Madalas pagalitan ng mga magulang ang mga anak na walang inatupag kundi ang online gaming tulad ng Mobile Legends (ML).
E, paano kung yung nanay mo mismo ang mahilig mag-ML?
Paano kung pinasok rin niya ang live streaming?
Wala sigurong makakapalag sa kanya kasi kumita siya ng PHP50,000 hanggang PHP120,000.
Ganito ang kuwento ni Alma Roque, 48, o mas kilala bilang Nanay Gaming, isang ML player at live streamer.
Sa panahon ng pandemya, si Alma ay naimpluwensiyahan ng bunsong anak na lalaki, at natutong maglaro ng sikat na online game.
“Nung pandemic, nagsimula akong mag-ML. Sila rin ang nagturo sa akin. Yun ang bonding namin,” kuwento ni Alma sa interview ng My Puhunan: Kaya Mo! ng ABS-CBN News.
“Hindi ko naman akalaing mag-click."
Dahil sa live streaming, naipaayos ni Alma ang kanilang bahay, at nakatulong para magkaroon ng puhunan sa kanyang sari-sari store.
“Nung nalaman ko na may pera para doon, siyempre, pinagpatuloy ko,” kuwento ni Alma.
“Bawat suweldo binibili ko ng gamit. Inaano ko rin sa tindahan. At least, pagkatapos ko [ng] live stream, may babantayan ako."
Kilala rin si Alma ng mga kabataan na mahilig maglaro ng ML.
Bukod sa kita na dati ay umabot ng PHP50,000 kada buwan, may separate earning pa siya na minimum PHP20,000 (monthly) mula sa isa pang streaming app.
Umabot na rin sa PHP75,000 ang kinita niya mula sa “stars” na ibinibigay sa kanya via Facebook.
Sa madaling salita, naranasan niyang umabot sa PHP120,000 ang kita niya sa isang buwan bilang digital creator.
Pero sa ngayon, nasa less than PHP50,000 ang kinikita ni Alma kada buwan.
Read:
- VIRAL: Pekeng oso sa zoo? Zoo management, sumagot na
- Man fulfills dream of becoming a dog with realistic costume worth PHP760K
FAMILY MATTERS
Sa kabila ng pagiging gamer at livestreamer, hindi raw pinabayaan ni Alma ang pagiging mother.
“Kahit naglalaro ako binibigyan ko sila ng limit,” aniya patukoy sa oras ng paglalaro ng kanyang mga anak.
“Sige, enjoy tayo sa ganito, pero bigyan niyo ng oras hanggang kailan. Siyempre, may mga trabaho, may mga gawaing bahay din.
“Pagkatapos ng lahat [ng gagawin], doon na kami, sama-sama kaming maglalaro.”
Ang online gaming din ang tumulong kay Alma na malampasan ang love problem niya noon.
Nang magkaroon sila ng di pagkakaunawaan ng kanyang mister noong pandemya, nakikita raw siya ng kanyang mga anak na umiiyak.
Problemado rin daw noon si Alma dahil wala siyang trabaho.
Kaya bukod sa pnakatulong ito sa kanyang mental health, nagkaroon din siya ng source of income.
Nagkaayos na raw sila ng kanyang mister, na ngayon ay nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sabi ni Alma, “Nasa Dubai ang asawa ko. Okay na kami. Nag-e-ML na rin siya. Mas adik pa siya sa akin.”
