tapos halu-halo na: ubo, suka, skin diseases. Halu-halo na kasi ang liit-liit lang ng evacuation center. Tapos wala silang nadala na kahit ano.”
“Kami, nagbibigay kami ng mga kailangan nila sa evacuation center, pero yung mga sakit, hindi namin ma-address.
“So yun yung naging, sabi ko, ‘Grabe, sana doktor din ako o may doktor man lang sa amin.’”
Dahil sa kalagayan ng mga residente roon, humingi raw ng tulong si Loribel sa mga kaibigang doktor.
Inabot ng tatlong buwan bago makarating ang tulong.
Dahil sa naranasang helplessness, mas umigting ang kagustuhan ni Loribel na maging isang doktor.
Sabi niya, “Doon naluto yung burden, yung burden na gusto kong maging doktor. At the same time, pastor.
“Hindi siya yung bagong direction, it’s just an added skill, added gift na as a minister of God, hindi lang word yung kaya mong ibigay [kundi] tangible act of service, tangible love ni Lord na maramdaman ng mga tao rin.
“Of course, we honor na kaya naman ni Lord pagalingin miraculously yung mga may sakit kahit na walang doktor.
"Pero we acknowledge na in the body of Christ, lahat ng gift pinagagamit ni Lord. So, nag-decide ako na mag-med because of that.”
MANAGING LIFE AS MOM, PASTOR, & MEDICAL STUDENT
Matibay ang paninindigan ni Dra. Loribel sa nais na tahaking landas. pero naging malaking pagsubok ang pag-aaral niya ng medisina dahil isa rin siyang ina.

Malaki ang pasasalamat ni Loribel sa asawa sa buo nitong suporta sa kanya at sa kanyang layunin.
Ani Loribel, “As a mom, hindi mo talaga maaalis sa isip mo, sa puso mo, na nag-aalala ka sa needs nung mga bata.
“Hindi ako makapag-aral nang hundred-percent focus kung alam kong walang nag-te-take care sa mga bata.
“As a mom, nakatulong sa akin yung one-hundred percent na support ng husband ko kasi yung role ko as a mom, hindi ko siya magampanan nang kagaya noong hindi ako nag-aaral.
“So, malaking tulong na mayroon akong one-hundred percent supportive na husband. At the same time, nag-me-mediate siya for me sa mga needs ng mga bata.
“Hindi nila naramdaman na wala silang mommy during the time nag-aaral ako kasi andiyan yung pagpapaliwanag ng asawa ko, tapos andiyan yung lahat ng suporta. Hindi naman sila napapabayaan.”
Noong nag-aral si Loribel, ten years old na ang panganay niyang anak at ang pangalawa naman ay five years old.
Kaya noong panahon na iyon ay independent na raw ang mga ito.
Aniya, “Because we are pastors, we are ministers, we go from place-to-place, so, independent na sila, marunong na sila maglinis ng bahay, magluto, mag-asikaso sa school, maggawa ng assignments nila without our help.
“So very much tutok kami sa kanila noong pagbabasa at saka noong pagsusulat lang na foundation.”

May mga pagkakataon din daw na labis niyang nami-miss ang kanyang mga anak, lalo na kapag nagkakaroon ng failures sa exams.
Kuwento niya, “Ang sakit-sakit sa dibdib, umiiyak na naman ako tapos wala akong maiyakan, tapos nami-miss ko sila, kasi nag-do-dorm ako malapit sa school.
“Nandito kasi kami sa Mandaluyong nakatira, ‘tapos ang school ko Valenzuela.
“So, magda-drive sila nang midnight, pupuntahan nila ako sa dorm, kasi all-girls din yung dorm, bawal naman sila mag-stay doon.
“Pupuntahan nila ako, iiyak ako, kakain kami sandali sa mga 24/7 na drive-thru, and then ibabalik na nila ako.”
Nabanggit din ni Loribel na naiintindihan ng kanyang mga anak na nag-aaral siya.
Ginagawa rin daw ng mga bata ang best nila sa pag-aaral dahil nakikita nila ito sa ina.
In fact, honor students daw ang mga ito.
LORIBEL'S MED SCHOOL JOURNEY
Maraming beses na naranasan ni Loribel ang bumagsak sa med school.
Dagdag pa riyan, na-diagnose siya with Lupus—isang sakit na mabilis ma-trigger ng stress—noong 2012.
Kuwento niya, noong third year daw siya ay umatake ito sa kasagsagan ng final exams.
Aniya, “Sunud-sunod na 30 minutes a day lang kasi ang tulog ko. Nag-high fever ako, mouth ulcers, body pain, joint pains, back pains, pains all over my body na umiiyak ako sa sakit.
“Pero para lang ma-survive ko ang exam, pain reliever muna ako. Successfully, naka-exam. After the exam, nagpunta na ako ng rheumatologist.”
Sa kabila ng lahat, ni isang beses ay hindi raw niya naisipan ang sumuko.
Sabi niya, “Hindi ko inisip na mag-give up kasi sa simula pa lang alam ko na ito yung gusto ko.
“Pinasok ko siya with maturity and with the right conviction na ito yung direction.
“So hindi ko naisip talaga na sumuko kahit anong hirap. Pero, ang doubt ko noon ay kung gaano ko siya katagal matapos.
“Walang doubt that I will finish.
“Tapos yung sobrang difficult na yung mga exams na I did my best talaga, pero bagsak pa rin.
“Ang coping mechanism ko, after ng exam, after kong umiyak, mag-aaral ulit ako kasi bagsak ako. So, wala pang announcement, aaralin ko ulit.
"Yung usual response kasi ng mga friends ko kapag bagsak, nadi-discourage, parang ayaw na lang nilang mag-aral, parang nakakapanghina, pero ako hindi ganoon.
“So, kapag bagsak ako, iyak ako and then aral na agad ako that night, hindi na ako matutulog.
“Hindi talaga ako nadi-discourage mag-aral, pero iiyak muna ako, ha. Hindi puwedeng hindi ko i-gi-grieve yung ginawa ko na lahat ng effort tapos bumagsak pa rin.
“Iniisip ko na lang babawiin ko next. Kailangan mas mataas na lang ako next para kapag ini-average na, pasok pa rin.”

