Hindi hadlang ang pagkakaroon ng kapansanan para ma-reach ang full potential ng isang tao.
Ito ang pinatunayan ng 19-year-old content creator na si Erline Grace Maniquis, na mas kilala bilang “DEAFinitely Beautiful.”
Ipinanganak si Erline na walang pandinig at kakayahang magsalita. Sa kabila nito, nagawa niyang maging boses ng deaf community.
Gamit ang kanyang social media bilang platform, nagsimula si Erline na magturo ng sign language sa layuning pag-ugnayin ang agwat sa pagitan ng mga deaf at mga taong nakakarinig.
Ang TikTok ang nagsisilbing daan upang itaguyod ang kanyang adbokasiya bilang member ng deaf community.
Sa kasalukuyan, mayroon siyang higit 509 followers sa TikTok with 17.7 million likes at 17.1K subscribers sa YouTube.
Napaka-informative ng content ni Erline na bukod sa pagtuturo, binibigyang-diin nito kung paano at bakit kapaki-pakinabang ang kaalaman sa sign language.
Read: Beauty and brains Laica Pauline Uy, top 9 at May 2024 nursing board exam
THE EARLY YEARS OF ERLINE’S LIFE
Bunso sa pitong magkakapatid si Erline.
Eight months old pa lamang siya nang ma-diagnose na may profound hearing loss.
Sa isang interview sa Inquirer.net, ibinahagi ni Erlinda Maniquis, ina ni Erline, na napansin nilang walang response ang anak sa mga tunog.
“Minsan nagto-throw kami ng mga bagay sa likod tapos wala, hindi siya lumilingon. So we decided na ipatingin na lang sa doctor yung kanyang condition."
Doon na napag-alaman ng pamilya ang kalagayan ni Erline.
Puno man ng pangamba, nagdesisyon silang ipasok si Erline sa isang SPED (Special Education) School noong siya ay five years old.
Natuto si Erline ng sign language at naging top student sa kanyang klase.
Sa isa pang interview kasama ang journalist na si Izzy Lee, inilarawan ng ina ni Erline ang anak bilang isang masigasig na mag-aaral.
“Achiever siya at saka hindi siya puwedeng hindi manalo, iiyakan ka.”
Noong 2022, nagtapos si Erline ng senior high school sa Philippine School for the Deaf.
Siya rin ang nagbigay ng words of inspiration sa kanilang graduation bilang isang honor student.

READ: Woman, 24, discovers she was in photo of husband’s previous wedding when she was 9
ERLINE AS “DEAFINITELY BEAUTIFUL”
Taong 2019, naisipang magturo ni Erline ng sign language sa kanyang YouTube Channel.
Kuwento ng kanyang ina, “Dati, nag-start siya magtingin-tingin ng mga video. Tapos naisipan niya, paano raw sa deaf? So, nag-try siya. Now, maraming na-curious paano raw yung deaf.”
Magmula raw noon, dumami ang nagtatanong kay Erline kung paano siya nakakapag-TikTok at kung paano niya nilalapatan ng tunog ang kanyang mga videos.
Dahil sa atensiyong nakukuha, lalo raw naengganyo si Erline na gumawa pa ng mas maraming videos.
Mabuti na lang at may mga apps at modern tools na tinutulungan siyang malapatan ng captions at voice ang kanyang mga videos para mapanood at maunawaan kahit hindi marunong mag-sign language.
Hindi nagtagal, dumami na ang kanyang viewers, lalo na't makabuluhan ang content ni Erline.
Ipinapakita niya kasi na ang mga deaf ay kayang mamuhay bilang normal na tao.
Sa ilang videos ni Erline, naibahagi niya ang mga naranasang pambu-bully dahil sa kanyang kalagayan.
At malaking bagay para sa mga taong gaya niya na maintindihan siya.
Bahagi rin ng content ni Erline ang pagtataguyod sa paggamit ng FSL (Filipino Sign Language) sa halip na ASL (American Sign Language) upang mas maging madali ang makipag-communicate sa mga kagaya niya.
At ang mas nakatutuwa, si Erline mismo ang nag-e-edit ng sarili niyang videos. Nagagawa niya ito sa pamamagitan ng vibrations na nagsisilbing guide niya sa pag-cut ng clips niya.

THE FUTURE DREAMS OF ERLINE
Hindi man nakakapagsalita, maraming pangarap na nais maabot si Erline.
Beyond producing content, gusto niya ring magsimula ng sariling business.
Hindi naman naging imposible ito, dahil sa tulong ng mga kapatid ni Erline, nakapagpatayo siya ng isang gown at coat rental shop, ang La Grace.
Nais ni Erline na mapalaki pa ang kanyang negosyo upang makapag-hire ng deaf people.
Nais di niyang magkaroon ng mga organisasyon na tutulong at susuporta para sa mga gaya nila.
Ang kanyang platform aniya ay paraan para hindi malimitahan ang kakayahan ng mga gaya niyang may kapansanan.