Inilahad ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Julieva Benlingan ang kanyang survival story matapos matabunan ng gumuhong two-storey house.
Si Julieva ang Pinay survivor sa 7.8-magnitude earthquake na yumanig sa Turkiye at Syria noong February 6, 2023.
Na-trap siya for 60 hours sa ilalim ng gumuhong bahay ng kanyang Turkish employer sa probinsiya ng Hatay.
Lumikha ng ingay si Julieva gamit ang nahawakang kitchen utensil kaya siya natunton ng rescuers.
Pero bago siya nailigtas, inamin ni Julieva na ilang beses siyang nalampasan ng rescuers dahil hindi naririnig ang kanyang pagsigaw.
Read also: 2,000-year-old Gaziantep Castle sa Turkiye, isa sa mga na-damage sa 7.8-magnitude earthquake
“HINDI NILA AKO MARINIG.”
Sa report ng 24 Oras ng GMA News, ikinuwento ng OFW ang kalagayan niya sa ilalim ng gumuhong gusali.
“Naipit yung paa ko, naipit din yung ulo ko,” kuwento ng OFW.
Pinag-isipan daw ni Julieva kung ano ang puwede niyang gawin para magkaroon ng space sa kinaroroonan.
“Para yung mga ibang puwede kong basagin at puwede kong i-ano sa ulo ko, para mabigyan man lang ng space, para mai-move ko yung head ko…
“But then hindi ko talaga mai-move kasi nga na-stuck ako both sides.”

Ipinost ng kapatid ni Julieva na si Maribel, ang gumuhong bahay kung saan natabunan ni Julieva.
Sa higit dalawang araw niya sa guho ay hindi raw siya nakaramdam ng gutom at uhaw.
Pero napanghinaan daw siya ng loob dahil hindi siya naririnig ng rescuers na dumadaan.
“May mga tao na sumisigaw na, ‘May tao ba diyan?’ in their language.
“Sabi ko, ‘Yeah, I’m here! I’m here, help me!’ I am crying for help.
“Para akong nakikipagsigawan sa kanila, but then sabi nila pala, hindi nila daw ako marinig.”
Kalaunan, may nakapa si Julieva na gamit pangkusina at ito ang ipinukpok niya para lumikha ng ingay at matunton ang kanyang kinaroroonan.
“Pinatugtog ko yun, sabi ko, 'Andito ako,' para mag-ingay ako. Siguro yun ang way para marinig nila ang ingay ko.”
Ano ang gamit pangkusina na kanyang nakuha?
“Isang metal na pinukpok ko, yung sa na-stuck sa ulo ko.”
Nagbunga ito at doon siya nailigtas, at saka in-airlift para madala sa intensive care unit ng ospital.
PINAY SURVIVOR HOPES TO COME HOME
Sa ngayon ay mas maayos na ang lagay ni Julieva bagamat may mga sakit sa katawan pa siyang iniinda.
Pero lubos ang kanyang pasasalamat na buhay pa siya.
“It’s a big miracle. I’m a living testimony of God… that God is really there for us,” sabi niya.

Ang hiling ngayon ni Julieva ay makauwi ng Pilipinas at makapiling ang kanyang mga mahal sa buhay.
Sabi niya, “Kung fully recovered na po sana ako, sana po matulungan ako makauwi rin sa Pilipinas.
“At sana rin po makapunta rin yung anak ko rito kasi gustung-gusto ko na rin po makasama yung anak ko.”
Samantala, una nang naiulat na nakipag-ugnayan na ang kapatid ni Julieva na si Maribel sa Overseas Workers Welfare Administration na kumikilos ngayon para matulungan si Julieva.
Nag-post din si Maribel ngayong Miyerkules, February 22, na na-discharge na sa ospital ang kanyang kapatid na si Julieva.
