"Beauty and brains" ang common comments ng netizens nang maglabas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng teaser tungkol sa exclusive interview kay Jhoone Cyrelle DC Nacario.
Obvious kasi ang angking ganda ni Jhoone.
Bukod dito, siya rin ang Top 1 sa May 2022 Certified Public Accountant Licensure Examination.

Nakakuha siya ng rating na 88.83 percent.
AIMING FOR LATIN HONORS
Nagtapos siya ng kursong Bachelor of Science in Accountancy sa University of Sto. Tomas bilang cum laude noong 2020, pero hindi pala ito ang gusto niyang kunin nung nagkolehiyo.
Napakapanayam si Jhoone ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong August 5 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Aniya, “Ang first choice ko po talaga is travel management. Pero nalaman ko na maraming memorization doon—which is not my strongest suit—kaya di ko po itinuloy.
“Nag-decide akong accountancy ang kunin kasi nae-enjoy ko yung math nung high school.”
Aminado siyang mahirap ang kanyang kinuhang kurso.
Nakadagdag pa rito ang challenge na ibinigay niya sa sarili.
“Ginusto ko pong maging cum laude.
“Noong third year college po kasi, noon lang ako nakasama sa dean’s list.”
Noon na rin daw siya nagdesisyon na itodo ang sipag sa pag-aaral para maka-graduate with honors.
“Dun ko lang na-realize na kaya ko naman pala.
"Kaya simula nun, naging goal ko na maging cum laude kaya hinila ko lang po talaga yung GWA [general weighted average] ko nung fourth and fifth year para umabot yung grades ko.”

Nais din daw ni Jhoone na sorpresahin ang kanyang ina na nagtatrabaho bilang nurse sa Japan.
Ang 23-year-old stunner na taga-Valenzuela City ay only child.
Sa pagpapatuloy niya, “Gusto ko po kasi na pag umuwi ang Mama ko sa graduation ko, mapapaakyat ko siya ng stage para sabitan ako ng medal.”
Kaya ang lahat ng oras niya ay inilaan sa pag-aaral.
“Every day na review ng mga lectures, and hindi na ako sumasama tuwing aalis yung family ko kasi marami pa akong dapat aralin.”
BEYOND HER EXPECTATIONS
Pero gaya ng maraming estudyante, nagkaroon siya ng pangamba dahil sa pandemya. Makakakuha pa ba kaya siya ng board exam? Ano ang mangyayari sa mga graduates na napurnada ang pagkuha ng board exam?
Aniya, “I felt lost as my plans took a detour and it felt impossible to find my way back.
“Mahirap mag-aral kasi di mo alam kung may pupuntahan ba yung inaaral mo.”
Nakadagdag sa stress niya ang takot na mahawa ng virus.
“But despite these challenges, I stayed resilient and focused on my goal to be a Certified Public Accountant.”
Aminado rin siyang nahirapan sa board exam. “Yes po, mahirap!
“Kasi may isang subject na karamihan di ko alam yung mga sagot sa tanong. Akala ko di ako papasa dun kasi hinulaan at dinasalan ko lang yung ibang items.”
Hindi na rin siya umasa o nangarap na magiging topnotcher.
“No, hindi ko po naging goal yun. Takot na takot lang talaga akong bumagsak kasi pagod na akong mag-aral.
“Almost two years na kasi akong nagre-review for the boards dahil sa pandemic. Kaya gusto ko, pag nag-take ako, alam kong ginawa ko ang lahat para pumasa.”
Kaya naman nang lumabas na ang resulta ay hindi makapaniwala si Jhoone na siya ang Top 1.

Sabi niya, “Kasi I never prayed po talaga na mag-top ako, lalo na ang mag-Top 1.
“I just prayed na sana enough yung efforts ko para maging CPA ako. Thankfully, it was more than enough.”
Inialay ni Jhoone ang tagumpay sa pamilya. Higit sa lahat, natupad ang kanyang personal goal para sa ina.
Masaya niyang sambit, “Five years ago po kami huling nagkita ng Mama ko. Pero dahil nag-top ako, umuwi siya at naka-attend ng graduation ko.”
Sa ngayon ay employed siya bilang Audit Associate sa isang auditing firm sa Makati City.
Ang payo ni Jhoone sa mga gustong maging CPA, “Accountancy is not all about math. Di mo kailangang maging sobrang talino.
“Need mo lang maging disciplined at maniwalang kaya mo.”