Top 7 si Jericho Soniga Roque ng Talavera, Nueva Ecija, sa June 2022 Licensure Examination for Teachers.
Nakakuha siya ng rating na 90 percent.
Nagtapos si Jericho ng kursong Bachelor of Science in Elementary Education sa Nueva Ecija University of Science and Technology-MGT noong June 2019.
Iskolar siya ng local government ng Talavera.
Bunso siya sa dalawang magkapatid.

Nakapanayam si Jericho ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong August 19, 2022.
Ang kuwento niya, “Teaching ang kinuha ko dahil masarap sa pakiramdam ang nakakapagbahagi ng kaalaman sa iba.”
Pero kahit sobra ang pagkagusto niya sa kurso ay kulang ang kumpiyansa ni Jericho noon sa sarili, kaya hindi naging madali ang kanyang college life.
Aniya, “Pagiging mahina ang loob ang pinakamalaking pagsubok para sa akin. Pagkawala ng tiwala sa sarili. Dahil ako yung taong takot sa failure.
"Naiisip ko na kapag bumagsak ka, talo ka na agad.
“Yung pagkawala ng tiwala sa sarili at pagiging mahina ang loob para sa akin ang naging dahilan kung bakit pakiramdam ko ay napag-iiwanan na ako ng lahat, at naiisip ko na, ‘Hanggang dito na lang ba ako?’"

Na-overcome naman niya ito unti-unti sa tulong ng kanyang pamilya.
“Pinapalakas lagi ng pamilya ko at ng mga nagmamahal sa akin ang loob ko. Dahil sa kanila, nagkaroon ako ng kumpiyansa.”
May mga bagahe rin siya sa kalooban noong estudyante pa lang siya.
“Sobrang nahirapan ako dahil namatay yung dalawa kong lolo nung nag-aaral pa ako. Hindi man lang nila nakita yung kaunti at simpleng achievements ko sa buhay.
“Pero yung pangako ko sa kanila yung nagbigay sa akin ng lakas upang makapagtapos ng pag-aaral.”
Kasama rin siya sa mga naapektuhan ng pandemya ang pagkuha ng board exam.
“Noong 2020 pa po sana ako mag-e-exam kaso naabutan ng pandemic. Nag-worry tuloy ako na baka mahirapan ako sa exam, na baka hindi makapasa.”
At gaya ng dati, muli siyang nakaramdam ng kaba nang kumuha na siya ng board exam.
Ani Jericho, “May part na masaya ako after ng exams, pero may part din na kabado ako dahil feeling ko nagmadali ako sa pagsagot dahil ako ang unang lumabas sa testing school.
“Kapag kasi kinakabahan ako ay mabilis akong magsagot.”
Aminado rin siyang posibleng maging topnotcher siya o kaya ay bagsak.
“Naisip ko rin na paano kaya kung maging topnotcher ako? Karamihan naman siguro ay nangangarap ng ganoon.
"Ngunit hindi ko inasahan na mangyayari dahil sumagi rin sa isip ko na baka bumagsak pa ako.”
Kaya naman sobrang saya niya nang lumabas na ang resulta.

“Sumigaw talaga ako sa tuwa! Nagsigawan kaming buong pamilya.
“Nag-try lang kasi akong tingnan ang list of topnotchers dahil hindi ko ma-open agad ang link ng Professional Regulation Commission. Laking gulat ko na nandoon ang pangalan ko!”
Inialay ni Jericho ang kanyang tagumpay sa kanyang mga magulang, kapatid, at lola.
Sa ngayon ay isa siyang college instructor sa NEUST-MGT kung saan siya nagtapos ng kolehiyo.
Ang payo niya sa lahat ng mga estudyante: “Maging mapagkumbaba, lakasan ang paniniwala sa Panginoon, at mahalin ang inyong ginagawa.”