Single dad si Pedrosino “Pedring” Catubig, 57.
Bukod sa pag-aaruga, mag-isa niyang sinusuportahan ang dalawang anak.
Buhat nang mamatay ang kanyang misis, mag-isa na niyang itinaguyod ang dalawa nilang anak sa pamamagitan ng pagiging driver.
Hindi nagtagal, unti-unti ring nagbunga ang kanyang pagsusumikap.
Ang isa niyang anak ay nagtapos ngayon bilang magna cum laude sa Unibersidad ng Pilipinas - Diliman.
Read: Retired colonel comes out as gay in obituary
PEDRING, MAYET, AND THEIR CHILDREN
Nakilala ni Pedring ang kanyang napangasawang si Mayet sa pinapasukang trabaho sa Makati noong 1997.
Nagtatrabaho si Pedring noon bilang isang janitor, habang ang kasintahan naman ay isang researcher.
Ikinasal sila noong 1998 at taong 2000 nang ipanganak ni Mayet and panganay nilang anak na si Nona.
Makalipas ang tatlong taon, noong 2003, isinilang naman ang bunsong anak na si Bea.
Ani Pedring sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) interview noong Hunyo 11, 2024, magaan naman ang pamumuhay nila noong una dahil magkatuwang sila ng asawa sa trabaho at gawaing-bahay.
“Masaya kaming mag-asawa dahil nakakapag-aral sa magandang eskwelahan ang mga anak namin at naibibigay namin ang mga pangangailangan nila,” sambit niya.
Ngunit sa kasamaang palad, binawian ng buhay si Mayet noong 2016 sanhi ng brain aneurysm.
Mula noon, mag-isa nang ginampanan ni Pedring ang responsibilidad ng pagiging magulang sa dalawang anak na babae.

Read: Newlyweds "disrespected" by parish priest on wedding day
PEDRING’S ROLE AS A DEDICATED FATHER
Grade 10 si Nona habang Grade 7 naman si Bea nang mawala ang kanilang ina.
Kaya naman hindi naging madali sa kanila ang maagang pagyao ng ina.
Umabot pa sa puntong nagkaroon ng depression ang bunsong anak dahil sa labis na lungkot.
Kaya bilang isang ama, ginawa ni Pedring ang kanyang makakaya upang hindi maramdaman ng mga anak ang kakulangan sa presensya ng isang ina.
Ibinigay niya ang lahat ng suporta—emosyonal at pinansyal—sa mga anak.
Ipinakonsulta niya ang bunsong anak sa isang psychiatrist upang makatulong sa pagpapagaling nito.
Kasabay noon, pinilit niyang ibigay ang mga bagay na makapagpapaligaya sa mga ito.
“Para maiwasan na malungkot sila, binibigay ko lahat ng gusto," kuwento ni Pedring sa PEP. "Kapag nagsabi na, ‘Daddy gusto ko mamasyal,’ ipinapasyal ko o binibigyan ko ng pera. Basta huwag lang talaga malulungkot.”
Sa ganoong paraan, unti-unti niyang natulungan ang mga anak na maka-move on sa pagkawala ng kanilang ina at maging masayang muli.

PEDRING AS A SINGLE FATHER TO NONA AND BEA
Hindi naging madali ang adjustments na ginawa ni Pedring mula nang mawalan ng katuwang sa buhay.
Maraming bagay ang kinailangan niyang matutunan upang magampanan ang mga responsibilidad.
Sabi niya, “Noong una, hindi ko alam ang gagawin ko. Lahat kasi sa ’yo—paglalaba, pagluluto, pag-aalaga, tapos nagtatrabaho ka pa.
“Nagdududa ako kung kakayanin ko ba, lalo na kapag may sakit sila, hindi ko alam ang gagawin.”
Ngunit kalaunan, natutunan din niyang balansehin ang oras sa trabaho at sa bahay.
Pinagsabay-sabay niya ang pagiging driver sa apat na kompanya.
“Pinasok ko ang Grab, Lalamove, Joyride, pati Mr. Speedy pa nga, e, kasi syempre, gusto ko maibigay ko talaga ‘yung mga kailangan nila.
"Para pag nagsabi sa akin, may maibibigay ako,” dagdag niya.
Tinatayang 15 hanggang 18 hours ang nakalaan para sa biyahe ni Pedring sa isang araw.
Sa mga bakanteng oras, ipinaglalaba, ipinagluluto, at inaasikaso niya ang mga anak.
Bagamat nakakapagod, totoong masaya si Pedring sa ginagawa niya.
Pagtatapat nito, “Nasusuklian din naman nila lahat ng pagod ko. Ang mahalaga kasi sa akin, makapagtapos sila ng pag-aaral. Kaya masasabi ko naman na sulit talaga.”
Ang bunsong si Bea, kasalukuyang nag-aaral sa De La Salle University - Dasmariñas, sa kursong Bachelor of Forensic Science.
Samantala, ang panganay na si Nona ay nagtapos bilang Magna Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Psychology sa University of the Philippines nitong 2024.
Sa kasalukuyan, nag-aaral siya ng Law sa UP Diliman pa rin.
Tunay na hindi madali, ngunit walang imposible sa isang amang may matayog na pangarap at pagmamahal para sa mga anak.
Si Pedring, gaya ng sinumang tunay na mapagmahal na magulang, gagawin ang lahat para sa ikabubuti ng mga anak.