Wala sa edad ang pagiging achiever.
Pinatunayan ito ni Ma. Nida Moran Suarez, 65, matapos niyang maging topnotcher sa October 2022 Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) Elementary Level.
Top 10 si Nida, at may rating na 92.60 percent.
Produkto siya ng University of the Visayas-Dalaguete, at nagtapos noong 2020.
Ang pambihirang feat ni Nida ay ibinahagi ng kanyang anak na si Bezaleel James sa Facebook account nito noong December 17, 2022.

Ang post ni Bezaleel ay may kalakip na larawan nilang mag-ina nang mag-graduate si Nida.
Sabi ni Bezaleel sa post (published as is), "Maa, never doubted you ever since.
“You never failed to impress me with your excellence! This day, you continued to prove what you're capable of at the age of 65!
“Congratulations Ma! You suprised us! I Love You kaayo Ma!"
balik-eskwela sa edad na 59
Ayon pa kay Bezaleel, “Di po nakapagtapos ang mama ko sa time niya kasi nagdesisyon siyang magtrabaho ng kahit ano para mabuhay kami.”
Pagsapit ni Nida sa edad na 59, nagdesisyon umano ito na magbalik sa pag-aaral at kumuha ng kurso sa pagkaguro.

Ani Bezaleel, “Simula year 2016, despite sa edad niya.
“Sabi niya, gusto niyang ma-achieve yung dream niya, which is mag-top sa exam. So, nag-graduate siya year 2020.”
Hindi naman agad nakakuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) si Nida.
“Late po siya nakapag-take ng LET kasi nag-COVID-19 [pandemic] at wala pong filing that time.
“Kaya nakasabay na lang siya sa aking batch mag-take."
Kabilang din si Bezaleel sa mga pumasa, at nakakuha siya ng rating na 89.60 percent.
Pagbabahagi pa niya, nang lumabas ang resulta at malaman ni Nida na isa ito sa mga topnotchers, "Actually po, shock din po ako kasi tinanong niya ako: ‘Top 10 lang?’
“Alam kung mataas pa sana yung gusto niya, pero tuwang-tuwa naman po kami sa naging result.
"Di man ako nag-top, masaya po ako sa resulta lalo na para sa mama ko.”
Ayon pa kay Bezaleel, mula nang magtapos ang kanyang ina ay hindi pa ito nagtrabaho bilang guro.
“Nag-focus kasi siya sa pagre-review.
"Supposed to be pahinga na sana siya pero pinilit pa rin niyang makuha ang gusto niya, which is mag top.
“Alam kong papasa siya dahil sa mga nakikita ko, pero ang mag-top ang dream niya.”

proud mentor
Hindi naman nagulat si Anthony Silva Teo, isa sa mga mentor ni Nida, sa naging achievement nito.
Ani Anthony, “It is an honor of my life to be one of the mentors of Ate Nida. I have always known that this day would not be impossible.
“She used to frequent the library in all her vacant periods, she spoke her mind always during class discussion and always ready to share what wisdom she has in her years.
“When her younger classmates may not be able to submit assignments or projects, Ate never failed to be diligent and religious in her studies. Truly, she is a testament of hard work and persistence.”
Sa panayam naman kay Nida ni Dr. Carl Balita noong December 19, 2022, sinabi niya sa mga kapwa-senior citizen na, “Hindi natin dapat isipin na ang ating edad ay hadlang sa ating pag-learn.
“Ang learning ay isang process na eternal, it's everlasting. It will never stop.
"Kaya yung mga nangangarap pa lang at nagtuturo na ngayon pero hindi pa naka-board at gusto nilang maging LPT, there's a great chance for them to succeed.
"Kailangan lang mag-pray, study hard and choose the right review center partner.”
Ayon kay Dr. Balita, na may-ari ng mga review centers, sa pagkaalam niya ay si Nida ang pinakamatandang naging LET topnotcher.