BECOMING THE BEST DOCTOR FOR THE POOR
Nang tanungin tungkol sa kanyang inspirasyon at motibasyon sa pag-aaral, ang sagot ni Loribel: “Of course, first thing to God and second is to His people. To the needy. Kasi yung heart talaga ni Lord sa mga needy.
“So doon ko talaga siya ibibigay and even after my studies, doon ko pa rin ibibigay yung service ko.
“Of course, yung family ko magbe-benefit din naman. I’m sure na kapag may mangyaring emergency sa family ko wherever we go, I can manage. But it’s all really to God and his people.”
Gayundin, ang motto raw na palagi niyang sinasabi sa kanyang sarili noong siya ay nasa med school ay, “I want to touch lives and honor Jesus.”
Paliwanag niya, “Every time na nag-aaral ako, I know na hindi lang siya to pass the exam. Kailangan ko itong aralin dahil ibibigay ko itong libreng serbisyo.
“I will give free services but free siya pero hindi siya cheap. Puwede kasing libre pero cheap lang, walang quality.
“Kaya nag-aaral akong mabuti, yun yung every time na, ‘Kailangan ko itong maintindihan hindi lang para maipasa ko yung exam, kasi kawawa naman yung mga pasyente ko na talagang walang-wala. Wala silang mapuntahan.’"
Naikuwento rin ni Loribel na ang isa sa mga dahilan kung bakit niya nais magbigay ng libreng serbisyo ay dahil naranasan niya ang magkasakit nang walang-wala.
Paglalahad niya, "Yung nagpunta ka sa ospital, pamasahe lang talaga, pero pagdating doon hindi ka pa ma-diagnose kung ano yung sakit mo, di ba, ang hirap kasi ginawa mo na ang lahat para makarating doon tapos pagdating doon hindi pa ma-diagnose yung sakit mo, so babalik ka pa.
“So sana, ako yung isang magaling na doktor na kapag lumapit sa akin yung mga pasyente ko, may idea na kaagad ako kung ano yung sakit nila para hindi na sila pabalik-balik, hindi na sila magastusan sa mga laboratories, ganyan.
"So I want to be the best for the poor people and the needy.”
LORIBEL’S VISION FOR THE FUTURE
Ngayong isa na siyang ganap na doktor, plano raw ni Dra. Loribel na ituloy ang kanyang pag-aaral ng medisina—gusto niyang mag-specialize sa trauma surgery.
Aniya, “Gusto kong maging surgeon, tapos trauma yung i-fo-focus ko kasi dahil sa mga naranasan namin sa mga ganoong areas na may mga giyera.
“Usually, yung mga hindi masyadong nabigyan ng serbisyo sa mga malalayong lugar kagaya ng Sulu, Basilan, Tawi-Tawi, Marawi, ARMM.
“Kasi actually, yun yung lagi naming vini-visit until now. Nag-me-medical mission, yung husband ko yung nag-o-organize.”
Sa mga ganitong lugar daw kasi ay hindi maiiwasan ang barilan, patayan, at bombahan.
A DOCTOR BY THE GRACE OF GOD
Kung babalikan ni Loribel ang kanyang naging journey sa med school, masasabi raw niya na grasya ito ng Diyos.
Sabi niya, “Looking back, hindi ko kayang magmalaki kasi feeling ko wala ako lahat ng capacity, feeling ko ang bobo ko, wala akong qualifications para matapos yung medicine.
“Wala talaga akong maisip na qualification, background, age, status sa buhay, pera.
“Hindi ako topnotcher sa school, lahat ng hindrances, wala.
“Looking back, it’s very humbling how I did it. I know it’s beyond me. It’s very humbling. It’s all by the grace of God."
Payo niya sa mga gaya niyang punung=uno ng pangarap: “Pursue it, no matter what. Huwag tumigil mangarap.
"Ang pangarap ay hindi lamang pinapangarap, sinasamahan iyan ng dasal at gawa. Ang sabi nga sa bibliya, ‘Faith without works is dead.’”
Aniya, magpatuloy dahil walang imposible sa buhay.
At kung hindi man binigyan ng pagkakataon noon, palaging may oras upang ituloy ang pangarap—ngayon at magpakailanman, hangga’t may buhay at may hininga.
Nagtapos ng Medicine si Dra. Loribel nitong August 20, 2024.
Sa ngayon, mag-uumpisa na siya sa kanyang post-graduate internship sa Victor R. Potenciano Medical Center sa Mandaluyong sa September 1, 2024.