Top 10 si Wilhelmina Albert M. Pascua, 23, ng Quiapo, Manila, sa June 2022 Physical Therapist Licensure Examination.
Nakakuha siya ng rating na 85.90 percent.
Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Physical Therapy sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila noong June 30, 2020.
Nitong July 5, nagkaroon ng pagkakataong makapanayam si Wilhelmina ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) tungkol sa kanyang college journey.
Pagbabahagi niya, “Si Mama ay single mom po kaya siya lang ang nakasama ko habang lumalaki ako. Pero may contribution naman si Papa sa pagpapaaral sa akin.”

Wala umano siyang idea noon sa kursong kanyang kinuha.
“Hindi ko nga alam na five years pala yun, e. Inilagay ko lang na first choice ko ang PT kasi nagmamadali nang ipapasa yung form.
"'Tapos hindi ko pa sure kung ano ba ang ilalagay ko. Sabi ng friend ko na kasabay ko, maganda raw ang PT kaya yun na lang ang inilagay ko.
"Natanggap naman kaya itinuloy ko.”
Nagplano raw mag-shift ng kurso si Wilhelmina pagkatapos ng first semester para kumuha ng chemical engineering.
“Kasi yun talaga ang gusto ko, and para magamit ko yung DOST scholarship ko.
"Kaso lang, super natuwa ako sa blockmates ko kaya hindi na ako lumipat at itinuluy-tuloy ko na yung PT.”
NAHIRAPAN SA MGA SUBJECTS NOONG 3RD AT 4TH YEAR
Itinuturing ni Wilhelmina na ang most challenging part ng kanyang buhay kolehiyo ay noong third year na siya.
“Doon kasi nagsimula na puro major subjects na, so, malaking adjustment po talaga. Naranasan kong mapabilang sa mga lowest students sa certain subjects.”
Nagpatuloy aniya ang ganitong agony hanggang fourth year na siya.
“Kaya may time na nag-search na ako ng schools na puwede kong lipatan kung sakali.”
Pero dahil ayaw niyang may mabago pa sa kanyang routine, sinikap niyang mag-stay sa PLM at tinutukan ang mga subjects na nahihirapan siya.
Nagkaroon din ng sistema ang kanilang batch na nagtulungan para gumawa ng reviewers.
“Napadali talaga nung reviewers yung buhay namin kasi imbes na basahin pa namin yung bawat libro, ang aaralin na lang namin ay yung reviewers na pinaghirapan ng lahat.”
May pet cat din siya na naging stress reliever niya.
Ang isa pa niyang naging tool: “Nakatulong sa akin yung panonood ng K-dramas at pagiging K-pop Stan para malimutan for a while yung struggles ko.”
DINAPUAN NG KAKAIBANG SAKIT
Disappointed naman si Wilhelmina na kanselado ang August 2020 at February 2021 board exams dahil sa pandemya.
“Masasabi ko talaga na sobrang nag-aral talaga ako. Kaso nung dumating yung balita na cancelled na naman yung February 2021 boards, na-discourage na ako nang sobra noon.”
Pagsapit ng March 2021 ay nagkasakit siya kaya umuwi muna sa probinsiya para magpagaling.
“I was diagnosed with Hyperthyroidism due to Graves’ disease, which is unknown yung cause.
“Who would have thought na yung isa sa mga inaaral ko ay magiging condition ko na pala?
“Sabi ko sa sarili ko, sa dinami-rami nang puwedeng magkasakit, bakit ako pa?
“Pero naisip kong mas okey na lang na ako kaysa yung family or friends ko.”
Lumala ang kanyang kondisyon.
“By that time, sobrang deconditioned ako kasi hindi ako nakakakain nang maayos.
“Hindi ko kayang maglakad nang malayo, ni halos di nga ako makaakyat ng stairs, and hindi ko talaga kayang i-tolerate yung init.”
Mula sa apat na magkakaibang gamot na kanyang iniinom araw-araw, naging 11 tablets a day.
“Nag-struggle kami financially. Pero thankful ako kasi maraming tumulong, mga friends ni Mama. Yung batchmates ko, nag-ambag-ambag pala para maka-help sila.”
Pero hindi pa rin nakakuha si Wilhelmina ng December 2021 exam.
NAKA-RECOVER, NAGING TOPNOTCHER
Unti-unti, dahil sa patuloy na medikasyon ay naka-recover si Wilhelmina.
“Fortunately, kinaya kong magbasa-basa na ulit kaya nakapag-take ako nitong June 2022 boards.”

Aminado siyang nahirapan sa exam.
“Umiiyak ako noong first day ng exam pag-uwi ko. Sabi ko kay Mama, di ako sure kung papasa kasi parang wala akong idea sa mga questions.
“Nung second day, mas may mga nasagot ako, pero never akong naging confident na sure pass na ako.”
Hindi rin siya umasang magiging topnotcher.
“Never kong ipinagdasal na maging topnotcher kasi feeling ko ay hindi sapat yung efforts ko para hilingin yung ganung kalaking bagay.”
Kaya sobrang gulat niya nang malamang kasama siya sa Top 10.
“May nag-chat sa GC [group chat] naming tropa na may results na. Halos ayaw kong tingnan yung results sa sobrang kaba.
"Nung nakita ko yung pangalan ko sa list of passers, napaiyak na ako. Pero nagtaka ako na ang daming nag-message ng congrats, and ang galing ko raw.
"Saka ko nalaman na 10th placer pala ako. Napaiyak kami lalo ni Mama, at ibinalita niya sa lahat naming relatives.”

May listahan si Wilhelmina ng mga pinag-alayan niya ng tagumpay.
“Sa family ko, lalung-lalo na po kay Mama, at sa pusa ko po, hahaha!
“Sa mga tita and tito ko na mga kapatid ni Mama, sa mga neighborhood titas ko, friends from Baste, MaSci and PLM, Spartans Review Center, PLM profs, PLM BSPT Batch 2020.
“Sa Quiapo church priests, especially kay Fr. Danichi Hui, kasi yung words niya ang nagpalakas talaga ng loob ko.
“Kay Lord who made all of these things possible.”
Sa ngayon ay binabalanse pa niya ang mga konsiderasyon sa landas na gusto niyang tahakin.
“May part sa akin na gustong magturo sa PLM.
“Siyempre, gusto ko rin talagang mag-work as a Physical Therapist sa hospitals kasi super nami-miss ko na ang mga pasyente.”