“Hindi hadlang ang kapansanan upang tumuntong sa entablado,” iyan ang motto in life ni Ervin “Ervina” Flores, 29.
Ipinanganak na Person With Disability (PWD) si Ervina sa Barangay San Francisco sa General Trias, Cavite.
Ang kanyang kaliwang paa ay hindi karaniwan ang laki. Kaya naman, hirap siya sa paglalakad.
Kapansin-pansin din na ang kanyang short height ay hindi angkop para sa kanyang edad.
Subalit ang kanyang kondisyon ay hindi naging hadlang upang masungkit niya ang samu’t saring korona mula sa mga kaliwa’t kanang pageant na kanyang sinasalihan.
Read: Newlyweds "disrespected" by priest gets 'bonggang' wedding
ERVINA’S STORY OF ‘COMING OUT’
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Hunyo 19, 2024, ibinahagi ni Ervina na bata pa lamang ay alam na niya ang tunay na katauhan.
Noong una ay hindi tanggap ng ama ni Ervina ang pagiging gay nito.
Ani Ervina, “Nakikita ng mga magulang ko na nag-me-make-up ako tapos naglalaro ng manika.
“Narinig ko yung tatay ko na pinagagalitan yung nanay ko na bakla raw ako.
“Sabi ng nanay ko, ‘Hayaan mo siya kung diyan siya masaya, go lang. Wala namang problema sa pagiging isang bakla.’”
Mula raw noon, unti-unting nagkaroon ng kalayaan si Ervina sa kanyang pagkilos at pananamit.
Hindi nagtagal, nakuha rin ni Ervina ang suporta ng ama.
Sa katunayan, ito pa nga raw ang may hawak sa mga gamit niya noong unang beses na sumali siya sa isang Miss Gay pageant sa kanilang barangay, at always present sa mga sumunod pang contests.
FROM BULLIED TO MISS GAY QUEEN
Bitbit ang pag-asang maging inspirasyon sa kanyang mga kapwa-PWD at kapwa-miyembro ng LGBT Community, naglakas-loob si Ervina na lumahok sa kanyang kauna-unahang Miss Gay pageant noong 2012.
Aniya, “Sumali ako ng mga pageant kasi gusto kong ipakita sa lahat na kahit na may kapansanan ako at bakla ako, hindi lang ako bakla at hindi lang ako may kapansanan.
“Gusto ko ipamulat sa mga kapwa ko may kapansanan na hindi lang tayo hanggang dito. Ipakita natin sa kanila na ang lahat ng kakayanan nila ay kaya rin natin.”
Hindi naging madali ang buhay ni Ervina lalo na noong kabataan niya dahil tampulan siya ng tukso at biktima rin ng pambu-bully.
Subalit, ang lahat ng ito ay ginawa niyang motivation upang mas lalo pang palakasin ang kumpiyansa sa kanyang sarili.
Dagdag pa niya, “Ang isa pang reason ko bakit ako sumali, kasi dati, lagi akong inaasar.
"Kaya ako tumuntong sa entablado para ipakita sa kanila na yung inaasar niyong bakla na pilay, ngayon pinapalakpakan at hinahangaan ninyo.
“Maraming nambu-bully sa akin dahil sa kapansanan ko pero lahat ng yun, lumalaban ako kasi ayoko yung nabu-bully ako.
"Bakit? Tao rin akong ipinanganak sa mundo, so, pare-pareho lang tayo. Iba-iba lang tayo ng katauhan.”

darling of the crowd
Pero siyempre, hindi rin naman sa lahat ng oras ay confident at malakas ang kanyang loob.
Inamin ni Ervina na dumating din siya sa punto na pinagdudahan niya ang sarili kung kaya ba niyang manalo.
Kuwento niya, “Dumating din sa punto na naisip ko, ‘Kaya ko ba ito? Ang gaganda at sexy ng mga kalaban ko.'
"Pero iniisip ko na lang sa sarili ko na kailangan kong makipagsabayan sa kanila, kasi kapag nakipagsabayan ka na, doon mo masasabi sa sarili mo na kaya mo.”
Inilahad niya rin na hindi maiaalis ang takot sa kanyang dibdib sa tuwing sasabak sa mga competition dahil sa kanyang kalagayan.
Pagsasaad niya, “‘Yung takot na baka walang sumuporta, yung takot na baka laitin lang.
"Pero pagtuntong ko sa entablado nandoon yung lahat ng suporta na kinakatakot kong hindi ko makuha.
"‘Yung ine-expect ko, hindi pala totoo. Hahangaan pala ako lalo ng mga tao.”
Sa tuwing rarampa si Ervina, malakas ang hiyawan ng mga tao dahil sa confidence niya.
Marami ang humahanga dahil hindi niya alintana ang pagkakaroon ng kapansanan upang makipagsabayan sa mga kapwa niya candidates.
Habang tinitignan ang mga taong nanonood sa kanya, madalas daw ibulong ni Ervina sa kanyang sarili, “Napakasaya ko na pinapalakpakan at sinusuportahan ako kasi dati akong inaasar, ngayon hinahangaan ako at pinapalakpakan.”
Dahil sa lakas ng loob na nakukuha niya mula sa mga taong sumusuporta sa kanya, apat na beses nang nasungkit ni Ervina ang titulo bilang Miss Gay sa iba’t ibang komunidad sa General Trias.
Una niya itong nasungkit sa Pabahay noong 2012, sunod sa Country Meadows (2014), sa Kiko Rosa (2023), at sa Sunny Brooke 2 nito lamang 2024.
Wagi rin si Ervina ng samu’t saring awards.
Ngunit, ang madalas niyang maiuwi ay ang People’s Choice Award o Darling of the Crowd dahil sa pagiging crowd-favorite nito.
Ito ang proof na maraming tao ang nai-inspire sa kanyang kuwento.
ERVINA'S VISION FOR THE FUTURE
Sa kasalukuyan, nagtatrabaho si Ervina bilang hairdresser.
Kaya naman, focus daw muna siya sa paghahanap-buhay, at ang pagsali ng pageant ay extra lang niya. Kumbaga, ginagawa lamang niya ito kapag may oras at budget siya.
Pero, paglilinaw niya, “Kahit nasungkit ko na ang title, magpapatuloy ako sa pagsali sa iba’t ibang pageant sa mga barangay.
“Ipagpapatuloy ko ang pagsali sa mga pageant kasi ito ang una kong dream noong bata ako.
“Siyempre sa ngayon ang mas focus ko muna ay yung pagsa-salon ko, pero kapag may pageant, go ako.”
Looking forward si Ervina na sa future, mas maraming tao pa ang maabot ng kanyang advocacy sa pamamagitan ng mga pageant.
ERVINA’S MESSAGE TO THE LGBT AND PWD COMMUNITIES
Nang tanungin kung ano ang maipapayo niya sa mga kapwa-PWD at kapwa-miyembro ng LGBT Community, confident na sumagot si Ervina.
Ang sabi niya, “Lakasan niyo lang ang loob niyo at magbigay ng tiwala sa sarili.
“Kung hindi ka man bigyan ng tiwala ng iba, unahin mong bigyan ng tiwala ang sarili mo at maging handa ka sa lahat ng pagsubok na darating sa buhay mo.
“Harapin mo iyan nang may ngiti at taas-noo. Hindi yung ibababa mo yung sarili mo dahil bakla ka o may kapansanan ka.
“Ipakita mo sa kanilang lahat na kaya mo. Hindi yung hihilain mo yung sarili mo.
“Hinihila ka na nga ng iba pababa, hihilahin mo pa ang sarili mo pababa.
“Bagkus habang hinihila ka nila pababa, iangat mo ang sarili mo pataas para malaglag sila sa baba at ikaw ang nasa taas.”

Dagdag pa niya, walang dapat ikatakot ang sinumang may goal sa buhay.
Sabi niya, “Para saan yung salitang experience kung takot kang matalo?”
Anuman ang sabihin ng ibang tao, dapat daw nating tandaan na hindi hadlang ang kahit na ano sa lahat ng bagay na gusto nating maabot at makamtan.
Hindi man laging panalo at malakas, ang mahalaga ay lumaban nang patas.
Siyang tunay, dahil ang buhay ay parang gulong. Hindi palaging nasa taas at hindi rin palaging nasa baba.
Palaging darating ang kabiguan, ngunit ang mahalaga ay natuto at sumubok ka.